Mga Pamaskong Debosyonal
Ang Sanggol na si Cristo ay Isinilang para sa Inyo


9:55

Ang Sanggol na si Cristo ay Isinilang para sa Inyo

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2024

Linggo, Disyembre 8, 2024

Mapalad tayong makarinig ng gayon kagandang musika! Maraming maraming salamat sa choir na ito, sa orchestra, at sa mga kumumpas. Hindi ko kayo makita dahil sa mga punong ito, pero alam ko na nariyan kayo.

Ang “Infant Holy, Infant Lowly” ang isa sa paborito kong Pamaskong awitin.

Mga tupa’y nahimlay, Mga pastol naghintay

Na magbukang-liwayway;

Kal’walhatia’y namasdan, narinig ang k’wento

Tungkol sa ebanghelyo.

Sila’y nagdiwang, lungkot naglaho,

Sila’y nagpuri, kinabukasan,

Sanggol na si Cristo, isinilang para sa inyo.

Sanggol na si Cristo, isinilang para sa Inyo!

Noong musmos pa ako, ang palayaw sa akin ng mga magulang ko ay “Tammy Lamb,” kaya kapag pinag-usapan sa mga banal na kasulatan ang isang pastol at kanyang mga tupa, palagi kong nararamdaman na ako ang tinutukoy roon.

Totoo ito lalo na sa kuwento ng Pasko at ng mga anghel na nagpakita sa mga pastol, na nakabantay sa kanilang kawan, sa kanilang mga tupa, sa gabi. Inisip kong naroon ako at kung ano kaya ang pakiramdam ng malapitan ang sanggol sa sabsaban. Gustung-gusto ko pa ring isipin ito taun-taon habang pinagninilayan ko ang Kanyang pagsilang.

Ang isa pang paborito kong isipin ay mula sa isang kuwento ni Elder John R. Lasater.

Maraming taon na ang nakalipas, bumisita si Elder Lasater sa isang bansa sa Africa bilang bahagi ng isang opisyal na delegasyon ng pamahalaan.

Isang araw, habang naglalakbay sila sa disyerto sa isang caravan ng mga itim na limousine, may aksidenteng nangyari. Nakarating sa burol ang kotseng sinasakyan niya at napansin niya na tumabi sa kalsada ang kotse sa unahan. Sabi niya, “Ang tagpong nasaksihan namin ay nasa isipan ko pa rin hanggang sa ngayon.”

Isang matandang pastol, na nakasuot ng mahabang bata na isinusuot noong panahon ng Tagapagligtas, ang nakatayo malapit sa limousine at kausap ang drayber. Nakatayo sa malapit ang isang maliit na kawan ng mga 15 tupa.

Nabangga at nasaktan ng kotse sa unahan ang isa sa mga tupa, paliwanag ng drayber ni Elder Lasater. At dahil sasakyan iyon ng hari, nararapat ngayong bayaran ang pastol nang 100 beses ang laki ng halaga ng maliit na tupa kapag ganap na malaki na. Gayunman, sa ilalim ng batas ding iyon, ang kordero ay papatayin at paghahati-hatian ng mga tao ang karne nito.

Pagkatapos ay sinabi ng drayber, “Pero manood lang kayo, hindi kukunin ng matandang pastol ang pera; hindi nila ginagawa iyon.” Nang tanungin ito kung bakit, “Dahil sa pagmamahal niya sa bawat isa sa kanyang mga tupa.’

Nanood sila nang yumukod ang matandang pastol, kinarga ang nasaktang kordero sa kanyang mga bisig, at inilagay ito sa kanyang kandungan. Patuloy niyang hinaplos ang kordero, at paulit-ulit na binigkas ang iisang kataga, at nang itanong ni Elder Lasater ang kahulugan ng salita, ang sagot sa kanya ay, “Ah, sinasambit niya ang pangalan nito. May pangalan ang lahat ng tupa niya, dahil siya ang pastol nila, at kilala ng mabubuting pastol ang bawat isa sa kanilang mga tupa sa pangalan.”

Sa Isaias ipinangako sa atin, “Kanyang titipunin ang mga kordero sa kanyang bisig, at dadalhin sila sa kanyang kandungan.”

Kung may dapat na naaalala o nadarama tayo ngayong Kapaskuhan, ito ay ang katotohang tayo ay sa Kanya. Naaalala ba ninyo noong sabihin ni Cristo kay Pedro, “Pakainin mo ang aking mga kordero … ang aking mga tupa”?

“Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon.”

“Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki.”

Isinilang Siya para kargahin nang personal ang bawat isa sa atin. At kung kaninuman Siya, tiyak na Siya ay sa inyo. Ang sanggol na si Cristo ay isinilang para sa inyo.

Ngunit nagbabala rin si Isaias, “Tayong lahat ay gaya ng mga tupang naligaw.” Bawat isa sa atin siguro ay nakapunta na sa isang lugar kung saan pakiramdam natin ay para tayong korderong gumagala o tupang nawawala. Ngayong gabi, inaamin ko na lahat tayo ay mga nasaktang kordero na nangangailangan ng Mabuting Pastol, na kakargahin tayo sa mga bisig ng Kanyang pagmamahal. Dahil ang pagiging mortal ay nangangahulugan na may mga bagay sa atin na pakiramdam natin ay mali, na kailangang ayusin.

At hindi ko alam kung may isang pagkakataon sa aking linggo na ramdam ko na mas kailangan ko ang isang Manunubos kaysa sa Linggo sa oras ng sakramento. Dinadala ko ang aking bagbag na puso at pinagninilayan ko ang mga salita at sagisag dito sa “panahon ng espirituwal na pagpapanibago.” Ngunit kung minsa’y nalulungkot ako kapag, sa pag-iisip tungkol sa nakaraang linggo, napansin ko na naulit ang dati kong mga kasalanan, ang dating kahinaang pinag-isipan ko noong nakaraangLinggo. At talagang nagsisisi o nagdadalamhati ako.

Alam ba ninyo ang sandaling ito?

Ngayon ay inaanyayahan ko kayong subukan ang isang bagong bagay. Sa mga napakasagradong minutong iyon sa inyong buong linggo, kung nagdadalamhati kayo, isipin ninyo na tinatawag Niya kayo sa pangalan, at lumapit sa Kanya. Tingnan ang inyong Tagapagligtas sa inyong isipan, na nakaunat ang mga bisig at inaanyayahan kayo, na sinasabi, “Alam Ko na ganito ang magiging pakiramdam mo! Kaya nga Ako bumaba sa lupa at nagdusa sa ginawa Ko.” Ang Kanyang tulong, ang Kanyang biyaya ay matatanggap ninyo ngayon mismo, hindi sa dulo ng daan kung kailan pakiramdam ninyo ay maayos na ang lahat. Dahil sino ba ang nakararamdam ng ganoon? Wala akong kilala.

Tandaan, nagsisimba tayo, sa sakramento ng Hapunan ng Panginoon, para mapagaling, ngunit para luminis din ang ating pakiramdam.

Ilang taon na ang nakararaan, nang naglilingkod ako sa Primary, nagkukuwento ako tungkol sa isang taong nabinyagan kamakailan. Sinabi ko na ang kaibigang ito ang maaaring isa sa pinakadalisay at malinis na miyembro ng Simbahan. Pagkatapos sa unahang upuaan, nagtaas ng isang kamay ang isang nakatatandang batang lalaki at nagsabing, “Kasinglinis lang niya ako dahil nabinyagan ako at tinatanggap ko ang sakramento.” Asiwa akong sumagot, “Tama, ’yan ang ibig kong sabihin—ang sinabi niya.”

Mga kaibigan ko, talaga bang naaalala at tinatanggap natin ang lubhang nakamamanghang doktrinang ito? Kung ginagawa natin ang dapat gawin para tuparin ang ating mga tipan—patuloy na bumabalik, nag-uulat, at nagsisisi—maaari tayong malinis bawat araw. At sa pamamagitan ng ordenansa ng sakramento, maaari nating maramdaman na kasing linis tayo noong araw na mabinyagan tayo.

Para sa akin, sa ganoong paraan nagiging araw ng pahinga ang Sabbath. Hindi lamang pisikal na pahinga, kundi pahinga mula sa kasalanan at pangamba, mula sa aking mga kakulangan at kahinaan. Kahit isang araw lang!

Ang isa sa napakagiliw na mga salaysay sa buong banal na kasulatan ay nagbibigay sa atin ng isang sulyap sa kapahingahang ito. Sa Aklat ni Mormon, nang bisitahin ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang Kanyang “ibang mga tupa” sa mga lupain ng Amerika, at matapos madama ang kanilang pangangailangan kahit hindi pa nila hinihiling, inaanyayahan Niya ang lahat ng may pisikal na sakit—ang pilay, ang bulag, ang bingi, o yaong mga “nahihirapan sa anumang dahilan”—na lumapit.

Naiisip ko ang mga nakapila na kitang-kita ang pisikal na pangangailangang mapagaling. Ngunit gayon din sa aking isipan, nakikita ko sa pila ang mga taong katulad ko at ng iba pang mahal ko na nagdurusa sa mga paraang maaaring hindi kita ng paningin. Pinalapit Niya yaong mga nagdurusa sa anumang paraan, “at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila.”

Pansinin kung paano, sa pagkakataong ito, hindi sinabi na ginamot Niya sila. Gustung-gusto ko ang ideyang ito na may kaibhan sa pagitan ng pagpapagaling at paggamot. Ang paggamot ay karaniwang ibinabalik tayo sa dating kalagayan ng kagalingan, na siyang inaasam natin, hindi ba? Ngunit iba ang pagpapagaling. Ang pagpapagaling ay isinasama ang dating sugat, na binabago tayo.

Kahit ang Tagapagligtas ng sanlibutan, bilang isang nabuhay na mag-uling nilalang, ay may mga sugat sa Kanyang mga kamay, paa, at tagiliran—katibayan na hinding-hindi Niya tayo kalilimutan at na pinagagaling Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang mga latay. At marahil, sa araw na iyon na pinagaling sila ng Tagapagligtas, kinandong din Niya sila, at mapagmahal na niyakap ang bawat isa.

Ngayong gabi, pakiramdam ninyo siguro ay nagdurusa kayo at hindi kayo sigurado na pagagalingin Niya kayo. Ngunit totoo ba iyan? Bawat Linggo sa oras ng sakramento, kinakarga Niya kayo mula sa maalikabok na daan at inilalagay kayo sa Kanyang kandungan, at pinoprotektahan kayo.

Sa banal na gabi ng Paskong iyon, ipinarating ng isang anghel ang magandang balita, ang magandang balita ng malaking kagalakan. “Siya na pinakadakila ay ginawa ang Kanyang Sarili na pinakamababa—ang Pastol sa Langit na naging Kordero.” “Nakahimlay ang Hari ng mga hari sa hamak na sabsaban. Sa ating mga pagsubok, S’ya ang ating kaibigan.” Naniniwala ako na sinasabi ng anghel na, “Ang inyong kaibigan, ang inyong matalik na kaibigan ay dumating na. At kung alam ninyo kung gaano kalapit Siyang nakamasid sa inyo, kung gaano kayo umasa sa Kanya noong kapiling ninyo Siya dati, kung naunawaan ninyo ang isasakripisyo Niya para sa inyo at kung gaano Siya magiging handang tulungan kayo kailanman na makauwi pagkatapos noon, magdudumali kayong batiin Siya sa sabsaban.”

Pinatototohanan ko na ang Sanggol sa sabsaban, Siya na ating sinasamba at lakas-loob pa siguro nating iniisip kung ano ang pakiramdam ng hawakan Siya, ay pumarito para gawin iyan mismo para sa atin.

Oo, ang sanggol na si Cristo ay isinilang para sa inyo!

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Infant Holy, Infant Lowly,” Gospel Library

  2. Tingnan sa John R. Lasater, “Shepherds of Israel,” Ensign, Mayo 1988, 74.

  3. Isaias 40:11.

  4. Juan 21:15–17; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  5. Lucas 2:11; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  6. Isaias 9:6; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  7. Isaias 53:6.

  8. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 29.2.1.1, Gospel Library; tingnan din sa Patrick Kearon, “Welcome sa Simbahan ng Kagalakan,” Liahona, Nob. 2024, 37.

  9. 3 Nephi 15:17; tingnan din sa Juan 10:16.

  10. 3 Nephi 17:9.

  11. 3 Nephi 17:9.

  12. Bruce D. Porter, “Halina at Magpuri,” Liahona, Dis. 2013, 22.

  13. “O Holy Night,” Recreational Songs (1949), 143.