2025
Napatulog ng Panginoon
Hulyo 2025


“Napatulog ng Panginoon,” Liahona, Hulyo 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Napatulog ng Panginoon

Pinakalma ng Diyos ang aming anak at pinanatag ako noong kailangang-kailangan namin ito.

paglalarawan sa isang batang natutulog habang nakakabit sa EEG machine

Paglalarawan ni David Malan/Malan Creative

Noong 10 buwan na ang panganay naming anak na si Caden, iniwan namin siya ng asawa kong si David sa pangangalaga ng mga magulang ko sa unang pagkakataon. Lumabas kami para kumain at pagkatapos ay nanood kami ng sine. Nang makuha namin ang aming popcorn at makaupo na kami, tumawag ang nanay ko.

Hindi raw humihinga ang baby namin, at may papunta nang ambulansya!

Nagmamadali kaming umuwi na takot-na-takot at patakbo kaming pumasok sa loob para makita si Caden na yakap ni Inay, at nakangiti sa mga paramedic. Okey na siya, pero nagkaroon siya ng kombulsyon.

Hindi matukoy ng mga doktor ang sanhi ng kombulsyon o ng dalawang magkasunod na kombulsyon, pero nagreseta sila ng gamot para makatulong. Dahil bago pa lamang akong ina, labis akong nalungkot. Mukhang OK naman si Caden, pero sinubok ng karanasang ito ang pananampalataya ko. Nalugmok ako sa problema at pag-aalala.

Pagkaraan ng dalawang taon inirekomenda ng isang neurologist na magsagawa ng electroencephalogram (EEG) kay Caden, isang pagsusuri na susukat sa paggana ng utak niya habang tulog siya. Kung maganda ang resulta, maaari siyang tumigil sa pag-inom ng gamot para sa kombulsyon.

Nag-alala ako sa pagsusuri dahil tumigil na si Caden sa pag-idlip isang taon bago iyon. Paano namin siya patutulugin sa opisina ng isang abalang doktor nang may electrodes sa ulo niya?

Noong gabi bago ang pagsusuri, binigyan ni David si Caden ng basbas ng priesthood. Nang magsimula ang basbas, nadama ko ang matinding presensya ng Espiritu. Nalaman ko na magiging OK ang lahat. Ito ang unang pagkakataon na nakadama ako ng kapayapaan mula noong una siyang magkombulsyon.

Kinabukasan ay ikinabit ng mga doktor ang electrodes sa ulo ni Caden. Pagkatapos ay inilapag namin siya sa exam table at pinatay ang mga ilaw.

Ilang minuto lang ay tulog na siya. Maaaring hindi ito mukhang isang himala, pero mahigit isang taon na siyang hindi umiidlip nang mag-isa.

Hindi kami nakalimutan ng Ama sa Langit. Naroon ang Kanyang Espiritu sa opisina ng doktor na iyon, at pinakalma Niya si Caden at pinanatag ako. Nagbago ang saloobin ko sa mga pagsubok at basbas ng priesthood noong araw na iyon. Alam ko na ang kapangyarihan ng priesthood ay tunay.

Ngayon ay young adult na si Caden. Hindi pa siya nagkakaroon ng kombulsyon simula noong baby pa siya. Naharap na siya sa iba pang mga hamon pero nalampasan niya ang karamihan sa mga iyon. Alam ko na patuloy siyang binabantayan ng Panginoon at pinakakalma ang takot ko (tingnan sa Lucas 8:50).