2025
Mga Kuna sa Pasko
Disyembre 2025 Kaibigan


“Mga Kuna sa Pasko,” Kaibigan, Disyembre 2025, 30–31.

Mga Kuna sa Pasko

“Ano sa palagay mo ang pinakamagandang bahagi ng Pasko?” tanong ni Itay.

Isang tunay na kuwento mula sa Canada.

Batang babaeng nakatingin sa kuna ng manika na gawang-kamay na yari sa kahoy

Krak, krak, krak.

Mahinang tunog ng sapatos ni Katie sa niyebe habang naglalakad siya papunta sa workshop. Nang buksan niya ang pinto, ang pamilyar na amoy ng langis at grasa ay nagmula sa traktora na inaayos ng tatay niya.

“Kumusta ang Katie ko?” tanong ni Itay habang papasok siya sa loob.

“Sobrang ginaw!” Ipinagpag niya ang niyebe sa kanyang mga bota. “Ano’ng ginagawa mo?”

Bumaling siya sa kanyang workbench. Nakakalat ang mga piraso ng kahoy sa paligid ng kuna ng manika. Huminga nang malalim si Katie. Puwede ba iyon sa kanya? Siguro para sa nakababata niyang kapatid na si Jane.

“Ang cute,” sabi ni Katie. “Para ba kay Jane ‘yan?”

Umiling si Itay. “Naaalala mo ba si Mr. Roy, ang lalaking nagtrabaho sa atin noong anihan?”

Tumango si Katie.

“Nakahanap sila ng kanyang pamilya ng bahay na uupahan, pero nahihirapan sila,” sabi ni Itay. “Nag-aalala siya na ang kanyang tatlong maliliit na anak na babae ay walang gaanong matatanggap sa Pasko sa taong ito. Pero may mga espesyal na regalo kami ng nanay mo para sa kanila.”

Lumapit si Katie sa munting kuna at inuguy-ugoy nila ito.

Ngumiti si Itay. “Kung maliit kang bata, magugustuhan mo ba ang kunang ito?”

Tumawa siya. “Bata pa po ako!”

Pagkatapos ay natanto ni Katie kung para kanino ang kuna. Para iyon sa mga anak na babae ni Mr. Roy!

“May maitutulong po ba ako?”

“Matutulungan mo akong magpintura,” sabi ni Itay. Nagningning ang kanyang mga mata.

Tatlong kuna ang ginawa ni Itay, tig-iisa sila. Binuksan niya ang ilang lata ng pintura, at nagtrabaho na si Katie. Pininturahan niya ang mga ito ng mapusyaw na kulay-rosas, mapusyaw na asul, at mapusyaw na dilaw. Sa bawat hagod ng kanyang pinsel, lalo siyang nasabik.

Bumaling siya sa kanyang Itay. “Nang makita ko ang unang kuna, naisip ko na sana ay para sa akin iyon. Pero napakasaya ng makatulong. Umaasa ako na magugustuhan ng mga bata ang mga kuna tulad ng pagkagusto kong pinturahan ang mga ito.”

Pagsapit ng Bisperas ng Pasko, nagpunta si Katie at ang kanyang pamilya sa bahay ng mga Roys.

Tok, tok, tok. Kumatok si Katie sa pinto at naghintay. Nang bumukas ang pinto, nakita niya ang isang batang babaeng kaedad niya na may blonde na buhok at manipis na dilaw na damit. May dalawa pang batang babae na sumilip-silip sa kanya.

Makalipas ang isang sandali, si Mrs. Roy ay lumitaw na rin sa pintuan.

“Maligayang Pasko!” sabi ni Inay.

Dinala ni Katie at ng kanyang pamilya ang mga kuna, nakabalot na tatlong manika, at isang malaking kahon na puno ng pagkain sa Pasko. Nakamasid si Mrs. Roy at napaluha siya nang pumili ng kuna ang bawat isa sa mga bata. Dahan-dahang nawala ang pagkamahiyain ng mga bata. Puno ng pagkamangha sa kanilang mukha, binalutan nila ang kanilang mga bagong manika ng magagandang quilt na ginawa ng nanay ni Katie.

Naupo si Katie sa tabi ng panganay na babae. “Ano’ng pangalan mo?”

“Flossie po,” sabi ng bata.

“Ako si Katie. Gusto mo ba ang kuna?” tanong niya.

Ngumiti nang husto si Flossie. “Ito po ang pinakamagandang bagay na nagkaroon ako.”

“Mabuti nagustuhan mo. Tumulong ako sa pagpintura nito!”

“Salamat,” bulong niya nang yakapin niya ng kanyang munting mga kamay si Katie.

Isinara ni Itay ang pinto nang umalis sila sa bahay ng mga Roys. Pinisil niya ang balikat ni Katie. “Ano sa palagay mo ang pinakamagandang bahagi ng Pasko?”

Tumingala si Katie sa kanyang tatay nang nakangiti. “Dati-rati po ay iniisip ko na ito ay ang pagtanggap ng regalo, pero ngayon sa palagay ko po ito ay ang pagbibigay ng regalo sa iba.”

PDF ng pahina

Larawang-guhit ni Melissa Manwill Kashiwagi