“Pagpapanatili ng Pasko sa Kanyang Puso,” Kaibigan, Disyembre 2025, 36–37.
Pagpapanatili ng Pasko sa Kanyang Puso
Kahit hindi nagsisimba ang kanyang pamilya, siguro puwede pa rin niyang madama si Jesus sa araw na iyon.
Isang tunay na kuwento mula sa USA.
“Bakit po hindi na tayo nagsisimba?”
Ilang beses na itong itinanong ni Sadie sa kanyang mga magulang. Karaniwan ay umiiling lang ang kanyang ina at mukhang malungkot na tulad ng nadarama ni Sadie. “Napakaraming dahilan,” sabi niya sa huli. Hindi maintindihan ni Sadie.
Bago tumigil ang kanyang pamilya sa pagsisimba, hinayaan siya ng kanyang mga magulang na mabinyagan. Masaya si Sadie tungkol doon, pero naisip niya na sana ay dalhin siya ng kanyang mga magulang sa simbahan kahit ayaw nilang manatili roon. Talagang nami-miss niya ang pagpunta sa Primary.
Sama-sama pa ring nagsaya ang kanyang pamilya. Sa taglagas, naglakad sila sa mga bundok. Nagpiknik sila sa parke at naglaro ng frisbee. Nagpunta sila sa play o dula-dulaan kung saan kasama ang kuya niya.
Noong Disyembre nagdala sila ng kanyang pamilya ng mga pagkain sa mga kaibigan at kapitbahay. Magkasama nilang nilagyan ng dekorasyon ang Christmas tree. Nag-snow sledding sila isang Sabado at umuwi para sa uminom ng mainit na tsokolate at kumain ng mga donut na gawang-bahay.
Gusto ni Sadie na ginagawa ang mga bagay na ito, pero mas nami-miss niya ang pagsisimba. Nami-miss niya ang pagkanta ng mga himnong Pamasko at pakikinig sa mga mensahe tungkol sa pagsilang ni Jesucristo.
Sa taong ito matatapat sa araw ng Linggo ang Pasko. Sinabi sa kanya ng kaibigan niya na kakanta ang Primary sa sacrament meeting sa umaga ng Pasko. Gustung-gustong kumanta ni Sadie.
“Puwede po ba tayong magsimba kahit ngayong Linggo lang?” tanong ni Sadie sa kanyang mga magulang. “Puwede po? Kakanta po ang Primary, at gusto kong naroon ako.”
Nagtinginan ang mga magulang niya, at muling tumingin kay Sadie. “Sori,” sabi ni Itay, “pero hindi puwede. Hindi ngayong taon na ito.”
Umaasa pa rin si Sadie na babalik ang kanyang pamilya sa simbahan balang-araw, pero hindi iyon nakatulong sa kanya sa Paskong ito.
Pagsapit ng umaga ng Pasko, nadama ni Sadie ang pamilyar na kasabikan ng pagtitipon sa paligid ng Christmas tree at sa pagbubukas ng mga regalo kasama ang kanyang pamilya. Naisip niya kung gaano niya kamahal ang kanyang mga magulang at kuya at alam niya na mahal nila siya.
Nagluto si Inay ng paborito nilang almusal—ang chocolate-chip pancakes na may whipped cream. “Pinakamasarap na almusal,” sabi ng kanyang kapatid matapos makakain ng dalawang plato ng mga pancake. Sumang-ayon ang lahat.
Matapos siyang tumulong sa paglilinis, nagpunta si Sadie sa kanyang silid. Naisip niya ang mga bata sa Primary na kumakanta sa simbahan at ginawa niya ang lahat para hindi malungkot na wala siya roon.
Tumingin si Sadie sa paligid ng kanyang silid para sa isang bagay na gagawin. Natuon ang kanyang mga mata sa kahon ng mga lapis na pangkulay. Bigla siyang nagkaroon ng ideya. Kahit hindi siya makasisimba ngayon, siguro puwede pa rin niyang madama si Jesus sa araw na iyon.
May nakita siyang papel at nagsimulang magdrowing ng larawan ng tagpo sa Pagsilang ni Cristo—ang sanggol na si Jesus sa sabsaban, sina Maria at Jose na nakabantay sa kanya, at mga pastol sa palibot nila. Kinanta niya ang “Doon sa Sabsaban” sa kanyang sarili habang nagdodrowing siya.
Nang matapos niya ang kanyang larawan, dinala niya ito sa kusina at ginamit ang isang magnet para ilagay ito sa pinto ng refrigerator. Walang sinabi ang kanyang mga magulang at kuya, pero ngumiti sila.
Ang ganda ng pakiramdam ni Sadie. Hindi niya mababago ang damdamin ng kanyang pamilya tungkol sa pagsisimba. Pero maaari pa ring manatili sa kanyang puso si Cristo at ang Pasko.
Paglalarawan ni Tracy Nishimura Bishop