2025
Ang Pananampalataya ni Sister Muñoz
Hulyo 2025


“Ang Pananampalataya ni Sister Muñoz” Liahona, Hulyo 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Pananampalataya ni Sister Muñoz

“Himala! Himala!” sigaw ng batang lalaki habang tumatakbo sa kalye.

paglalarawan sa isang tinedyer na lalaki na palapit sa dalawang missionary

Paglalarawan ni David Malan/Malan Creative

Noong 1967, kasama kaming dalawa ni Elder William Danner sa unang 20 missionary na naglingkod sa Colombia. Hindi kami gaanong nagtagumpay hanggang sa ipakilala kami ng isang lalaking nagngangalang Raúl, na tinuturuan ng ibang mga missionary, sa pamilya Muñoz. Matindi ang Espiritu nang turuan namin ang pamilya, nang patotohanan namin si Propetang Joseph Smith at ang Panunumbalik.

“Alam ko na nagsasabi ng totoo ang mga binatang ito,” sabi ni Raúl. “Taglay nila ang priesthood na tinaglay ni Jesucristo noon. Maaari silang umakyat ngayon at pagalingin ang bulag na anak mong si Margarita.”

Tumingin sa akin si Sister Muñoz at nagtanong, “Totoo ba iyan?”

Parang may nakabara sa aking lalamunan. Noon lang nasubukan nang ganoon katindi ang aking patotoo. Batid ko na ang gayong himala ay mangangailangan ng matibay na pananampalataya. Nalaman namin ng kompanyon ko kalaunan na sinabihan ng mga espesyalista sa mata ang pamilya na si Margarita, na nawalan ng paningin anim na buwan na ang nakararaan kasunod ng isang aksidente, ay hindi na muling makakakita.

“Taglay ninyo ang priesthood na katulad ng kay Jesucristo,” sabi ni Sister Muñoz. “Bulag ang anak ko. Umakyat na tayo at pagalingin ninyo siya.”

Noon lang ako nakasaksi ng gayon kalaking pananampalataya. Katulad siya ng asawa ni Haring Lamoni, na nagsabi kay Ammon, “Naniniwala akong mangyayari ang alinsunod sa iyong sinabi” (Alma 19:9).

Pinahiran ni Elder Danner ng langis si Margarita, at ako ang nag-seal sa pagpapahid ng langis. Sa aking pagkamangha, hindi sa akin ang mga salitang lumabas sa aking bibig: “Ikaw ay gagaling at babalik ang iyong paningin.” Nadama ko ring ipahayag ang iba pang mga basbas, kabilang na ang pagtulong ng mga miyembro ng pamilya sa pagtatayo ng Simbahan sa Colombia. Pagkatapos, inisip ko kung may mga naipangako ba ako na hindi matutupad.

Kinabukasan, ang tinedyer na anak ng pamilya ay tumakbo papunta sa amin sa kalye, na sumisigaw, “Himala! Himala! Nakakakita na ang kapatid ko!”

Nagbinyag kami ng 13 katao sa linggong iyon.

Naging matatapat na miyembro ng Simbahan sina Brother at Sister Muñoz. Ang kanilang impluwensya, pati na ang trabaho ni Brother Muñoz bilang pinuno ng customs sa Colombia, ay nakatulong sa pagpapalaganap ng ebanghelyo roon. Nagmisyon ang isang anak nilang babae; naging bishop ang kanyang kapatid na lalaki. Nanatiling nakakakita si Margarita habambuhay.

Sinabi ni Jesucristo tungkol sa mga taong sumasampalataya sa Kanya, “Sa aking pangalan ay bubuksan nila ang mga mata ng bulag” (Doktrina at mga Tipan 84:69). Alam ko na “lahat ng bagay ay maaaring mangyari sa kanya na nananampalataya” sa Tagapagligtas (Marcos 9:23).