Kaibigan
Pasko ni Keola
Disyembre 2025 Kaibigan


“Pasko ni Keola,” Kaibigan, Disyembre 2025, 16–17.

Pasko ni Keola

Napuspos ng mainit na pakiramdam ang puso ni Keola—masaya siyang tumulong!

Isang tunay na kuwento mula sa Australia.

Paglalarawan ng isang batang lalaki na nakayakap sa kanyang lola, mga bata sa paligid ng Christmas tree, at isang lalaking may mop

“Dalian mo, Pae!” Sabi ni Keola sa kanyang nakababatang kapatid. “Kaya mo ‘yan!”

Si Keola at ang kanyang pamilya ay nasa bahay nina Lolo at Lola. Naglalaro siya ng Candy Grab kasama ang mga pinsan nila—ang paborito nilang laro sa Araw ng Pasko. May piring si Pae. Sinusubukan niyang sumandok ng mga kendi gamit ang spatula at ilagay ito sa isang timba.

“Limang segundo na lang ang natitira!” sabi ng kuya nilang si Tauinaola. Hawak niya ang timer.

“Ang hirap naman nito!” Tumawa si Pae at itinulak ang kanyang spatula, ikinakalat ang kendy sa sahig.

“Time na!” sabi ni Tauinaola.

Inalis ni Pae ang kanyang piring. “Nakakuha ako ng iilan kahit paano! Maglaro tayo ng Ring Toss ngayon.”

Nagpunta si Pae, Tauinaola, at ang kanilang mga pinsan sa ibang silid. Susundan na sana sila ni Keola, pero narinig niya ang boses ni Lola.

“Kumusta na ang Pasko mo, Keola?” Humakbang si Lola sa kendi at pambalot na papel sa sahig at niyakap nang mahigpit si Keola.

“Ayos naman po!” sabi ni Keola.

Bago pa iyon, ang lola, lola-sa-tuhod, at mga tiya ni Keola ay nagluto ng masarap na pagkaing Pilipino para sa hapunan. Ang paborito ni Keola ay tinatawag na pansit, na gawa sa rice noodles, manok, at gulay na iginisa sa kawali.

Pagkatapos ng hapunan, nagtipon ang lahat para basahin ang Lucas 2. Ginamit nina Keola at Pae ang kanilang Nativity set para tumulong sa pagsasalaysay ng kuwento. Magandang alalahanin ang pagsilang ni Jesucristo nang sama-sama.

Pero ngayon halos patapos na ang Pasko. Sumimangot si Keola. “Sana’y hindi na ito magwakas.”

“Oo nga. Pero nagpapasalamat ako na maghapon tayong magkasama.” Binigyan ni Lola si Keola ng isa pang mahigpit na yakap. “Dapat akong tumulong sa paglilinis. Nasa kusina ako kung kailangan mo ako.”

Habang nakatingin si Keola sa pag-alis ni Lola, nakita niya ang kanyang mga magulang na tumutulong sa kanyang mga tiya at tiyo na linisin ang kusina. Hinuhugasan at pinatutuyo nila ang mga pinggan. Ayaw talaga ni Keola na naglilinis, pero alam niya na marami pa ring gagawin sa paligid ng bahay.

Siguro dapat akong tumulong, naisip niya.

May mga balat pa rin ng kendi at pambalot na papel sa lapag. Kumuha si Keola ng lalagyan ng basura mula sa kusina. Inilagay niya ang lahat ng papel sa bag. Pagkatapos ay naglakad siya sa paligid at dinampot ang maruruming napkin at iba pang basura. Pagkaraan ng ilang minuto, mukhang mas malinis na ang silid!

Inisip ni Keola kung ano ang susunod niyang gagawin. Pinaglalaruan ng kanyang mga pinsan ang ilang aklat at ang mga laruan na nasa sahig pa rin. Dinampot niya ang mga ito at itinabi. Pagkatapos ay itinabi niya ang mga laruan na naiwan.

Sumaya ang puso ni Keola. Alam niya na sinasabi sa kanya ng Espiritu Santo na mabuti ang ginagawa niya. Masaya siyang tumulong!

Nanatili sa kanya ang magandang pakiramdam nang dalhin niya ang mga plato at baso sa lababo ng kusina. Ngumiti si Inay sa kanya habang kinukuskos niya ang mga plato.

“Salamat sa tulong mo, Keola,” sabi niya.

Gumanti ng ngiti si Keola. “Wala pong anuman!”

Pagkatapos, tinulungan niya ang kanyang tiyo na lampasuhin ang sahig sa kusina at iligpit ang natirang pagkain. Pagkatapos niyon, ang bahay ay naging napakalinis!

Di-nagtagal ay oras na para umuwi.

Paglalarawan ng isang batang lalaking nakatingin sa mabituing kalangitan sa gabi

Kumaway si Keola kina Lola at Lolo para magpaalam, pagkatapos ay naglakad sa kalye kasama sina Itay, Inay, at ang kanyang mga kapatid. Humuhuni ang mga kuliglig, at nakita ni Keola ang mga bituin na nagniningning sa kalangitan. Napangiti siya. Maganda ang Paskong iyon. Masaya siya na tinulungan niya ang kanyang pamilya na maglinis. At alam niyang masaya rin si Jesucristo.

PDF ng pahina

Mga paglalarawan ni Mattia Lo Russo