“Isang Pakikipag-usap kay Parker Tungkol sa Pagbisita sa Palmyra,” Kaibigan, Disyembre 2025, 40–41.
Isang Pakikipag-usap kay Parker tungkol sa Pagbisita sa Palmyra
Si Parker ay mula sa Georgia, USA. Kamakailan ay nagpunta siya sa Palmyra, New York, USA. Tinanong namin siya ng ilang bagay tungkol sa kung ano ang pakiramdam ng pagbisita sa tinirhan noon ni Joseph Smith.
Magkuwento ka sa amin tungkol sa sarili mo.
Ako ay siyam na taong gulang. May tatlong taong gulang akong kapatid na ang pangalan ay Madelyn. Ang paborito kong pagkain ay cheese pizza. Itim ang paborito kong kulay. Mahilig akong magsulat ng mga kuwento, maglaro, at magdrowing.
Ano ang pakiramdam ng pagbisita sa Sagradong Kakahuyan?
Kahit malamig noon sa labas, nakadama ako ng init at alam kong nagmula iyon sa Espiritu Santo. Naisip ko kung paano nagdasal doon si Joseph Smith at nakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Alam ko na maaari din akong magdasal, at sasagutin ako ng aking Ama sa Langit.
Ano pa ang nakita mo sa iyong pagbisita?
Pagkatapos ng Sagradong Kakahuyan, binisita namin ang Burol ng Cumorah. Sa Burol ng Cumorah ibinaon ni Moroni ang mga laminang ginto para matagpuan ni Joseph Smith makalipas ang ilang taon. Nagpunta rin kami sa iba pang mga makasaysayang lugar ng Simbahan kung saan marami pa kaming natutuhan tungkol sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon.
Paano nakatulong sa iyo ang pag-aaral ng iba pang bagay tungkol sa buhay ni Joseph Smith?
Nalaman ko na hindi gaanong nakapag-aral si Joseph. Nahirapan ako noon na matutong magbasa. Nagpasiya kami ni Inay na babasahin ko ang isang talata mula sa Aklat ni Mormon araw-araw at magdarasal kami na tulungan ako ng Ama sa Langit na matutong bumasa. Naging mas maayos ang aking pagbabasa! Alam ko na kapag nagdarasal tayo at humihingi ng tulong, tulad ni Joseph, sasagot ang ating Ama sa Langit.
Paano ito nakatulong sa paglago ng iyong patotoo?
Sinisikap ko pa ring magkaroon ng sarili kong patotoo. Gusto ko kung gaano kami nagkakatulad ni Joseph Smith. Noong siya ay 14 anyos, hindi rin siya sigurado kung ano ang totoo. Nagdarasal ako tuwing umaga na sana, hindi magtatagal ay magkaroon ako ng patotoong tulad ng sa kanya. Alam ko na maganda ang pakiramdam ko sa Aklat ni Mormon kapag binabasa ko ito, at nadarama ko ang pagmamahal ng aking Tagapagligtas para sa akin.
Bumisita si Parker kung saan unang inilimbag ang Aklat ni Mormon.
Si Parker na may hawak na replika ng mga laminang ginto.