2025
Pagsagot sa Malaking Tanong: Ano ang Palagay Ninyo tungkol [kay] Cristo?
Hulyo 2025


“Pagsagot sa Malaking Tanong: Ano ang Palagay Ninyo tungkol [kay] Cristo?” Liahona, Hulyo 2025.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 76

Pagsagot sa Malaking Tanong: Ano ang Palagay Ninyo tungkol [kay] Cristo?

Ano ang pagkakaiba sa kabilang-buhay hinggil sa kung paano natin sagutin ang tanong na ito?

paglalarawan kay Jesucristo

Paglalarawan ni David B. Chamberlain

Ang bahagi 76 ng Doktrina at mga Tipan ay naglalahad ng isang pangitaing nakasentro kay Cristo, na nag-aanyaya sa lahat ng mga anak ng Diyos na pagnilayan ang malalim na tanong na, “Ano ang palagay ninyo tungkol [kay] Cristo?” (Mateo 22:42). Binigyang-diin ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng ating sagot, na nagsasabing, “Maaari ba nating isagot kapwa sa ating buhay at ating dila, ‘Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay’? (Mateo 16:16.) Hanggang sa makaya natin, ano man ang sabihin at gawin natin, sa huli, ay kakaunti ang magagawang pagkakaiba.”

Habang pinagninilayan ang kahulugan ng Juan 5:29, nakaranas ng makalangit na pangitain sina Joseph Smith at Sidney Rigdon tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng mga anak ng Diyos at mga kaharian ng kaluwalhatian na natatanggap nila batay sa mga tugon nila kay Jesucristo at sa Kanyang walang-hanggang ebanghelyo.

Sino si Jesucristo?

Ang pangitaing inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 76 ay nagbibigay-diin sa mahahalagang katotohanan tungkol kay Jesucristo:

  • “Ang Panginoon ay Diyos, at maliban sa kanya ay wala nang Tagapagligtas” (talata 1).

  • Siya ay “maawain at mapagmahal sa mga yaong natatakot sa [kanya], at nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa [kanya] sa kabutihan” (talata 5).

  • “Siya ay pumarito sa daigdig … upang dalhin ang mga kasalanan ng sanlibutan, at upang pabanalin ang sanlibutan, at upang linisin ito mula sa lahat ng kasamaan; na sa pamamagitan niya ang lahat ay maligtas na siyang inilagay ng Ama sa kanyang kapangyarihan at nilalang sa pamamagitan niya” (mga talata 41–42).

  • At si Jesucristo sa huli ay “nagsakatuparan ng ganap na pagbabayad-salang ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang sariling dugo” (talata 69).

Isang Natatanging Saksi

Matapang na pinatotohanan nina Joseph at Sidney ang katotohanan at kahalagahan ni Jesucristo:

“Siya ay buhay!

“Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama—

“Na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos” (mga talata 22–24).

Mga Anak na Lalaki ng Kapahamakan

Ililigtas ni Jesucristo “ang lahat maliban sa [mga anak ng kapahamakan]” (Doktrina at mga Tipan 76:44). Lubos nilang sinagot ang tanong na “Ano ang palagay ninyo tungkol [kay] Cristo?” sa pamamagitan ng hindi pagtanggap sa Banal na Espiritu at pagtatakwil at pagsuway kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihan matapos Siyang ihayag sa kanila (tingnan sa talata 43). Sa paggawa nito, kanilang “ip[in]ako siya sa krus sa kanilang sarili at [in]ilagay siya sa hayag na kahihiyan” (talata 35).

Kaluwalhatiang Telestiyal

Paano sinasagot ng mga nasa kahariang telestiyal ang tanong na “Ano ang palagay ninyo tungkol [kay] Cristo?” Pinipili nilang tanggihan ang ebanghelyo at “ang patotoo ni Jesus” (Doktrina at mga Tipan 76:82, 101), at tinatanggihan nila ang Kanyang mga utos, dahil sila ang “mga yaong sinungaling, at mga manggagaway, at mga nakikiapid, at mga patutot” (talata 103).

Gayunman, tinanggap nila ang isang pagkabuhay na mag-uli at isang antas ng kaluwalhatian na “walang maaaring makaunawa” (talata 89). Tumatalima sila sa kahit isang batas ng kahariang telestiyal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:36) na nag-uutos na ang lahat ay “luluhod, at ang bawat dila ay magtatapat sa kanya na nakaupo sa luklukan magpakailanman at walang katapusan” (Doktrina at mga Tipan 76:110).

Kaluwalhatiang Terestriyal

Paano tumutugon ang mga nasa kahariang terestriyal sa tanong na “Ano ang palagay ninyo tungkol [kay] Cristo?” Bagama’t mayroon silang “patotoo kay Jesus,” sila ay “hindi matatatag” dito; “dahil dito, hindi nila natamo ang putong ng kaharian ng ating Diyos” (talata 79). Sila ay pinagpalang “tumanggap sa Anak, subalit hindi ng kaganapan ng Ama” (talata 77).

Hinahamon tayo ni Jesucristo at ng Kanyang walang-hanggang ebanghelyo na hindi lamang magkaroon ng kaalaman kundi kumilos din at magkaroon ng kahihinatnan. Para matanggap ang kaganapan ng Ama at ng Anak, kailangang tumanggap ang isang tao ng mga ordenansa sa templo at maging tapat sa mga tipang iyon. Niliwanag ni Propetang Joseph Smith: “Kung natamo ng isang tao ang kaganapan ng priesthood ng Diyos, kailangang matamo niya ito sa paraang katulad ng pagtatamo rito ni Jesucristo, at iyon ay sa pamamagitan ng pagtupad sa lahat ng utos at pagsunod sa lahat ng ordenansa ng bahay ng Panginoon.” Ang terestriyal na mga nilalang ay ayaw tanggapin ang kaganapan ng Ama.

Kaluwalhatiang Selestiyal

Paano tumutugon ang mga nasa kahariang selestiyal sa tanong na “Ano ang palagay ninyo tungkol [kay] Cristo?” Tinatanggap nila ang “patotoo ni Jesus”; naniniwala sila “sa kaniyang pangalan;” sila ay “nabinyagan ayon sa paraan ng kanyang pagkakalibing, na inilibing sa tubig sa kanyang pangalan” (talata 51). Sumusunod sila “sa kautusan [na] sila ay maaaring mahugasan at malinis mula sa lahat ng kanilang kasalanan, at tumanggap ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay niya na inordenan at [i]binuklod sa kapangyarihang ito” (talata 52). Sila ay “pinangibabawan ng pananampalataya [sa Panginoong Jesucristo], at ibinuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako” (talata 53). Tayo ay “gina[ga]wang ganap sa pamamagitan ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, na nagsakatuparan ng ganap na pagbabayad-salang ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang sariling dugo” (talata 69).

Nauunawaan ni Jesucristo ang Kanyang tungkulin sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit: “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6). Walang sinumang tumatanggap ng kaluwalhatiang selestiyal o ng kaganapan ng Ama nang hindi tinatanggap ang lahat ng inaalok ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:37–38): Kanyang pagmamahal, kapangyarihan, awa, kabutihan, mga lingkod, katarungan, mga utos, mga ordenansa, at mga tipan.

Binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson ang tungkulin ng Simbahan ni Jesucristo sa pagtulong sa mga anak ng Diyos na tumanggap ng buhay na walang hanggan: “Ang pangmatagalan na layunin ng Simbahan ay [ang] tulungan ang lahat ng mga miyembro na dagdagan ang kanilang pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, tulungan sila sa paggawa at pagtupad ng mga tipan nila sa Diyos, at [ang] palakasin at ibuklod ang kanilang mga pamilya.”

Hinikayat ni Pangulong Russell M. Nelson na gawin nating walang-hanggang mithiin ang kahariang selestiyal, “pag-isipan nang mabuti kung saan [tayo] dadalhin sa kabilang-buhay ng bawat desisyon [natin] sa mundong ito.” Sa pagtugon sa paanyayang ito, magiging handa tayong sagutin ang malaking tanong na “Ano ang palagay ninyo tungkol [kay] Cristo?”

Ang pangitain tungkol sa mga antas ng kaluwalhatian ay tumitiyak sa atin hindi lamang totoo ang kalayaan kundi tunay na mahalaga rin ang mga pagpili. Ipinaaalala rin nito sa atin na, dahil kay Jesucristo, tayo ay “tinubos mula sa pagkahulog” at “naging malaya magpakailanman … [na piliin ang] kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan” (2 Nephi 2:26–27). Ano ang pipiliin natin? Ang ating kinabukasan sa buhay na ito at ang ating walang-hanggang tadhana ay kasinliwanag ng ating pananampalataya kay Jesucristo.