2025
Makikita ba Naming Muli ang Aming Apo?
Hulyo 2025


“Makikita ba Naming Muli ang Aming Apo?” Liahona, Hulyo 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Makikita ba Naming Muli ang Aming Apo?

Ang desisyon naming tanggapin ang paanyaya ni Pangulong Nelson ay humantong sa isang di-inaasahang himala.

paglalarawan sa screen ng cell phone na may mensahe

Paglalarawan ni David Malan/Malan Creative

Noong taong 1999 pumanaw ang panganay naming anak. Naulila niya ang kanyang asawa at isang-taong-gulang na anak na babae na nagkaroon ng masayang relasyon at magandang pakikipag-ugnayan sa amin linggu-linggo noon.

Dahil sa masaklap na sitwasyon, noong ikatlong kaarawan ng aming apo namin siya huling nakausap. Sa loob ng maraming taon, nagdasal, nag-ayuno, at umasa kami na kahit paano ay makita namin siyang muli.

Noong pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2018, nagbigay si Pangulong Russell M. Nelson ng isang paanyayang may pangako: “Hinihikayat ko kayo na humanap ng paraan na regular na makipagkita [sa] Panginoon—sa Kanyang banal na bahay—gawin ito nang may [katumpakan at] kagalakan. Ipinapangako ko sa inyo na ibibigay ng Panginoon ang mga himala na alam Niyang kailangan ninyo habang nagsasakripisyo kayo upang makapaglingkod at makasamba sa Kanyang mga templo.”

Nang marinig ko ang mga salitang ito, nadama ko na kinakausap ako ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Kaya, nangako kaming mag-asawa na magsisimula kaming dumalo sa templo tuwing Martes at tutuparin namin ang pangakong iyon “nang may katumpakan at kagalakan.”

Isang araw noong 2019, hindi inaasahan na nag-message sa akin online ang 21-anyos naming apo noon. Mabagal ang kanyang komunikasyon noong una, pero habang patuloy ang kanyang mga mensahe, nagsimula siyang magtanong na nagpasimula ng isang kamangha-manghang komunikasyon sa pagitan namin. Pansamantala niya kaming pinapasok sa buhay niya noong una at pagkatapos ay dumalas iyon.

Noong 2021 niyaya namin siyang gugulin ang Thanksgiving sa aming pamilya. Pumayag siya, at nagkaroon kami ng masayang pagkakataong kilalanin siya. Madali siyang nakasundo ng kanyang mga tita, tito, at pamangkin. Gusto niyang maging tradisyon ang pagbisita niya tuwing Thanksgiving.

Makalipas ang isang taon, muling nakipag-ugnayan sa amin ang isang anak na nawalay sa amin. Noong Marso 2024, sa unang pagkakataon sa buhay ng aming pamilya, nagkaroon kami ng family reunion na kinabilangan ng bawat buhay na anak, asawa nila, at lahat ng 16 na apo.

Noon pa man ay naniniwala na ako na ang propeta ay nagsasalita para sa Panginoon. Naniniwala ako na ang kailangang-kailangang himalang ito ay dumating dahil sa inihayag na patnubay at pangako ni Pangulong Nelson.

Ang aking patotoo at pagmamahal para sa aking Ama sa Langit at sa Kanyang Anak noon, at ngayon, ay hindi nakasalalay sa himalang ito. Gayunman, namamangha ako sa personal na pagmamahal Nila sa akin at sa bisa ng Kanilang mga pangakong dumarating sa pamamagitan ng propeta.