Pagdiriwang ng Pasko
Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2024
Linggo, Disyembre 8, 2024
Mahal kong mga kapatid, talagang mapalad tayo ngayon na marinig ang magagandang mensahe na ibinigay nina Sister Runia, Elder Palmer, at Elder Cook. Isang pribilehiyo para sa akin na maituro ang ilan sa mga bagay na ipinaliwanag na nila.
Ang Pasko ay isang napakagandang panahon ng taon. Habang ating ginugunita ang pagsilang ng ating Tagapagligtas, nakaayon ang ating puso sa pinakamahalaga sa ating buhay. Ang Pasko ay ginagawa tayong mas mulat at nagpapasalamat sa mga sakripisyong nagawa para sa atin.
I.
Ipinaaalala sa atin ng Pasko na isipin ang isa’t isa. Higit nating pinahahalagahan ang ating pamilya. Nakikipag-ugnayan tayong muli sa mga dating kaibigan. Dinaraig natin ang mga hadlang na naghihiwalay sa atin sa ibang mga panahon ng taon. Binabati ng mga hindi magkakilala ang isa’t isa nang hindi nahihiya. Bumabalik ang kabaitan at pagkamaunawain. Inilalabas ng diwa ng Pasko ang pinakamabuti sa atin.
Ang sigla at liwanag ng Pasko ay ang Liwanag ni Cristo. Tulad ng nababasa natin sa makabagong mga banal na kasulatan, ang ating Tagapagligtas “ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig.” Lahat ng nagdiriwang ng pagsilang ni Cristo—lahat ng mayroon ng tinatawag nating “Diwa ng Pasko”—ay may bahagi ng liwanag na iyon.
Ipinagdiriwang ng bilyun-bilyong tao ang pagsilang ni Jesucristo ngayong Kapaskuhan. Dapat itong gawin ng buong mundo. Kahit sa makamundong mga pamantayan, si Jesus ng Nazareth ang pinakamahalagang taong nabuhay. Siya ang pangunahing paksa ng mga propeta at makata sa loob ng mahigit 6,000 taon. Siya ang paksa ng pinakamagandang musika at sining sa mundo. Siya ang pinakadakilang guro na nabuhay. Ang pinakamahalaga, Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos Amang Walang Hanggan. Siya ang Diyos na kung kanino bawat tuhod ay luluhod at bawat dila ay magtatapat na Siya ang ating Lumikha at Manunubos, ang Tagapagligtas at Diyos ng mundong ito.
“Kapayapaan sa mga tao” ang mensahe ng Pasko. Ito ang nangingibabaw na tema ng mga makata at musician na nagbigay sa atin ng maluwalhating himig ng Pasko. Gustung-gusto natin ang mga awiting Pamasko na nagpaparating ng temang ito.
Sa kapatagan sa may Judea,
Mga pastol may natanggap na balita:
L’walhati sa ating Ama,
L’walhati sa kaitaasan;
Mundo ay pumayapa;
Ang gayong mga salita, na napakaraming beses kinanta sa ating mga holiday activity, ay nagpapaalala sa atin na walang bago sa pagdiriwang at mga awitin sa Pasko. Ang mensahe ay luma na at pamilyar. Ipinangaral iyon kay Adan. Ipinangaral iyon sa mga anak ni Israel. Ipinangaral iyon sa mga inapo ni Amang Lehi. Muli’t muli, ipinahayag ng mga propeta ang mahahalagang katotohanan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Muli’t muli, ipinahayag nila ang Kanyang utos na dapat natin Siyang mahalin at paglingkuran at mahalin at paglingkuran ang isa’t isa. At, dagdag pa Niya, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.” Inulit-ulit sa paglipas ng mga panahon, ang mga pahayag na ito ang pinakamahalagang mensahe sa buong kawalang-hanggan. Para sa atin ang mga ito, para sa ating kapakinabangan.
Ang pinakamahahalagang bagay sa buhay ay paulit-ulit. Hindi tayo napapagod kailanman na marinig ang sagradong pangalan ng ating Tagapagligtas. Hindi tayo napapagod kailanman na makapiling ang mga mahal sa buhay. Hindi tayo napapagod kailanman na marinig ang “Mahal kita.”
Kaya ang paulit-ulit na mensahe ng Pasko ay hindi isang mensaheng dapat baguhin kundi isang mensaheng dapat panibaguhin sa ating buhay.
II.
Mula sa ating pagkabata, alam na ng bawat isa sa atin na ang Pasko ay isang panahon ng pagbibigayan ng regalo ng mga pamilya at kaibigan. Isang panahon ito ng mga espesyal na kabaitan sa mga mahal natin sa buhay. Ngunit hindi lamang sa ating pamilya at mga kaibigan dapat ipaabot ang diwa ng Pasko. Ngayon, marami sa ating mga kabataan ang may di-malilimutang mga karanasan bilang mga korum at klase at bumibista at nagdadala ng mga regalo ang iba pang mga grupo sa Simbahan sa mga taong kailangang alalahanin sa Pasko, sa mga ospital at nursing home, shut-in, at marami pang iba. Sa di-mabilang na mga Bisperas ng Pasko, naglalabasan ang mabubuting lalaki at babae, kapag nalalaman nila ang kalagayan ng kaawa-awang nagdadalamhating mga magulang, na may dalang mga laruan at pagkain at minatamis upang ipadama sa mga batang nanlalaki ang mga mata at nagtitiwala ang kagalakang maalala sa Pasko ng umaga. Libu-libong dakilang mga lalaki at babae ang nagkakaisa sa kanilang mga pagsisikap sa mga kawanggawa tuwing Pasko na paginhawahin ang nagugutom, damitan ang gula-gulanit ang damit, bigyan ng matutuluyan ang walang tirahan, bisitahin ang maysakit at nalimutan, at pasayahin ang mga bata. Pagpalain nawa ng Diyos ang mga tumutulong na ito! Lahat tayo ay dapat sumuporta sa kanila. Ang mga naglilingkod nang may pagmamahal at hindi makasarili ay mga tunay na lingkod ng Prinsipe ng Kapayapaan.
III.
Ano ang kahulugan ng “kapayapaan sa mga tao”? “Ibigin … ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” ang unang itinuro ng Tagapagligtas. Itinuro pa nga Niya na dapat ay “mahalin [natin] ang [ating] mga kaaway, pagpalain [natin] sila na sumusumpa sa [atin], gawan [natin] ng mabuti sila na napopoot sa [atin], at ipanalangin [natin] sila na may masamang hangarin sa paggamit sa [atin] at umuusig sa [atin].”
Habang pinagsisikapan natin ang mithiing ipinahayag sa mga turong iyon, ang Pasko ay dapat maging isang panahon ng pagpapatawad, isang panahon para paghiluhim ang mga dating sugat at ipanumbalik ang mga relasyong nagkagulu-gulo.
“Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.
Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.”
Kaya, ang Pasko ay isang panahon para ipamalas sa lahat ang ating pagmamahal at pakikipagkaibigan. Ang “kapayapaan sa mga tao” ay hindi lamang isang mensahe para sa ating mga minamahal at sinisinta, tulad ng mga kapwa-mamamayan ng ating Simbahan o bansa, mga naninirahan sa ating bayang sinilangan o paligid, o mga taong kapareho natin ang kultura. Ang mga anghel na nagpahayag ng kapayaan sa lahat ng tao—sa kaswal na mga kaibigan, sa mga estranghero, kahit sa mga kaaway. Ang Pasko ay isang panahon para alalahanin na lahat tayo ay anak ng isang Ama sa Langit, na ibinigay ang Kanyang Bugtong na Anak upang lahat ay matubos mula sa kamatayan. Nag-alok din ang ating Ama sa Langit ng mga pagpapala ng kaligtasan at kadakilaan sa buong sangkatauhan batay sa magkakaparehong kundisyon: pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; pagsisisi; pagpapabinyag; at pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo.
IV.
Ang Diwa ng Pasko ay hinihikayat tayong gamitin ang panahong ito para lampasan ang mga hadlang at magtaguyod ng pagkakaunawaan at pagmamahalan sa mga tao ng lahat ng lahi, paniniwala, at bansang pinagmulan. Mga Banal sa mga Huling Araw man ang karamihan, tulad sa amin sa Utah, o kakaunti lamang, tulad sa iba pang lugar, dapat tayong tumulong sa lahat ng anak ng Diyos. Dapat nating ipaabot ang taos na pakikisama sa lahat ng tao, sa ating mga kapanalig at hindi kapanalig sa pananampalataya. Dapat nating sundin ang utos na ipinabigay ng Diyos kay Moises sa mga anak ni Israel:
“Kapag ang isang dayuhan ay nanirahang kasama ninyo sa inyong lupain, huwag ninyo siyang gagawan ng masama. Ang dayuhang kasama ninyo ay magiging kagaya ng isang katutubong kasama ninyo. Iibigin [ninyo] siya na gaya ng sa [inyong] sarili.”
Dapat nating turuan ang ating mga anak na maging mabait at maalalahanin sa lahat. Nalulungkot ako tuwing maririnig ko ang mga magulang na hindi mga Banal sa mga Huling Araw sa komunidad na ito na nalulungkot dahil naniniwala sila na ang kanilang mga anak ay hindi isinasali o inihihiwalay ng ating mga bata o kabataan. Sana ay bihira at kakaunti na ang gayong mga pagkakataon. Dapat ay tayo ang pinakamababait at pinakamaunawain sa lahat ng tao saan man.
Siyempre, dapat nating iwasan ang uri ng mga kasama na nagkokompromiso sa ating ugali o nagpapahina sa ating pananampalataya at pagsamba. Ngunit ang ganyang uri ng pagiging eksklusibo ay hindi dahilan para hindi natin unawain ang iba. Ni hindi ito dahilan para hindi tayo makilahok sa maraming samahang iyon na may malawakang pagtutulungan sa mga parehong interes na kinabibilangan ng lahat ng tao.
Ang diwang dapat na taglay natin sa pagtanggap ng mensahe ng “kapayapaan sa lahat ng tao” ay ang diwa ng pagbibigay ng ating sarili sa paglilingkod sa iba. Tulad ng ipinagdiriwang ng Pasko ang pagsilang Niya na nagbuwis ng Kanyang buhay para sa ating lahat, dapat din nating gamitin ang Pasko bilang panahon ng pagpapahusay ng mga paraan na nagbibigay tayo sa ating kapwa-tao.
Habang ginagawa natin ito—habang tumatagos ang pagbibigay ng diwa ng Pasko sa ating isipan at mga kilos—bawat isa sa atin ay makapag-aambag sa walang-hanggang mithiin ng “kapayapaan sa mga tao.” Panahon na para gawin nating lahat ito, sapagkat bawat araw ay mas malapit nang isang araw sa pagparito ng Panginoon. Tulad ng itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson noong nakaraang kumperensya ng Oktubre, “Ang pinakamainam ay darating pa dahil minamadali ng Panginoon ang Kanyang gawain. Ang pinakamainam ay darating pa kapag lubos nating ibinaling ang ating puso at buhay kay Jesucristo.”
Ngayon ay babasahin ko ang ilang bahagi ng “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.” Sinabi rito:
“Habang ipinagdiriwang natin ang pagsilang ni Jesucristo dalawang libong taon na ang nakararaan, iniaalay namin ang aming patotoo tungkol sa katotohanan ng Kanyang hindi mapapantayang buhay at ang walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang dakilang mapagbayad-salang sakripisyo. Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo.”
Binanggit pa rito na, “Taimtim kaming nagpapatotoo na ang Kanyang buhay, na siyang tampulan ng buong kasaysayan ng sangkatauhan, ay hindi nagsimula sa Betlehem o nagtapos sa Kalbaryo. Siya ang Panganay ng Ama, ang Bugtong na Anak sa laman, ang Manunubos ng daigdig. …
“Ipinahahayag namin nang taimtim na ang Kanyang pagkasaserdote at Kanyang Simbahan ay ipinanumbalik na sa mundo—‘[na itinayo] sa [saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang [batong] panulok.’”
“Nagpapatotoo kami na darating ang panahon na babalik Siyang muli sa mundo. ‘At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at [sama-samang makikita] ng lahat na tao.’” “Mamamahala siya bilang Hari ng mga Hari at maghahari bilang Panginoon ng mga Panginoon, ang bawat tuhod ay luluhod at ang bawat dila ay magpapahayag sa pagsamba sa Kanya.
“Nagpapatotoo kami, bilang kanyang marapat na inordenan na mga Apostol—na si Jesus ang Buhay na Cristo, ang walang kamatayang Anak ng Diyos. Siya ang dakilang Haring Emmanuel, na ngayon ay nakatayo sa kanang kamay ng Kanyang Ama.” Binanggit pa na, “Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo. Siya ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Salamat sa Diyos sa Kanyang walang kapantay na kaloob na Kanyang banal na Anak.”
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.