Kaibigan
Ang Tradisyon na Paggawa ng Belen
Disyembre 2025 Kaibigan


“Ang Tradisyon na Paggawa ng Belen,” Kaibigan, Disyembre 2025, 4–5.

Ang Tradisyon na Paggawa ng Belen

“Hindi kailangan ng Tagapagligtas ng magagandang regalo—ang ating pagmamahal at pinakamatitinding pagsisikap lamang ay sapat na.”

Isang totoong kuwento mula sa Peru.

Humawak si Spencer sa kamay ni Papá habang naglalakad sila sa damuhan. Nauna sa paglalakad ang kanyang nakatatandang mga kapatid, na nagtitipon ng mga bato at maliliit na sanga.

“Papá, bakit po natin ginagamit ang mga bagay sa labas sa paggawa ng Belen?” tanong ni Spencer.

Dinampot ni Papá ang kaunting lumot. “Ito ay isang bagay na matagal nang ginagawa ng mga pamilya rito. Tinitipon natin ang mga bagay na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit sa kalikasan para bigyan ng puwang ang sanggol na si Jesus. Tinutulungan tayo nito na maalala na Siya ay isinilang sa isang abang lugar.”

Tiningnan ni Spencer ang lumot na nasa kamay ni Papá. Hindi iyon kagandahan, pero malambot iyon.

Isang pamilyang nasa tabi ng isang mesa na gumagawa ng Belen o Nativity set gamit ang mga bagay na mula sa kalikasan

Pagdating nila sa bahay, nagtipon sila sa paligid ng mesang yari sa kahoy na nasa sala. Naglagay si Papá sa ibabaw ng mesa ng munting Maria at Jose na yari sa luwad. Ngayon ay gagamitin nila ang mga bagay na nakuha nila mula sa labas para gawing kuwadra at sabsaban. Pagkatapos, sa Bisperas ng Pasko ay ilalagay nila ang sanggol na si Jesus sa tagpo ng Nativity o Belen.

Minasdan ni Spencer ang paggawa ng kanyang mga kapatid. Nagdagdag sila ng makukulay na bulaklak at gumawa ng munting bakod na yari sa mga sanga. Pinaganda nila ito.

Maingat na inilagay ni Spencer ang kaunting lumot sa isang panig ng kuwadra at naglagay ng ilang bato. Pero nang tingnan niya ang ginawa niya, parang hindi ito kasingganda ng ginawa ng kanyang mga kapatid. Mukhang hindi tuwid ang kanyang landas. Ang kanyang lumot ay hindi makinis.

Napabuntong-hininga siya. “Parang hindi gaanong maganda ang bahagi ko,” mahina niyang sinabi.

Niyakap siya ni Mamá. “Bakit mo iniisip ‘yan?”

“Kasi po hindi ito kasingganda ng sa kanila.”

Lumipat si Papá para umupo sa tabi niya. “Spencer, alam mo ba kung bakit natin ginagawa ang Nativity na ito?”

Umiling si Spencer.

“Para tulungan tayong madama na malapit tayo kay Jesus,” sabi ni Papá. “Ang Tagapagligtas ang pinakaespesyal na bahagi ng Pasko. Hindi Niya kailangan ng magagarang regalo—ang ating pagmamahal at pinakamatitinding pagsisikap lamang ay sapat na.”

Tumango si Spencer. Tiningnan niyang muli ang kanyang maliit na tumpok ng mga bato at lumot. Siguro hindi iyon perpekto, pero ginawa niya ang lahat sa abot-kaya niya.

Nang sumunod na ilang araw, nagtipon sila sa tabi ng mesa para magsindi ng kandila at kumanta ng mga awiting Pamasko. Gusto ni Spencer na wala pa sa sabsaban ang sanggol na si Jesus. Ipinaalala nito sa kanya na may hinihintay silang isang espesyal na bagay—tulad ng ginawa ng mga pastol at ng mga Pantas na Lalake.

Sa huli, dumating ang Bisperas ng Pasko. Iniabot ni Inay kay Spencer ang maliit na sanggol na Jesus na yari sa clay o luwad, at maingat niya itong inilagay sa sabsaban.

Habang nakatingin si Spencer sa Nativity, hindi siya nag-alala kung gaano ito kaperpekto. Naisip niya ang tungkol kay Jesucristo.

Ngumiti si Spencer. Sa taong ito, nagbigay siya ng isang bagay kay Jesus sa abot-kaya niya, kahit hindi ito perpekto. At nais niyang patuloy na magbigay—sa pamamagitan ng pagiging mabait, mapagmahal sa iba, at pagsisikap na maging lalong katulad Niya.

PDF ng pahina

Larawang-guhit ni Brooke Smart