“7 Ideya para sa Masayang Pasko ng Pamilya,” Kaibigan, Disyembre 2025, 38–39.
7 Ideya para sa Masayang Pasko ng Pamilya
Paano ka nagtutuon kay Cristo sa Pasko? Subukan ang ilan sa mga ideyang ito sa inyong pamilya!
1. Mga Regalo para kay Jesus
Inanyayahan tayo ni Jesucristo na itaas ang ating liwanag—Siya! (Tingnan sa 3 Nephi 18:24.) Magagawa natin iyan sa pamamagitan ng paglilingkod, pagmamahal, at pagkilos nang gaya ng ginagawa Niya. Mag-isip ng paraan na matutulungan mo ang iba na maranasan ang Kanyang liwanag. (Tingnan sa pahina 20 ang ilang ideya!) Isulat o idrowing ang iyong ideya at ilagay ito kung saan mo ito makikita, tulad ng sa iyong Christmas tree. Gugulin ang mga araw bago sumapit ang Pasko sa pagbibigay-liwanag sa mundo tulad ng ginawa ni Jesus!
2. Mga Ilaw sa Bintana
Sa Ireland, naglalagay ang ilang pamilya ng mga kandila sa kanilang mga bintana para sumagisag sa pagtanggap kina Maria, Jose, at sa sanggol na si Jesus sa kanilang tahanan. Maglagay ng ilaw sa inyong bintana o sa ibang dako sa inyong bahay para malugod na tanggapin si Jesucristo at ang sinumang bumibisita sa inyo.
3. Service Manger
Gumawa o maghanap ng isang kahon para kumatawan sa sabsaban na tinulugan ng sanggol na si Jesus. Sa tuwing maglilingkod ka sa isang tao (o nakikita mo ang isang taong naglilingkod), maglagay ng pisi, papel, o dayami sa sabsaban para mapalambot ito para sa Kanya. Para sa karagdagang saya, lihim na gawin ang iyong paglilingkod!
4. Panonood sa mga Bituin
Sa Poland, may ilang pamilyang naghihintay sa paglabas ng unang bituin bago maghapunan sa Bisperas ng Pasko. Maghanap ng maaliwalas na gabi para panoorin ang kalangitan at alalahanin ang bituin na lumitaw noong isinilang si Jesucristo. O kung hindi mo makita ang mga bituin, idrowing mo ang ilan at isabit ang mga ito!
5. Mga Crafty Card
Magsulat, magdekorasyon, at maghatid ng maikling sulat sa taong nangangailangan ng kaunting pagmamahal sa Paskong ito. (Hint: Kailangan ng lahat ng karagdagang pagmamahal! Maraming posibleng gawin.)
6. I-deck(orate) ang mga Pasilyo
Gamitin ang mga bagay sa paligid ng inyong bahay para gumawa ng mga dekorasyon sa Pasko. Maaari kang gumawa ng mga paper snowflake (ilang lugar ang inuulan ng niyebe sa Kapaskuhan), magpinta ng mga bato, gumawa ng mga kadenang papel, mga tinuhog na popcorn—kahit ano! Tingnan ang kuwento ni Spencer sa pahina 4 at ang kuwento ni Sadie sa pahina 36 para makita kung anong mga dekorasyon ang ginawa nila.
7. Pagpapalitan ng mga Tradisyon sa Mundo
Kasama ang inyong pamilya, hanapin ang mga tradisyon sa Pasko online mula sa ibang bansa. Subukan ang ilan! Baka magulat ka sa mga ito.
Mga larawang-guhit ni Audrey Day