2025
Ang Limang Bato ni David
Oktubre 2025


“Ang Limang Bato ni David,” Kaibigan, Oktubre 2025, 20–21.

Ang Limang Bato ni David

Hango sa “Tapat Hanggang Wakas,” Liahona, Mayo 2024, 59–61.

Sa Lumang Tipan, nagboluntaryo si David na labanan ang isang higante na nagngangalang Goliat (tingnan sa 1 Samuel 17). Hindi natakot si David dahil alam niyang poprotektahan siya at tutulungan siya ng Diyos.

Nanguha si David ng limang makikinis na bato, kinuha ang kanyang tirador, at hinarap ang higante. Paano kung kumakatawan sa lakas na kailangan natin ang bawat bato ni David para magtagumpay sa ating buhay? Naisip ko ang mga posibilidad na ito:

  1. Ang bato ng aking pagmamahal sa Diyos.

  2. Ang bato ng aking pananampalataya sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

  3. Ang bato ng kaalaman tungkol sa aking tunay na pagkatao.

  4. Ang bato ng aking araw-araw na pagsisisi.

  5. Ang bato ng aking pagtanggap sa kapangyarihan ng Diyos.

Ang kapangyarihan ng Diyos ay tunay na kapangyarihan na tumutulong sa atin na harapin ang mga hamon at gumawa ng mabubuting desisyon. Ano ang magagawa natin para madagdagan ang kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay?

Ipinaliliwanag sa gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan na: “Iniuugnay kayo ng mga tipan sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Dinaragdagan ng mga ito ang kapangyarihan ng Diyos sa inyong buhay.”

Kasama si Jesucristo, maitutumba ninyo ang lahat ng Goliat na dumarating sa inyong buhay.

Sining sa Bato

Ngayo’y ikaw naman! Gumawa ng isang bato ng paalala para matulungan kang mapagtagumpayan ang iyong mga Goliat.

  • Maghanap ng makinis na bato.

  • Isulat sa iyong bato ang ilang paraan na pinagpapala ka ng Diyos.

  • Magdrowing o magpinta sa bato para malagyan ito ng dekorasyon.

  • Ilagay ang iyong bato kung saan maipapaalala nito sa iyo ang pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos sa iyong buhay.

PDF ng pahina

Mga larawang-guhit ni Hollie Hibbert