“Ang Tanong ni Justina,” Kaibigan, Oktubre 2025, 16–18.
Ang Tanong ni Justina
Nagdiborsyo ang mga magulang ni Justina. Walang-hanggan pa rin ba ang pamilya nila?
Isang tunay na kuwento mula sa USA.
“Malapit na po ba tayo?” tanong ni Justina.
“Halos naroon na,” sabi ni Lola. Lumiko ang kotse sa kanto, at hayun na! Ang templo ay nakatayo sa ibabaw ng burol. Napakaganda nito!
Naroon si Justina at ang kanyang pamilya para sa paglalaan ng templo. Sinabi ni Inay na ito ay mahalagang miting kung saan ang isang Apostol ay magbibigay ng espesyal na panalangin sa loob ng templo. Pagkatapos ay handa na ang templo para isagawa ng mga miyembro ng Simbahan ang mga ordenansa sa loob. “Ang mga paglalaan sa templo ay ibinobrodkast para mapanood ito ng mga miyembro ng Simbahan mula sa kanilang mga gusali ng simbahan,” paliwanag ni Inay. “Pero masuwerte tayo na nakadalo tayo sa paglalaan sa loob ng templo.”
Sa labas ng pintuan ng templo, binigyan sila ng mga puting plastic cover na dapat isuot sa kanilang sapatos. Naisip ni Justina na mukhang katawa-tawa sila. “Bakit po kailangan nating magsuot ng ganito?” tanong niya kay Lola.
“Pinoprotektahan nila ang mga bagong karpet,” bulong ni Lola. “Tandaan mo, kailangan nating bumulong sa loob ng templo, OK? Gusto nating maging mapitagan sa bahay ng Panginoon.”
Habang naglalakad sila sa loob ng templo, nakatingin si Justina sa matataas na kisame. Napakatahimik doon kaya gusto niyang maglakad nang nakatingkayad at pigilan ang kanyang hininga. Nagulat siya nang magsimula silang umakyat sa isang spiral staircase. Parang walang katapusan ang hagdanan.
Sa wakas ay nakarating sila sa silid kung saan panonoorin ng kanyang pamilya ang paglalaan. “Ang tawag dito ay sealing room,” tahimik na sinabi ni Lola. “Alam mo ba kung ano ang nangyayari dito?”
Umiling si Justina.
“Dito ibinubuklod ang mga pamilya para magkasama-sama sa walang-hanggan. Ibig sabihin niyan ay maaari silang mamuhay nang magkakasama sa langit pagkatapos nilang mamatay. Tingnan mo ang mga salamin.” Itinuro ni Lola ang mga salamin sa magkabilang panig ng silid. “Nakita mo na kung ano ang nangyayari kapag tiningnan mo ang sarili mo sa salamin?”
Tumingin si Justina sa isa sa mga salamin at nakita niya ang sarili niya nang paulit-ulit sa salamin.
“Wow,” sabi ni Justina, na sinisigurong bumulong siya sa pagkakataong ito. “Walang katapusan ito.”
Nang magsimula ang paglalaan ay naisip ni Justina ang kanyang pamilya. Nagdiborsyo ang kanyang mga magulang. At alam niyang hindi sila nabuklod sa templo.
Tiningnan niya ang kanyang ina at mga kapatid na nakaupo sa tabi niya. Makakasama ba niya sila sa langit? Paano kung hindi ko makasama ang aking pamilya magpakailanman dahil hindi kami nabuklod? Dahil sa kaisipang iyon ay natakot siya at nag-alala.
Lumapit si Justina kay Lola at nagtanong, “Ano po ang mangyayari kung hindi ka nabuklod sa pamilya mo?”
Nag-isip sandali si Lola. Tapos sabi niya, “Hindi ko talaga alam, mahal ko. Pero alam ko na mahal tayo ng Diyos at nais niyang maging maligaya tayo.”
Inisip iyon ni Justina habang nakikinig sa susunod na tagapagsalita. Hindi nagtagal ay halos natapos na ang dedikasyon o paglalaan. Panahon na para kantahin ang “Ang Espiritu ng Diyos.”
Habang kumakanta si Justina, nakaramdam siya ng mabuting pakiramdam sa kanyang puso. Alam niya na sinasabi sa kanya ng Espiritu Santo na magiging maayos ang lahat. Naramdaman niyang lumalaki ang kanyang pananampalataya.
Nang matapos ang kanta, niyakap ni Justina si Lola. Hindi niya alam ang lahat ng mga sagot, pero nananalig siya na mahal na mahal siya ng Diyos at ang kanyang pamilya. Alam niyang maaari siyang magtiwala sa Kanya.
Mga larawang-guhit ni Jarom Vogel