Mga Pamaskong Debosyonal
Mga Regalong Hindi Mabibili ng Salapi


10:29

Mga Regalong Hindi Mabibili ng Salapi

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2024

Linggo, Disyembre 8, 2024

Ngayong gabi, nagsasalita rin ako nang may kagalakan at pagkamangha tungkol sa sagradong kahalagahan ng Pasko. Walang pangyayari sa kasaysayan ng mundo ang nagkaroon ng mas malaking epekto kaysa sa kapanganakan at misyon ni Jesus ng Nazaret mahigit dalawang libong taon na ang nakalilipas. Sa lahat ng panahon ng makabagong mundo, ang petsa sa kalendaryo ay nakabatay mismo sa mahimalang pangyayaring ito.

Ang kapanganakan ng ating Panginoon ay ipinagdiriwang sa maraming iba’t ibang paraan sa buong mundo, ngunit may isang tradisyon ng Pasko ang tila ginagawa ng lahat.

Ang tradisyong ito ay malamang na nagsimula sa salaysay sa Mateo tungkol sa mga pantas na lalaki mula sa Silangan na dumating upang sambahin si Jesus. Sa kanilang pagpunta, nagdala sila ng mahahalagang regalo. Ngayon, ang tradisyon ng pagbibigay ng regalo ay lalong naging malaking bahagi ng pagdiriwang ng Pasko.

Ang unang alaala ko sa isang regalo sa Pasko ay isang napakagandang laruang riple na nagpapaputok ng cork na nakatali sa isang string, at isang mekanikal na pato. Napakalaking kasiyahan nito para sa isang apat-na-taong-gulang na bata. Ang pato ay palakad-lakad sa isang bilog sa sahig at talagang wala itong tyansang maligtasan ang aking pop gun na itinututok ko mula sa anim na pulgada ang layo. Ngunit hindi nagtagal ay nasira ang laruan, at tulad ng lahat ng materyal na bagay, ang kaligayahang ibinigay nito ay pansamantala lamang at mabilis na nalimutan.

Ngayong gabi, iminumungkahi ko ang tatlong regalo na maibibigay ng bawat isa sa atin ngayong Kapaskuhan, at habang buhay, na hindi magdudulot ng pansamantalang kaligayahan, kundi tunay at pangmatagalang kagalakan.

Ang una ay ang regalong patotoo. Ito ay sadyang isang personal na regalo at kapag kusang ibinigay, nang walang panlilinlang, ay naghahayag ng pinakamalalim na pagpapahayag ng ating kaluluwa. Mas mahalaga kaysa ginto, kamangyan, o mira, ang dalisay na patotoo tungkol kay Jesucristo bilang ating personal na Tagapagligtas at Manunubos ang pinakasentro ng lahat ng ipinagdiriwang natin sa Pasko.

Noong bata pa ang anim naming anak, nagpasiya kami isang gabi ng aking asawang si Jacqui na para sa family home evening, sa halip na magkaroon ng lesson, magbabahagi na lang kami ng patotoo sa isa’t isa. Matapos kong ibahagi ang aking patotoo, ang aming malambing na anak na si Chelsea, na marahil ay 16 na taong gulang noon, ay nagsabi nang nanlalaki ang mga mata, “Itay ngayon ko lang po narinig ang patotoo mo!” Medyo nabigla ako, nagulat sa tugon niya. Alam ninyo, noong panahong iyon ay stake president pa ako at alam kong narinig na ako ni Chelsea na nagpatotoo nang maraming beses sa simbahan at sa bahay. Ngunit sa sandaling iyon, kapwa niya narinig at nadama ang aking patotoo na tila ito ang unang pagkakataon. Itinuro niya sa akin ang isang aral na hindi ko malilimutan: ang regalong patotoo ay mahalaga at may kapangyarihan sa pagbabahagi nito nang madalas.

Pangalawa ay ang regalong pagpapatawad. Tiyak na lahat tayo ay nasaktan minsan ng masasamang salita o ginawa ng iba. At kung tapat tayo, aaminin nating nakasakit din tayo sa iba. Itinuro sa atin ni Jesucristo, “Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.” Pagkatapos ay mariin pa Niyang idinagdag na kapag hindi natin pinatawad ang iba sa mga kasalanan nila sa atin, ang mas matinding kasalanan ay nasa atin.

Kapag kusang-loob at tapat na pinatawad natin ang iba, nagiging malaya tayo sa lason ng kapaitan, paghuhusga, o paghihiganti.

May matalik akong kaibigan sa South Africa na si Sandile Makasi. Sa pahintulot niya, ibabahagi ko ang kanyang napakapersonal na kuwento ng pagpapatawad. Noong wala pang dalawang taong gulang si Sandile, ang kanyang ama, na 28 taong gulang pa lamang, ay pinahirapan at pinatay ng mga pulis noong panahon ng malupit na rehimeng apartheid. Kalaunan ay nalaman ni Sandile ang karima-rimarim na detalye ng nakapanghihilakbot na pagpatay sa kanyang ama. Babanggitin ko ngayon ang kanyang sariling mga salita:

“Noong bata pa ako ay nakaramdam ako ng kapaitan at poot dahil sa ginawa nila sa aking ama. Bakit nagawa nilang dakpin at patayin siya? Inagawan ako ng ama at tagapagturo, at inagawan ng mapagmahal at mapagmalasakit na asawa ang aking ina.

“Nang malaman ko ang malupit na paraan ng pagpapahirap nila sa kanya, lalong nagpuyos sa matinding ngitngit at poot ang aking puso’t isipan laban sa mga opisyal ng pulisya at sa mga puting tao.

“Patuloy kong kinimkim ang mga damdaming ito hanggang sa matagpuan ko ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Tinulungan ako ng ebanghelyo na maunawaan na dapat kong patawarin ang mga pulis sa kanilang mga krimen, at na nakasalalay dito ang aking kagalakan at espirituwal na pag-unlad.

“Mas madaling sabihin ito kaysa gawin, ngunit lalo kong dinagdagan ang pagdarasal, at kalaunan tinulungan ako ng Panginoon na patawarin ang aking mga kaaway …. Sa halip na masaktan, nakadama ako ng kapanatagan; sa halip na pagkapoot, nagkaroon ako ng pag-ibig; sa halip na kadiliman ang nasa puso at isipan ko, nagkaroon ako ng liwanag at kapayapaan.”

Salamat Sandile sa halimbawa mo ng pagbibigay ng regalong pagpapatawad.

Pangatlo, ang regalong pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Sa lahat ng espirituwal na regalo, walang mas dakila kaysa pag-ibig sa kapwa-tao. Hayagang ipinahayag ni Jesus ang Kanyang pagmamahal sa kapwa at tinuruan Niya tayong magmahalan.

Kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagpapahayag ng ating pagmamahal sa iba sa salita at kilos, madarama nila ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan natin.

Ilang taon na ang nakalipas, nakilala ko ang isang 23 taong gulang na binata na nakatira sa Washington na isang magandang halimbawa nito. Tatlong buwan siyang tinuruan ng mga missionary, at nakaranas siya ng kamangha-manghang pagbabago sa kanyang mukha at sa kanyang pamumuhay. Isang gabi kausap niya ang mga missionary sa telepono, at nang ibababa na nila ang telepono, sinabi nila “Mahal ka namin, Michael.” Ibinaba niya ang telepono at naisip sa sarili, “Wow. Hindi ko nakagawian ang ganyang bagay. Kaya kong sabihin iyan sa iba.” Nagpasya siyang maglakas-loob na sabihin sa kanyang ina na mahal niya ito. Ilang oras ang layo ng tirahan nito mula sa ibang bahagi ng estado. Nang tawagan niya ito at sabihing “Mahal kita, Inay,” ang kaagad nitong sagot ay “May problema ka ba? Nagpatingin ka ba sa doktor at nakatanggap ng masamang balita? Makukulong ka ba ulit?” Kaya, sinabi niya rito na nahanap niya ang ebanghelyo at kung paano siya binago nito, at tumigil na siya sa paninigarilyo at paggamit ng droga at nagplano siyang magpabinyag.

Sa palagay ko, ito ay isang napakagandang pagsasalarawan ng nangyayari kapag nadarama ng mga tao ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng iba. Pinapalambot nito ang mga puso at pagkatapos ay bumubuo ito ng pagnanais na ibahagi ang regalong pagmamahal na iyon sa iba.

Ngayong gabi, sinimulan nating pag-usapan ang tungkol sa mahahalagang regalong tulad ng ginto, kamanyang, at mira. Nalaman ko na mabibili ninyo ang mga regalong iyon sa Amazon. Ngunit hindi ninyo kailanman makikita ang iba pang mga regalo na nabanggit namin sa anumang tindahan. Ang mga ito ay mga regalong hindi mabibili ng salapi, ngunit magdudulot ito ng walang-hanggan at tunay na kagalakan kapwa sa tumatanggap at nagbibigay.

Kaya, habang iniisip ninyo kung ano ang ibibigay ninyo ngayong Pasko, inaanyayahan ko kayo na:

  1. Ibahagi ang inyong patotoo sa pamilya at sa mga mahal ninyo sa buhay. Kapag ibinahagi ninyo ang mahalagang regalong ito, lalakas ang inyong sariling patotoo.

  2. Patawarin ang isang tao na sa tingin ninyo ay nagawan kayo ng mali o nakasakit sa inyo. Sa pagbibigay ng regalong ito, kayo rin ay makakaramdam ng kapayapaan at pagpapagaling.

  3. Tulungan ang iba na madama ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ninyo. Kung naaangkop, sabihin sa kanila na mahal ninyo sila. Kapag tiningnan ninyo ang iba tulad ng tingin sa kanila ng Diyos, lalalim ang pagmamahal ninyo sa kanila, at madarama din ninyo ang pagmamahal ng Diyos sa inyong buhay.

Bilang pangwakas, nais ko na bawat isa sa inyo ay magkaroon ng Kapaskuhang puno ng kagalakan. Pinatototohanan ko si Jesucristo. Siya ay buhay. Siya ang ating Tagapagligtas, ang ating Manunubos. Siya ang ating Tagapamagitan at Kaibigan. Sinasamba ko Siya. Mahal ko Siya. Dahil sa Kanyang regalo sa bawat isa sa atin, na binili sa di-mawaring halaga, magiging karapat-dapat tayong tumanggap ng pinakadakilang regalo sa lahat—maging ang buhay na walang hanggan sa piling ng ating mapagmahal na Ama sa Langit.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.