Mga Pamaskong Debosyonal
Pagiging Handang Humarap sa Tagapagligtas


11:46

Pagiging Handang Humarap sa Tagapagligtas

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2024

Linggo, Disyembre 8, 2024

Ngayong sasapit na ang Kapaskuhan, naiisip ko ang mga taong maaaring malayo sa tahanan, kabilang na ang napakaraming missionary na naglilingkod ngayon.

Ang unang Pasko ko na malayo sa tahanan ay bilang missionary sa England, Disyembre ng 1960. Naglilingkod ako noon sa Swindon, England.

Binuksan namin ang Swindon para sa gawaing misyonero mga 90 araw bago magpasko. Umuupa kami ng silid para sa mga miting tuwing Linggo. Pinagpala kaming magkaroon ng ilang convert—ang pagsisimula ng isang branch.

Noong Bisperas ng Pasko, nagpasiya kami ng kompanyon kong si Elder Noel Luke na batiin ang mga tao sa kanilang tahanan sa lugar na pinaglilingkuran namin at mag-iwan ng maikling mensahe at basbas sa Pasko. Maganda ang gabing iyon, at sa langit na natatakpan ng mga ulap ay mababanaag ang maliwanag na sinag ng buwan na napakaluwalhati sa pakiramdam. Bigla naming natanto na lahat ng tao sa kapitbahayan ay nakatutok ang mga telebisyon sa isang paboritong komedyante at mang-aawit na si Harry Secombe. Kinanta niya ang natatanging awiting “Bless This House.” Puno ng damdaming kinanta niya ang mga sagradong titik, sabi niya:

Mga taong narito ay pagpalain.

Puso nila ay dalisayin.

Panginoon kami’y pagpalain N’yo

Upang marapat na makapiling Kayo.

Napaluha kami sa kanyang pagkanta. Ang awit, na nagmumula sa halos lahat ng tahanan, ay umalingawngaw pabalik mula sa mga ulap. Nadama namin ni Elder Luke na talagang mga sugo kami ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, na nagsisikap na paglingkuran at pagpalain ang mga anak ng ating Ama sa Langit.

Bilang missionary naunawaan ko na dahil nakatira tayo sa mundong ito ay malayo tayo sa tahanan—ang ating tahanan sa langit. Ang paraan para madama ang kapanatagang dulot ng tahanang iyon ay sa paglilingkod sa ating Tagapagligtas.

Nitong mga nakaraang taon, hinikayat tayo ng Simbahan na bigyang-diin ang liwanag na ibinibigay ng Tagapagligtas sa buong mundo, lalo na ngayong Kapaskuhan. Ang Simbahan ay may napakagandang proyekto na Light the World [Maging Ilaw ng Sanlibutan] para ibaling ang isipan ng lahat sa Tagapagligtas. Kasama rito ang pagsisikap na magbigay sa mga nangangailangan at maglingkod ng tulad kay Cristo.

Noong nakaraang taon sinimulan ng Simbahan ang proyektong Light the World gamit ang malalaking digital display na nakapalibot sa Times Square sa New York City.

Naroon kami ni Mary nang isadula ang nakaaantig na paglalarawan ng pagsilang ng Tagapagligtas sa mga higanteng digital billboard. Napakalalim na espirituwal na karanasan ito. Sa taong ito ang kaganapan sa Times Square ay tinularan ng maraming lungsod sa buong mundo.

Habang nasa New York City para sa Light the World, napansin ko na pinagbuhusang maigi ng oras ang paglalagay ng mga display sa mga eskaparate ng department store.

Naaalala ko ang isang pang-Linggong edisyon ng New York Times na may isang buong pahinang artikulo na pinamagatang: “Holiday Windows Return. Shoppers Do Too.” Ang artikulo ay nagsalaysay ng isang tradisyon kung saan ang mga eskaparate ng mga department store ay napapalamutian ng magarbong display sa New York City. Sa pagkaalala ko mula sa artikulo at sa pagbisita ko kamakailan, wala sa mga eskaparateng iyon ang nagtatampok ng mga tagpo ng Kapaskuhan o ng Batang Cristo.

Habang binabasa ko ang artikulo, naalala ko noong bata pa ako na ang mga naka-display sa mga eskaparate ng mga department store sa Salt Lake City ay nagtatampok sa batang Cristo. Naalala ko rin ang kuwento noong panahong iyon na isang shopping mall sa Midwest ang gustong bigyang-diin ang tema ng Pasko para maipadama ang Kapaskuhan at makaakit ng mga mamimili. Naglagay sila ng isang malaking banner na nagsasabing, “Kung darating si Cristo ngayong gabi, sino ang pupuntahan Niya?” May ilang tagpo na naka-display sa mga eskaparate ng tindahan sa ilalim ng banner. Kung tama ang pagkaalala ko, ganito ang mga tagpo:

  • Isang maysakit na matandang babae na nasa kama at inaasikaso ng isang nars. Mukhang malubha ang sakit niya.

  • Ang pangalawa ay isang batang ina na may bagong silang na sanggol. Nagniningning sa galak ang kanyang mukha.

  • Sa pangatlong tagpo ay makikita ang isang pamilya na may mga anak na umiiyak. Kitang-kita na kulang ang pagkain, at kakaunti lang, kung mayroon man, ang mga regalo sa Pasko.

  • Sa pang-apat na tagpo ay makikita ang isang mayamang pamilya na nagbubukas ng maraming regalo.

  • Makikita sa panlimang tagpo ang magiliw at mapagkumbabang pamilya na may maraming anak at masayang kumakanta nang sabay-sabay.

Habang pinagninilayan ko ang limang display at ang banner na “Kung darating si Cristo ngayong gabi, sino ang pupuntahan Niya?”, dalawang ideya ang naiisip ko.

Una, alam natin na kapag muling pumarito ang Tagapagligtas, hindi natin malalaman ang araw o oras.

Pangalawa, kapag dumating si Jesucristo, tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson sa pangkalahatang kumperensya kamakailan, “[Siya] ay magbabalik sa mundo at maghahari bilang Mesiyas ng milenyo.” Upang maging handa hinihimok tayo ni Pangulong Nelson, “Na muling ilaan ang [ating] buhay kay Jesucristo.” Dahil dito, marahil mas dapat na ganito ang inilagay sa banner, “Kung darating si Cristo ngayong gabi, sino ang handang sumalubong sa Kanya?”

Habang iniisip kong muli ang mga tagpo sa mga eskaparate, napagtanto ko na ang lahat ng sinasabi nito sa atin ay tungkol sa pisikal at pinansiyal na kalagayan ng mga tao, ngunit wala ang tungkol sa kanilang espirituwal na kalagayan. Ang mga display sa eskaparate ay naglalarawan ng mga indibiduwal na matatanda at may sakit pati na rin ng malulusog at bagong silang na sanggol. Naroon din ang mayayaman at mahihirap. Ngunit ang edad, kalusugan, at pinansiyal na katayuan ay hindi nagsasabi sa atin na ang tunay na mahalaga ay ang kalagayan ng kanilang espiritu.

Sa Doktrina at mga Tipan mababasa natin ang tungkol sa mga kwalipikasyon para mabinyagan sa Simbahan ni Cristo. Ang mga pamantayan ay nakabatay, una sa lahat, sa ating pagpapakumbaba, pagkakaroon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu,” pagsisisi, at “[paglilingkod kay Jesucristo] hanggang wakas.” Ang mithiin ay maging “tapat [na] disipulo ni Jesucristo” at umunlad sa landas ng tipan na naghahanda sa atin para sa mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Si Cristo ang halimbawa sa lahat ng bagay. Inihayag Niya, “Masdan, ako ang ilaw; ipinakita ko ang isang halimbawa sa inyo.” Habang tinitingnan natin ang kalagayan ng ating espiritu, makabubuting tingnan natin ang Kanyang perpektong halimbawa. Ipinakita sa atin ng Tagapagligtas ang paraan ng paghahanap ng kaligayahan, kahulugan, at kagalakan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ang kaligayahan at kagalakan ay napakahalagang bahagi ng diwa ng Pasko.

Sa Juan 19:5, mababasa natin na iniharap ni Pilato si Jesus sa mga taong gusto Siyang ipako sa krus. Siya ay “may koronang tinik at balabal na kulay-ube. At sinabi ni Pilato sa kanila, “Narito ang Tao!”

Sa panahong ito ng Kapaskuhan ay sandali nating masdan ang Tao, na si Cristo, at ang mga kaloob na Kanyang ibinigay.

Una, pag-isipan natin ang Kanyang mahimalang pagsilang.

Alam natin na ang natatanging sanggol na ito na ipinagdiriwang natin ngayong Kapaskuhan ay ang bugtong na Anak ng Ama. Minana Niya ang kapangyarihan ng buhay na walang hanggan mula sa Kanyang Ama—ang kapangyarihang mabuhay. At minana Niya sa Kanyang mortal na ina ang kapangyarihang mamatay. Siya ay pinili mula sa simula para sa Kanyang sagradong misyon.

Mababasa sa Mateo 1:23, “Narito, magdadalang-tao ang isang birhen at manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag nila sa kanya ay Emmanuel na ang ibig sabihin ay kasama natin ang Diyos.”

Pangalawa, pagnilayan ang Kanyang buhay na perpekto at walang sala at ang Kanyang halimbawa. Bagama’t dumanas Siya ng mga pasakit, hirap, at lahat ng uri ng tukso, matagumpay Niyang natupad ang Kanyang misyon. Siya ang ating huwaran at naghanda ng landas na dapat nating tahakin. Inilaan Niya ang Kanyang buhay sa mga maralita, nangangailangan, maysakit at naghihirap, at sa matagumpay na pagtatapos ng walang-hanggang plano na Siya lamang ang karapat-dapat na gumawa.

Pangatlo, pagnilayan ang Kanyang kamatayan, Pagkabuhay na Mag-uli, at Pagbabayad-sala.

Tungkol sa Pagbabayad-sala, mababasa sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang maganda at simpleng mga salita: “Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay kinabibilangan ng Kanyang pagdurusa sa Getsemani, Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus, at ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Hindi natin kayang unawain ang Kanyang pagdurusa—lubus-lubos ito na pati ang pinakamaliliit na butas ng Kanyang balat ay nilabasan ng dugo.”

Sa Doktrina at mga Tipan 76:41 mababasa natin: “Na Siya ay pumarito sa daigdig, maging si Jesus, upang ipako sa krus dahil sa sanlibutan, upang dalhin ang mga kasalanan ng sanlibutan, at upang pabanalin ang sanlibutan at linisin ito mula sa lahat ng kasamaan.”

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakadakilang pangyayari at kaloob na naganap sa kasaysayan ng sangkatauhan. Lahat tayo ay nagkasala, at matatamo natin ang awa at makakapiling ang Diyos sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Pang-apat, maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Sa Lumang Tipan, itinuro ni Job: “Sa wakas siya’y tatayo sa lupa.” Tulad ng napakagandang itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “[Si Cristo] ang mamamahala sa mga gawain ng Kanyang Simbahan mula sa lumang Jerusalem at sa Bagong Jerusalem.” Ngayon ang panahon natin para maghanda para sa pangyayaring ito. Sinasabi sa mga banal na kasulatan: “Ihanda ang inyong sarili para sa dakilang araw ng Panginoon.”

Ang huling payo ko ay mahalin at paglingkuran ang Panginoon. Sa pagninilay natin sa ating espirituwal na kalagayan at paghahanda sa pagsalubong sa Tagapagligtas dapat muna nating, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.” At ang pangalawa ay “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

Ang ating pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa-tao ang sukdulang pagsubok sa kalagayan ng ating espiritu. Kung mahal natin ang Diyos, susunod tayo sa Kanyang mga utos. At kung mahal natin ang ating kapwa, paglilingkuran natin sila at magiging mga kamay ng Tagapagligtas.

Sa Doktrina at mga Tipan, ginamit ng Tagapagligtas ang mga salitang ito: “Oo, aking bubuksan ang mga puso ng mga tao, at … magtatatag ako ng isang simbahan sa pamamagitan ng iyong kamay.”

Ang pangunahing paraan na maipapakita natin ang ating pasasalamat sa Tagapagligtas sa Kapaskuhang ito ay ang maging Kanyang lingkod—sa katunayan, maging Kanyang mga kamay dito sa lupa.

Sa magandang panahong ito, na ipinagdiriwang natin ang pagsilang ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, pinatototohanan ko sa inyo na Siya ay buhay. Siya ang ating Huwaran, ang ating Tagapamagitan sa Ama, at naisakatuparan Niya ang lahat ng kailangan para makabalik tayo sa piling ng Ama at ng Anak. Ikabubuti natin ang sundin si Jesucristo at tanggapin ang mga kaloob na inilaan Niya.

Nawa’y magkaroon kayo ng maluwalhating Pasko na nakasentro kay Jesucristo.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.