2025
Ang Himala ng Biskwit
Marso 2025


“Ang Himala ng Biskwit,” Kaibigan, Marso 2025, 30–31.

Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Ang Himala ng Biskwit

“Ama sa Langit, wala po kaming pagkain para sa hapunan. Tulungan N’yo po kami.”

Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa USA.

Iginuhit na larawan ng isang pioneer na babae at isang paglalarawan ng matitigas na biskwit

Umihip nang malakas ang napakalamig na hangin, at umikot ang niyebe sa handcart. Ibinalabal nang mas mahigpit ni Jane ang kanyang manipis na kumot sa kanyang balikat. Parang manhid ang kanyang mga paa, pero patuloy siyang naglakad. Papunta sila sa Salt Lake City, Utah.

Nalaman ni Jane at ng kanyang pamilya ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa England. Nang hilingin ng propeta sa mga miyembro ng Simbahan na magpunta sa Utah, inipon ng kanyang pamilya ang lahat ng pera nila para makapaglakbay. Naglayag sila patawid ng karagatan. Ngayon ay naglalakbay sila sakay ng handcart patawid ng kapatagan. Ilang buwan na silang naglalakad, at paubos na ang pagkain nila.

Tumulo ang mga luha sa pisngi ni Jane. “Gutom na gutom na ako,” sabi niya sa kuya niyang si Thomas. “Hindi ko na yata kayang lumakad ng isa pang hakbang!”

Pumutol si Tomas ng isang pirasong hilaw na balat ng baka mula sa gulong ng cart. “Heto, nguyain mo ito,” sabi nito. “OK lang ‘yan.”

“Salamat,” bulong ni Jane habang nginunguya ang matigas na balat na parang katad.

Hindi nagtagal ay oras na para magkampo sa magdamag. Umalis ang ilan sa mga lalaki para mangaso ng buffalo. Umasa si Jane na makahuli sila. Parang walang laman ang tiyan niya. Habang naghihintay sila, nagsiksikan si Jane at ang kanyang pamilya sa paligid ng isang munting siga, pagod, gutom, at giniginaw.

“Magdasal tayo,” sabi ni Jane.

Sabay-sabay na lumuhod ang pamilya, at nagdasal si Inay. “Ama sa Langit, wala po kaming pagkain para sa hapunan. Tulungan N’yo po kami.”

Sandaling tumahimik sa pagkakaupo si Jane at ang kanyang mga kapatid. Pagkatapos ay naupo nang tuwid si Inay.

“Ano po ‘yon?” tanong ni Thomas.

“May naalala lang ako.” Nagmamadaling nagpunta si Inay sa handcart at binuksan ang baul ng pamilya. Pagkatapos ay may kinuha siyang isang maliit na kahong bakal at binuksan iyon. Sa loob ay may dalawang napakatigas na biskwit. Natira iyon nang maglayag sila sa karagatan ilang buwan na ang nakararaan.

Tuwang-tuwa si Jane. Nagkaroon nga sila ng pagkain! “Maaari nating hatiin ang mga ito sa mas maliliit na piraso para ibahagi,” sabi niya.

Pero nang subukan nila iyon, napakatigas ng biskwit at hindi ito mahati kahit man lang sa dalawa.

“Subukan natin ito,” sabi ni Inay. Inilagay niya ang mga biskwit sa Dutch oven at binuhusan ng kaunting tubig. Pagkatapos ay tinakpan niya ito at inilagay ang mabigat na palayok sa ibabaw ng mga uling.

Pioneer na pamilya na nakatipon sa paligid ng palayok na nasa siga

Muling nagdasal si Jane at ang kanyang pamilya. Naisip niya ang kuwento tungkol kay Jesucristo sa mga banal na kasulatan, nang pakainin Niya ang limang libo ng ilang tinapay at isda lamang. Alam niya na matutulungan din sila ng Ama sa Langit.

Maya-maya pa, dahan-dahang binuksan ni Inay ang palayok. Punung-puno ito ng pagkain! Maraming makakain ang buong pamilya nila.

Niyakap ni Jane nang mahigpit ang kanyang ina. “Himala po ito!”

PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Simini Blocker