2025
Pagtakas mula sa Vietnam
Hulyo 2025


“Pagtakas mula sa Vietnam,” Liahona, Hulyo 2025.

Mga Kuwento mula sa Saints [Mga Banal], Volume 4

Pagtakas mula sa Vietnam

Nang ang mga Banal sa Vietnam ay nagdusa sa digmaan, paglikas, mga kampo, at pagkahiwalay sa kanilang pamilya, nanatili silang matatag sa kanilang pananampalataya.

dalawang lalaking nakamasid sa pagdaan ng isang tangke

Paglalarawan ni David Green

Isang maaliwalas na Linggo noong Abril 1975 sa bansang Vietnam na winasak ng digmaan, pumasok si Nguyen Van The (“Tay” ang bigkas), president ng Saigon Branch, sa lokal na meetinghouse. Agad siyang pinalibutan ng mga miyembro ng branch, na ang mga mukha ay puno ng kabiguan at pag-asa. “President The! President The!” sigaw nila. “Ano ang ibabalita ninyo?”

“Sasabihin ko sa inyo ang lahat ng alam ko pagkatapos ng sacrament meeting,” sabi niya. Hinimok niya ang lahat ng tao na manatiling kalmado. “Lahat ng tanong ninyo ay masasagot.”

branch president na tumatanggap ng donasyon sa ikapu

Tumanggap si Nguyen Van The, president ng Saigon Branch, ng isang donasyon sa ikapu noong 1973—mga dalawang taon bago napilitan ang mga miyembro na lisanin ang Saigon dahil sa digmaan.

Sa loob ng ilang dekada, naging hinating lupain ang Vietnam. Sumiklab ang digmaan pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Halos isang dekada nang nakipaglaban ang mga puwersang Amerikano na kasama ng South Vietnamese laban sa komunistang pamamahala ng North Vietnam, pero dahil sa dami ng namatay ay umatras ang Amerika sa digmaan. Ngayo’y papalapit na ang mga puwersang North Vietnamese sa timog na kabisera ng Saigon.

Nang pumasok si President The sa chapel at umupo sa harapan, dinig niya ang dagundong ng pagbomba ng kanyon. Ang digmaang naghatid sa napakaraming Banal na Vietnamese sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay winawasak na ngayon ang branch.

Pagkatapos ng miting, ipinaalam ni President The sa mga Banal na handa ang embahada ng Estados Unidos na ilikas ang mga miyembro ng Simbahan. Iginiit ng mga miyembro ng branch na lumikas kaagad ang pamilya ni President The upang lubos niyang mabigyan ng atensyon ang paglikas ng iba pa.

Lumipad ang asawa niyang si Lien, at ang kanilang tatlong anak, kasama ang kanyang ina at mga kapatid, palabas ng Saigon makalipas ang ilang oras.

Kinabukasan, sumakay ng motorsiklo si President The at ang isa pang kapwa Banal na si Tran Van Nghia para humingi ng tulong sa International Red Cross. Pero hindi nagtagal ay may nasalubong silang tangke na may malaking baril na mabilis na gumugulong papunta sa kanila.

Lumihis ng kalsada si Nghia, at nagtago sila ni President The sa isang kanal. Nilampasan sila ng tangke.

Nasa kamay na ngayon ng North Vietnamese ang Saigon.

Pagkaraan ng isang linggo, noong Mayo 1975, bumaba si Le My Lien mula sa isang siksikang bus sa isang kampo ng militar malapit sa San Diego, California, sa West Coast ng Estados Unidos. Nasa harap niya ang isang malawak na lungsod ng mga tolda na itinayo para silungan ng 18,000 refugee mula sa Vietnam.

Walang kapera-pera si Lien at kakaunti ang alam niyang Ingles. At mayroon siyang tatlong anak na aalagaan habang naghihintay ng balita tungkol sa kanyang asawa sa Vietnam.

Noong unang gabi nila sa kampo, ginawa ni Lien ang lahat para maging komportable ang kanyang mga anak. Walang ibinigay na kumot ang kampo at isang mahihigaan lang ang ibinigay sa kanya. Nagsiksikan ang mga anak niyang sina Vu at Huy sa higaan habang natulog naman ang sanggol sa isang duyang ginawa ni Lien mula sa isang kumot at mga lastiko.

Walang lugar na mahigaan si Lien, kaya natulog siya nang nakaupo sa gilid ng higaan, at nakasandal sa poste ng tolda. Malamig ang mga gabi, at lalo siyang nagkasakit. Hindi nagtagal ay natuklasan na mayroon siyang tuberkulosis.

Patuloy niyang ipinagdasal na manatiling matatag ang kanyang asawa, naniniwala na kung makaligtas siya sa pagsubok na ito, makakaligtas din ang asawa niya sa pagsubok nito. Wala na siyang nabalitaan mula rito mula nang tumakas siya palabas ng Saigon.

Kapag idinuduyan ni Lien ang umiiyak niyang sanggol tuwing umaga, umiiyak din siya. “Sana po,” pagsamo niya sa Panginoon, “hayaan Ninyo akong makaraos sa araw na ito.”

Noong 1976, nakulong si President The sa Thành Ông Năm. Desperado na siyang makabalita tungkol sa kanyang asawa’t mga anak, pero ang tanging nalaman niya tungkol sa kinaroroonan ng kanyang pamilya ay nagmula sa isang telegrama mula sa president ng Hong Kong Mission: “Okey lang si Lien at ang kanyang pamilya. Sa tulong ng Simbahan.”

Ngayon, mahigit isang taon ang nakalipas, iniisip ni The kung kailan siya muling lalaya.

Nakakabawas ng dignidad ang buhay sa bilangguan ng kampo. Nasa barracks na puno ng daga si The at ang kapwa niya mga bihag. Natulog sila sa mga kamang gawa sa mga slab o pinagtabasan ng bakal. Dahil sa kakarampot at sirang pagkain, pati na sa maruruming kundisyon sa kampo, madaling kinapitan ng mga sakit ang kalalakihan tulad ng dysentery at beriberi.

Ang re-education tungkol sa mga prinsipyo ng bagong pamahalaan ay kinapalooban ng napakabigat na trabaho at pagtuturo ng doktrina ng pulitika. Sinumang lumabag sa mga patakaran ng kampo ay makakaasa na tatanggap ng malupit na pambubugbog o pagkakulong nang nag-iisa.

Nakaligtas si The sa pamamagitan ng hindi paggawa ng mga bagay na kapansin-pansin at pagkapit sa kanyang pananampalataya. Sa loob ng ilang panahon, pinag-isipan niyang tumakas mula sa kampo. Pero naramdaman niya na pinipigilan siya ng Panginoon. “Magtiis ka,” bulong ng Espiritu. “Magiging maayos ang lahat sa takdang panahon ng Panginoon.”

Pagkaraan ng kaunti pang panahon, nalaman ni The na papayagan ang kapatid na babae niyang si Ba na bisitahin siya sa kampo. Kung makakapagpuslit ito ng liham sa kanyang pamilya, maaari niyang ipadala iyon sa kanila.

Sa araw ng dalaw ni Ba, naghintay sa pila si The habang kinakapkapan ng mga tanod ang buong katawan ng mga presong nauna sa kanya. Itinago niya ang liham sa ilalim ng tela sa loob ng sumbrero niya. Pagkatapos ay naglagay siya ng maliit na notebook at ballpen sa sumbrero. Kung susuwertihin, mababaling ang atensiyon ng mga tanod sa notebook.

Sinuri nila ang ballpen at notebook, pagkatapos ay pinaraan na siya.

Hindi nagtagal, nakita ni The ang kanyang kapatid at inipit niya ang liham sa mga kamay nito. Umiyak siya nang bigyan siya ni Ba ng pagkain at pera. Nagtiwala siya na maipapadala nito ang sulat niya kay Lien.

Makalipas ang anim na buwan, nagbalik si Ba sa kampo na may dalang liham. Nasa loob nito ang isang retrato ni Lien at ng mga bata. Natanto niya na hindi na siya makapaghihintay.

Kailangan niyang maghanap ng paraan para makalabas ng kampo at makasama ang kanyang pamilya.

Si Nguyen Van The kasama ang kanyang pamilya

Si Nguyen Van The at ang kanyang asawang si Le My Lien, kasama ang kanilang anak noong 1973. Nakahanap siya at ang kanilang tatlong anak ng kanlungan sa Estados Unidos, pero sapilitang ikinulong si The sa isang kampo. Kalaunan, sinabi niya, “Nakaligtas ako sa ‘re-education’ ng kampo dahil … nanampalataya ako kay Jesucristo.”

Bilang bahagi ng misyon nitong pangalagaan ang mga pamilya, nakipag-ayos ang LDS Social Services sa mga miyembro ng Simbahan sa Estados Unidos na pangalagaan ang 550 Vietnamese refugee, na karamihan ay hindi miyembro ng Simbahan. Si Lien at ang kanyang pamilya ay inisponsor ni Philip Flammer, isang propesor sa Brigham Young University, at ng asawa nitong si Mildred. Tinulungan nila ang pamilya na lumipat mula California papuntang Provo, Utah.

Noong una, nahirapan si Lien na makahanap ng trabaho. Dinala siya ni Philip sa isang thrift store para mag-apply bilang janitor. Pero sa interbyu, pinunit ng manager ang high school diploma niya at sinabi sa kanya, “Hindi ito angkop dito.”

Hindi nagtagal ay nakahanap siya ng pansamantalang trabaho na mamitas ng mga cherry sa kalapit na taniman. Pagkatapos ay nakahanap siya ng trabaho bilang mananahi at dinagdagan ang kanyang kita sa pagbe-bake ng mga cake para sa kasal. Sa tulong ni Philip, kumita rin siya sa pagta-type ng mga report para sa mga estudyante ng BYU.

Sa kabila ng paghihirap ng kanyang pamilya, nanatiling tapat si Lien sa Panginoon. Itinuro niya sa kanyang mga anak ang kapangyarihan ng panalangin, batid na malalagpasan nila ang kanilang mga pagsubok sa tulong nito.

Pagkatapos, noong huling bahagi ng 1977, nalaman ni Lien na nasa isang refugee camp sa Malaysia ang kanyang asawa. Nagawa nitong lisanin ang Vietnam sakay ng isang lumang bangkang pangisda matapos palayain mula sa Thành Ông Năm. Ngayo’y handa na siyang muling makasama ang kanyang pamilya. Ang tanging kailangan niya ay isang sponsor.

Nagsimulang magtrabaho si Lien nang mas maraming oras para makaipon ng sapat na pera para dalhin si The sa Estados Unidos.

Noong Enero 1978, kinakabahang naupo si Le My Lien sa isang kotse papunta sa Salt Lake City International Airport. Makikipagkita na siya sa kanyang asawa sa unang pagkakataon sa loob ng halos tatlong taon.

Pagdating sa airport, sumama si Lien sa iba pang mga kaibigan at miyembro ng Simbahan na dumating para salubungin si The.

Hindi nagtagal, nakita ni Lien si The na pababa ng escalator. Mukhang maputla ito at kita ang kalituhan sa mga mata nito. Pero nang makita nito si Lien, tinawag niya ito. Nag-umapaw sa tuwa ang puso ni Lien.

Niyakap niya si The. “Salamat sa Diyos sa langit,” bulong niya, “nakauwi ka na rin sa wakas!”

Mga Tala

  1. Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 1, 5–7. Sipi na inedit para maging mas tumpak; sa halip na “The,” ang orihinal na pinagmulan ay may phonetic spelling na “Tay.”

  2. Kiernan, Việt Nam, 385–91, 395–451; Taylor, History of the Vietnamese, 446–47, 478–83, 536–619.

  3. Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 1, 6–18, 119, 127–33, 136–37; Britsch, From the East, 435–37; “Saigon Branch Evacuation List,” Mayo 13, 1975, Unang Panguluhan, Pangkalahatang Liham, CHL; Le, Oral History Interview, 1–3; Nguyen, “Escape from Vietnam,” 29.

  4. Le, Oral History Interview, 2–5, 9–10, 16–19, 21, 23, 27; Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 236.

  5. Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 158–60, 163, 184, 190. Sipi na inedit para mas madaling basahin; ang orihinal na pinagmulan ay “LIEN AND FAMILY FINE WITH CHURCH.”

  6. Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 160–62, 165–73, 174–79, 189; Vo, Bamboo Gulag, 62–63, 72, 77, 117–26, 143–46, 151–56. Sipi na inedit para mas madaling basahin; “would” ang orihinal na binago at ginawang “will.”

  7. Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 190–94.

  8. Nguyen Van The, sa Water Tower Chronicles (blog), watertowerchronicles.weebly.com/the-van-nguyens-story.

  9. Le, Oral History Interview, 29, 45–63; Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 195–98, 203–13, 220.