2025
Pagdinig sa Espiritu Santo
Marso 2025


“Pagdinig sa Espiritu Santo,” Kaibigan, Marso 2025, 40–41.

Pagdinig sa Espiritu Santo

“Hulaan n’yo kung ano ang natutuhan ko sa Primary,” sabi ni Chim.

Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Pilipinas.

Larawang-guhit ng isang radyo

Iminulat ni Chim ang antok niyang mga mata. Sa wakas ay Sabado na!

“Gising na, at kung hindi ay mahuhuli tayo,” pagtawag ni Inay.

Gusto sana ni Chim na matulog pa, pero araw ng palengke ngayon. Kailangan niyang tulungan si Nanay na bumili ng pagkain para sa buong linggo. Kaya tumayo siya at mabilis na nag-almusal.

Maraming nagawa si Inay para kay Chim at sa dalawa niyang kapatid na lalaki. Masyado siyang abala sa trabaho, at wala siyang gaanong oras para manatili sa bahay. Nagtulungan si Chim at ang kanyang mga kapatid na gawin ang karamihan sa mga gawaing-bahay. Masaya si Chim na makatulong.

Pag-uwi nina Chim at Inay mula sa palengke, kailangan nang pumasok si Inay sa trabaho. Habang wala siya, naghanda si Chim at ang mga kapatid niya para sa araw ng Linggo. Inihanda ni Chim ang sapatos, pantalon, at polo na isusuot niya sa simbahan kinabukasan. Tinulungan siya ng kuya niyang si Robin na plantsahin ang kanyang polo. Pagkatapos ay nagluto sila ng hapunan.

Naglilinis si Chim ng kusina nang umuwi si Inay. Mukhang pagod siya.

“Heto po, Inay.” Inabutan ito ni Chim ng isang mangkok ng mainit na pagkain para kainin.

Ngumiti si Inay. “Salamat sa tulong mo ngayon. Mukhang masarap ito!”

Kinaumagahan, maagang gumising si Chim at naghandang magsimba. Tuwang-tuwa siyang makita ang kanyang mga kaibigan sa Primary at matuto tungkol kay Jesucristo.

“Inay?” mahinang tawag niya, sabay katok sa pinto nito. “Sasama po ba kayo sa aming magsimba ngayon?”

“Hindi puwede,” sabi ni Inay. “Kailangan kong magtrabaho ngayong hapon.”

“OK po.” Medyo nalungkot si Chim. Halos isang taon nang hindi sumasama si Inay sa kanilang pagsisimba. “Ingat kayo at maging masaya sana ang araw ninyo,” sabi nito sa kanya.

“Handa ka na ba?” tanong ng bunsong kapatid niyang si Mattew.

“Oo!” Nagsapatos si Chim at tumakbo palabas ng pinto kasama ang kanyang mga kapatid para sumakay ng bus.

Masaya si Chim nang pumasok siya sa gusali ng simbahan. Sinikap niyang isipin si Jesucristo sa oras ng sakramento. At sa Primary, sinikap pa niyang makinig sa lesson ni Sister Ortega.

“Mag-aaral tayo ngayon ng tungkol sa Espiritu Santo,” sabi ni Sister Ortega. “Ang Espiritu Santo ay naghahatid sa atin ng mga mensahe mula sa Ama sa Langit. Parang katulad ng radyo.”

Tiningnan ni Chim ang larawan ng isang radyo na ipinakita ni Sister Ortega.

“Gumagana ang radyo sa pamamagitan ng pagtanggap ng signal at ginagawa itong mga sound wave na maririnig natin,” paliwanag nito. “Kailangan mong i-set ito sa tamang channel para marinig ito. Para marinig ang Espiritu Santo, kailangan din nating i-set ang ating puso’t isipan sa tamang channel. Paano natin magagawa iyon?”

Nag-isip ang lahat. Pagkatapos ay sinabi ni Chim, “Sa pagsunod po kay Jesucristo at pagsunod sa mga kautusan.”

Ngumiti si Sister Ortega. “Tama!”

Pagkatapos magsimba, tumulong na naman si Chim sa paghahanda ng hapunan. Masigla ang kanyang kalooban habang tumutulong. Alam niya na sa paglilingkod sa kanyang pamilya, iniaayon niya ang kanyang puso sa tamang channel para madama ang Espiritu Santo.

Paglalarawan sa Nanay at batang lalaki na magkasamang nagluluto

Pagdating ni Inay sa bahay, niyakap ito ni Chim nang mahigpit. Pagkatapos ay binasbasan nila ang pagkain at nagsimula nang kumain.

“Hulaan n’yo po kung ano ang natutuhan ko sa simbahan ngayon,” sabi ni Chim. Gusto niyang magkuwento kay Inay tungkol sa Primary.

“Ano?” tanong ni Inay.

“Natuto po kami tungkol sa Espiritu Santo,” sabi ni Chim. “Parang radyo ito. Kapag sinusunod natin ang mga kautusan, maibabaling natin ang ating puso sa tamang daan para marinig Siya.”

Tumango si Inay. “Maganda ‘yan. Kaya ano ang halimbawa ng pagsunod sa mga kautusan?”

Ngumiti si Chim. “Tumulong po sa nanay!” Natawa siya. “Mahal kita, Inay.”

PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Uran Duo