2025
Ang Journal ng Binyag ni Maria
Oktubre 2025


“Ang Journal ng Binyag ni Maria,” Kaibigan, Oktubre 2025, 4–5.

Ang Journal ng Binyag ni Maria

“Ano ang tipan?”

Isang tunay na kuwento mula sa Argentina.

Mga kamay na may hawak na journal na may kulay-rosas na pabalat

“Naghahanap ako ng isang maliit na tao na magdaraos ng kanyang kaarawan! Sino kaya siya?” tanong ni Mamá.

“Ako po ‘yun!” Sabi ni Maria na patalun-talon. Magiging walong taong gulang na siya sa susunod na linggo.

Tumango si Mamá. “At magiging espesyal ang kaarawan na ito. Alam mo ba kung bakit?”

“Kasi po bibinyagan ako!”

“Oo! May espesyal na regalo kami ni Papá para matulungan kang maghanda sa mahalagang hakbang na ito.”

“Regalo po? Pero hindi ko pa po bertdey,” sabi ni Maria.

“Espesyal na regalo ito na tutulong sa iyo na alalahanin ang tipan na gagawin mo sa Ama sa Langit. Pwede mo itong buksan pagkatapos ng hapunan.”

Patuloy na inisip ni Maria ang salitang tipan. Hindi na siya makapaghintay na umuwi si Papá. Nagsabi siya na ihahanda niya ang mesa para sa hapunan at nadama niyang nag-init ang kanyang puso. Parang ang sarap ng hapunan nang gabing iyon.

Pagkatapos, umupo siya sa sopa sa pagitan ng kanyang mga magulang.

“Ano ang pakiramdam mo tungkol sa binyag?” tanong ni Papá.

“Tuwang-tuwa po ako!” Si Maria ay nagsikap nang husto sa paghahanda para sa kanyang binyag. Sinimulan niyang basahin ang Aklat ni Mormon. Gumawa pa nga siya ng poster para maalala niyang magdasal gabi-gabi.

“Magaling iyan! Mayroon ka bang mga tanong?”

“Opo. Ano po ang tipan?”

“Magandang tanong iyan,” sabi ni Mamá. “Ang tipan ay isang pangako sa Diyos. Kapag nabinyagan ka, ipinapangako mo na handa kang taglayin sa sarili mo ang pangalan ni Jesucristo, na susundin mo ang mga utos ng Diyos, at paglilingkuran mo Siya habambuhay.”

“Parang panalangin po iyan sa sakramento,” sabi ni Maria.

“Tama ka,” sabi ni Papá. “Ipinapangako rin ng ating Ama sa Langit na sasamahan ka ng Espiritu Santo na gagabay at hihikayat sa iyo.”

“At ngayon ang sorpresang para sa iyo.” Iniabot ni Mamá kay Maria ang isang makintab na nakabalot na regalo.

Binuksan ito ni Maria at nakita niya ang magandang kulay rosas na journal at isang bolpen. “Salamat po! Ang ganda po nito!”

“Ang journal na ito ay para isulat mo ang damdamin at mga kaisipan na natatanggap mo mula sa Espiritu Santo.”

“Ang binyag ay isang malaking desisyon,” sabi ni Papá. “Maaari kang manalangin at itanong sa Diyos ang tungkol dito.”

Isang batang babae na nakaluhod sa tabi ng kanyang kama para manalangin, na may journal at lapis sa kama

Nang gabing iyon, lumuhod si Maria sa tabi ng kanyang kama. Nanalangin siya, “Ama sa Langit, tama po ba na mabinyagan ako?” Tumigil siya sandali, at patuloy siyang nakinig. Isang malinaw na “oo” ang pumuno ng kanyang isipan, at ang kanyang puso ay napuno ng kagalakan.

Kinuha niya ang kanyang journal at isinulat ang kanyang naramdaman. Kinaumagahan ay ikinuwento niya sa kanyang mga magulang ang kanyang sagot. Alam niya na ang pagpapabinyag ang tamang gawin.

Sa wakas ay kaarawan na niya, at bibinyagan na si Maria. Nakasuot sila ni Papá ng puti. Niyakap siya ni Mamá. “Madarama mo na mag-iinit ang puso mo.”

Isang lalaki na binibinyagan ang isang batang babae

Malamig ang tubig, pero malinis at dalisay ang pakiramdam ni Maria—at mainit ang kalooban niya.

Nang gabing iyon, binuksan ni Maria ang kanyang journal sa isang blangkong pahina at nagsimulang magsulat.

Isinulat niya na, “Nang sabihin ni Papá na, ‘Tanggapin ang Espiritu Santo,’ talagang nadama ko ito.”

Nais niyang laging alalahanin ang araw ng kanyang binyag. Handa siyang tuparin ang kanyang tipan, dahil alam niyang laging nandiyan ang Espiritu Santo para tulungan siya.

PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Zoë Bennett