2025
Isang Pakikipagkwentuhan kay Azahara Tungkol sa Templo
Oktubre 2025


“Isang Pakikipagkwentuhan kay Azahara Tungkol sa Templo,” Kaibigan, Oktubre 2025, 40–41.

Isang Pakikipagkwentuhan kay Azahara Tungkol sa Templo

Si Azahara ay 11 taong gulang na bata mula sa Spain. Tinanong namin siya tungkol sa unang pagpunta niya sa templo.

Magkuwento ka sa amin tungkol sa iyong sarili.

Nakangiti na batang babae na nakaupo sa isang bench sa labas

May isa akong kuya at isang ate. Ang libangan ko ay rhythmic gymnastics at pagtugtog ng piano, at ang paborito kong kulay ay purple.

Batang babae kasama ang kanyang mga magulang, kuya, at ate

Bakit mahalaga sa iyo ang templo?

Malaking pagpapala sa akin ang templo, bago pa man ako tumuntong sa edad na pwede na akong makapasok sa loob. Sa pagtingin ko lang dito mula sa labas, nadarama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit.

Mahalaga rin ang templo sa aking pamilya. Sabi ng mga magulang ko, kapag nasa templo sila, pakiramdam nila ay nakauwi sila. Ayon sa kanila, ito ay isang lugar kung saan maaari nilang madama na malapit sila sa mga miyembro ng pamilya na pumanaw na. Ito rin ang lugar kung saan makakatulong tayo na tipunin ang Israel.

Paano ka naghanda na pumunta sa templo?

Batang babae na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Naghanda ako sa pamamagitan ng pagsisikap na tularan ang halimbawa ni Jesucristo. Nagbasa ako ng mga banal na kasulatan, nanalangin, at nagsimba. Hindi ako 100 porsiyentong perpekto, pero sa tulong ng Ama sa Langit, magiging karapat-dapat ako.

Ano ang pakiramdam nang magsagawa kayo ng mga binyag sa templo sa unang pagkakataon?

Ang pagpunta sa templo sa unang pagkakataon ay isa sa pinakamagagandang bagay na nagawa ko sa buhay ko. Nadama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa lahat ng oras. Kasama ko ang pamilya ko at ang ilan sa mga kabataan mula sa ward namin. Bininyagan ako ng tatay ko para sa ilan sa aking mga ninuno. Gustung-gusto ko ang kaalamang tinutulungan ko sila sa isang bagay na hindi nila kayang gawin para sa kanilang sarili.

Anong payo ang maibibigay mo sa iba pang mga bata na naghahanda para sa templo?

Madrid Spain Temple

Isa sa mga payo na ibibigay ko ay basahin ang mga banal na kasulatan. Kapag natutuhan natin ang tungkol kay Jesucristo at naging mas mabubuting disipulo tayo, mas masisiyahan tayo sa pagpasok sa templo.

Kapag nagsasagawa kayo ng mga binyag sa templo sa unang pagkakataon, masiyahan sa bawat segundo nito! Isulat ang iyong karanasan sa isang journal upang hindi mo ito makalimutan.

PDF ng pahina