2025
Dinala ng Binatilyo ang Kanyang Pamilya sa Templo
Hulyo 2025


Mensahe Ng Area

Dinala ng Binatilyo ang Kanyang Pamilya sa Templo

Hinihikayat tayo ng Philippines Area Priorities na “Patatagin ang Lumalaking Henerasyon” sa pamamagitan ng paghahanda sa mga kabataan at pagsuporta sa kanila sa paglilingkod sa full-time mission. Pero kung minsan, nakakakita tayo ng magigiting na kabataan na sila ang nagpapatatag sa kanilang pamilya. Ganyan ang nangyayari sa 17-taong- gulang na si Serjohn Rebalde ng Bacolod.

Lumipat sa Bacolod ang kanyang mga magulang na sina Sonny at Shiela mula sa Isabela, Negros Occidental noong 2018, at naiwan sila ng kanyang nakababatang kapatid na si Jeston sa pangangalaga ng kanilang lola. Nakakita ng trabaho si Sonny bilang tricycle driver at si Shiela bilang tauhan sa isang restoran, at nagpokus sila sa trabaho upang maging matatag sila at makapunta ang kanilang mga anak.

Nakasama ni Serjohn ang kanyang mga magulang noong 2020, at nagsimula silang makinig sa mga turo ng mga missionary. Nabinyagan siya kasabay ng kanyang ina noong Marso 2021, at sumunod ang kanyang ama pagkaraan ng dalawang buwan. Sa pagdating ni Jeston noong mga huling buwan ng 2021, nakumpleto na sa wakas ang pamilya sa Bacolod. Nakumpleto ang pamilya sa Simbahan nang mabinyagan si Jeston noong Oktubre 2022.

Sa unang dalawang taon ng kanyang pagiging miyembro, nahirapan si Serjohn na umakma sa kanyang bagong buhay bilang tinedyer sa isang bagong lungsod. Iilan lang ang kilala niyang mga tao at kakaunti ang alam niyang salitang Hiligaynon. Pero tinulutan siya ng mga lider ng Simbahan at ng kapwa niya mga kabataan at ipinadama sa kanya na siya ay tanggap nila. Dumalo siya sa 2023 Youth Conference at nagkaroon ng maraming kaibigan. Sumunod ang regular na pagdalo sa Simbahan, at naging kwalipikado siyang sumama sa temple trip sa Cebu noong Mayo 2023.

Ang karanasan sa templo ay mas nagpatatag sa patotoo ni Serjohn. Labis niyang nadama ang Espiritu at ninanis niyang ibahagi ang napakalaking kagalakan sa kanyang mga kapamilya. “Sa family home evening namin, ibinahagi ko ang isang lesson tungkol sa templo at nagpatotoo ako sa pamilya ko. Hinikayat ko silang magpunta sa templo at ibinahagi ko sa kanila kung gaano kaganda ang loob ng templo, kung gaano katindi ang kapayapaan at kapanatagan doon. Sinabihan ko sila na maghanda at maging karapat-dapat na pumasok sa templo,” pagbabahagi ni Serjohn.

Sa kanyang paghihikayat, nakipagkita ang mga magulang ni Serjohn sa bishop at nagsimula silang dumalo sa Temple Preparation class. Sa bahay, nagdaos ang pamilya ng lingguhang mga home evening, regular na mga sesyon sa pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, at laging sama-samang nagdasal. Dumalo sila kapwa sa mga serbisyo tuwing Linggo at sa iba pang mga aktibidad ng Simbahan, naglingkod sa mga calling, at sumama sa mga missionary.

Pero ang landas papunta sa templo ay hindi palaging madali. Nagkaroon ng problema ang relasyon ng pamilya dahil sa kagipitan sa pera at kung minsa’y nagtatalo ang mga magulang ni Serjohn kapag wala silang sapat na pera para bayaran ang kanilang mga bayarin. “Pero hindi nawala ang aming mithiin,” paggunita ni Serjohn. “Nagtuon kami sa pagsasabuhay ng ebanghelyo at naglingkod sa iba. Dumalo ako sa Seminary, at tapat na dumalo ang mga magulang ko sa kanilang mga Temple Preparation class.”

Lahat ng pagsisikap ay naging sulit nang sa wakas ay magpabuklod ang pamilya sa Cebu Philippines Temple noong Nobyembre 21, 2023.

Ilang araw matapos ang kanilang pagbubuklod, nagdaos sila ng family home evening at nagpasalamat sa Panginoon sa pagtulong sa kanila na maging marapat para sa ordenansa sa templo na mabuklod bilang pamilya. “Sinabi sa akin ng mga magulang ko na ang templo ang pinakamagandang lugar at nakadama sila ng malaking kapayapaan doon,” pagbabahagi ni Jershon. “Masayang-masaya ako na sa wakas ay naranasan nila ang naranasan ko at naniniwala na sila ngayon sa mga bagay na sinabi ko tungkol sa templo.”