2025
Isang Payapang Lugar
Oktubre 2025


“Isang Payapang Lugar,” Kaibigan, Oktubre 2025, 36–37.

Isang Payapang Lugar

Sobrang na-stress si Kevin! Parang hindi ito magandang araw para pumunta sa templo.

Isang tunay na kuwento mula sa USA.

Kinamayan ni Kevin ang bishop at naglakad palabas ng opisina. Napatingin siya sa maliit na card na hawak niya. Ito ang kanyang sariling temple recommend!

Hinihintay siya ni Itay sa pasilyo. “Kailan po tayo makakapunta sa templo?” tanong ni Kevin sa kanya.

Ngumiti si Itay. “Puwede na tayong mag-set ng appointment pagkauwi natin.”

Nag-set ng appointment sina Kevin at Itay na magsagawa ng mga binyag para sa mga patay. Pero nang dumating ang araw ng appointment, nagkasakit si Kevin, kaya nag-reschedule sila. At kinailangan nilang mag-reschedule muli dahil may emergency work trip si Itay.

Nag-iisip si Kevin kung makapupunta pa ba siya sa templo.

Nang dumating ang araw ng ikatlong appointment, handa na si Kevin! Nagplano silang umalis ni Itay papuntang templo pagkatapos ng hapunan.

Napangiti si Kevin habang naghahanda para sa eskwelahan. Pero nawala ang magandang mood niya nang sabihin ng kanyang guro sa math na may quiz. Hindi naging maayos ang takbo ng quiz. Ni ang natitirang araw sa eskuwelahan. At nang sunduin siya ni Mommy, sumasakit ang ulo niya.

“Naaalala mo bang ikaw muna ang bahala sa bahay habang may aasikasuhin ako sandali?” tanong ni Inay.

Medyo pilit na tumango si Kevin. Hindi niya naalala.

Sa sandaling umalis si Inay, nagsimulang magtalo ang mga kapatid ni Kevin. Nang sikapin ni Kevin na tulungan sila na lutasin ang problema, nagalit sila sa kanya. Maaari bang lumala pa ang araw na ito?

Oo naman! Nang sandaling iyon, tumapon ang gatas ng kanyang mas batang kapatid na babae sa sahig ng kusina. Habang nilalampaso niya ito, mabilis ang tibok ng puso ni Kevin, at napupulikat ang kanyang mga kalamnan.

Bumalik si Inay habang itinatabi niya ang mop. “May natapon na naman ba ang kapatid mo?”

Tumango si Kevin at iniikot ang kanyang mga balikat habang sinusubukang magrelaks. “Hindi po maganda ang araw na ito.”

“Ano’ng nangyari?” tanong ni Inay.

“Masyado pong nakaka-stress. Parang hindi po maganda ang araw na ito para pumunta sa templo.”

“Puwede tayong pumili ng ibang araw,” sabi ni Inay.

Ang isipin na muling mag-iiskedyul ay nagpalala sa pakiramdam ni Kevin. “Huwag po,” sabi nito. “Gusto ko pong pumunta. Hindi lang po talaga payapa ang damdamin ko.”

“Tatanggapin ka ng Ama sa Langit sa Kanyang bahay makadama ka man o hindi ng kapayapaan” sabi ni Inay. “At si Jesucristo ang Prinsipe ng Kapayapaan. Maraming beses na makakahanap ka ng kapayapaan sa templo kahit na nakaka-stress ang araw mo.”

Bumuntong-hininga si Kevin. “Susubukan ko po.”

Habang naghahapunan at nagmamaneho papunta sa templo, patuloy niyang naiisip ang lahat ng masasamang bagay na nangyari noong araw na iyon. Nakaramdam pa rin siya ng tensyon nang makarating sila ni Itay sa templo. Pero nang makapasok na si Kevin sa pintuan ay medyo narelaks siya.

Malinis at tahimik ang templo sa loob. Lahat ay nakasuot ng puti at nagsalita nang mahinahon. Nang magpalit siya ng puting jumpsuit sa dressing room, napansin ni Kevin na mas mabagal ang paggalaw niya at mas malambot din ang pagsasalita niya. Kapag siya na ang bibinyagan, mas gumaan pa ang pakiramdam niya.

Bininyagan ni Itay si Kevin para sa apat na taong namatay na. Nagsimula si Kevin na mas makaramdam ng kapayapaan at kaligayahan. Hindi lamang dahil siya ay nasa payapang lugar, kundi dahil din sa tinulungan niya ang mga tao na gumawa ng mga tipan sa Diyos.

Habang nagmamaneho pauwi, natanto ni Kevin na hindi na siya nai-stress. At nakangiti na siya ulit! Isa lang ang tanong niya kay Itay.

“Kailan po kaya ako makakabalik sa templo?”

Natawa si Itay. “Malapit na.”

PDF ng pahina

Mga larawang-guhit ni Alyssa Tallent