2025
5 Paraan para Makayanan ang Matitinding Emosyon
Marso 2025


“5 Paraan para Makayanan ang Matitinding Emosyon,” Kaibigan, Marso 2025, 38–39.

5 Paraan para Makayanan ang Matitinding Emosyon

Mahirap ang buhay kung minsan! Ang makaramdam ng matitinding emosyon, tulad ng kalungkutan at pag-aalala, ay bahagi ng ating karanasan sa buhay sa lupa.

Sa mga banal na kasulatan, nalaman natin na nalulungkot din kung minsan maging ang Tagapagligtas (tingnan sa Juan 11:32–36). Naranasan ni Jesucristo ang lahat ng uri ng pasakit. Dahil dito, alam Niya talaga ang nararamdaman mo. Alam din Niya talaga kung paano ka tutulungan. (Tingnan sa Alma 7:11–12.)

Narito ang limang bagay na makatutulong kapag nalulungkot ka.

1

Manalangin na humihingi ng tulong sa Ama sa Langit.

Batang lalaki na nagdarasal

Kapag nanalangin ka at humingi ng tulong, magagabayan ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo (tingnan sa Alma 37:36–37). Mahal ka Nila, at nais ka Nilang suportahan!

2

Tandaan na may nagmamahal sa iyo.

Mga kamay na naka-hugis-puso

Itinuturo sa mga banal na kasulatan na “ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 18:10). Ibig sabihin, mahal at mahalaga ka sa Ama sa Langit!

3

Lumabas ka ng bahay!

Mga paang naglalakad

Nilikha ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang magandang mundong ito para sa atin. Makatutulong sa iyo ang paglalaro sa labas para lumusog at lumakas ka, at matutulungan ka rin nitong gumanda at gumaan ang iyong pakiramdam.

4

Isulat kung ano ang nadarama mo.

Journal

Ang pagsusulat ng journal ay makatutulong sa iyo na maalala ang mga aral na natututuhan mo sa buhay. Makatutulong din ito sa iyo na mas maunawaan ang iyong nararamdaman.

5

Kausapin ang isang mapagkakatiwalaang adult.

Babae at batang babae na nag-uusap sa sofa

Kapag kinausap mo ang isang tao tungkol sa nararamdaman mo, makatutulong siyang ipaalala sa iyo kung gaano ka kaespesyal. Maaari ka rin niyang tulungang malaman kung paano makuha ang suportang kailangan mo.

Kung minsan, kahit nagawa mo na ang mga bagay na ito, maaari ka pa ring malungkot. Baka kailangan mong makipag-usap sa doktor para tulungan kang gumaan ang iyong pakiramdam. At maaari ka ring humingi ng priesthood blessing. Ano’t anuman, hindi ka nag-iisa! Mahal ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Gusto ka Nilang pagpalain at tulungan.

PDF ng pahina

Mga larawang-guhit ni Stephanie Mackay