2025
Nalulungkot
Marso 2025


“Nalulungkot,” Kaibigan, Marso 2025, 36–37.

Nalulungkot

Bakit hindi ako maging masaya na gaya ng iba?

Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa USA.

Itinalukbong ni Savannah ang mga kumot sa kanyang ulo. Hindi talaga naging maganda ang araw na ito.

Sa paaralan ngayon, hindi makapagpokus si Savannah sa anumang bagay. Nakaramdam siya ng pagod, kabiguan, at lungkot. Tila may mabigat sa tiyan niya na hindi mawala-wala. Sa pagtatapos ng araw, ang gusto lang niyang gawin ay gumapang sa ilalim ng kanyang mesa at magtago.

Nitong huli, halos palaging malungkot si Savannah. Sinubukan na siyang pasayahin ng mga kaibigan niya, pero kung minsa’y ayaw nang sumama ni Savannah sa kanila. Parang lagi silang masaya. Kung minsan akala niya magiging mas masaya sila kung wala siya.

Ano ba ang problema ko? pag-iisip ni Savannah. Bakit hindi ako maging masaya na gaya ng iba?

Malamig at malungkot ang pakiramdam niya tulad ng mga ulap na kulay-abo sa labas. At ngayo’y gusto lang niyang matulog.

Narinig ni Savannah na bumukas ang pinto ng kanyang silid.

“Savannah,” sabi ni Inay, na nakaupo sa gilid ng kama, “ano’ng problema?”

Ina at batang babae na malungkot na nakaupo sa isang kama

“Wala po,” sabi ni Savannah. “Pagod lang po ako.”

“Sigurado ka ba?” tanong ni Inay. “Nag-aalala ako sa iyo.”

“OK lang po ako,” sabi ni Savannah.

“Sige.” Tumayo si Inay. “Tandaan mo lang na puwede mo akong kausapin tungkol sa kahit ano. Mahal kita.”

Nanatili sa kama si Savannah hanggang sa oras ng hapunan. Nang gabing iyon, hindi siya makatulog. Ayaw tumigil ang utak niya sa kaiisip tungkol sa lahat ng bagay.

Kinabukasan pagod pa rin ang naramdaman niya. Mahabang araw na naman iyon. Nakauwi na si Savannah mula sa paaralan at naupo sa mesa sa kusina. Bumuntong-hininga siya at tumanaw sa bintana. Umuulan na naman ng niyebe.

“Savannah?”

Lumingon si Savannah at nagulat siya nang makitang pumasok si Lola sa silid.

“Hi, Lola,” sabi ni Savannah. “Ano po’ng ginagawa n’yo rito?”

Naupo si Lola. “Pinapunta ako ng mommy mo,” sabi nito. “Nag-aalala siya sa iyo.”

“Napagod lang po talaga ako. Okay lang naman po ako,” sabi ni Savannah.

Magiliw na ngumiti si Lola. “Naikuwento ko na ba sa iyo noong lumipat kami ng bahay ni Lolo mo noong tag-init?”

“Hindi po yata,” sabi ni Savannah.

“Lagi akong malungkot,” sabi ni Lola. “Gusto kong maging masaya, pero wala lang akong pakialam sa kahit ano. Lungkot na lungkot ako.”

“Pero kasama n’yo po si Lolo at ang nanay ko.” Nagbaba ng tingin si Savannah. “Bakit po kayo malulungkot?”

“Hindi ko maintindihan ang nangyayari,” sabi ni Lola. Noon ko lang naramdaman iyon. Kalaunan ay nagpunta ako sa doktor.”

“Ano po ang nangyari?”

Niyakap siya ni Lola. “Nalaman ko na may depresyon ako.”

“Ah, nalungkot lang po kayo?” tanong ni Savannah.

“Hindi, ang depresyon ay higit pa sa pagiging malungkot,” paliwanag ni Lola. “Parang hindi mawala ang lungkot ko. Nahirapan akong gawin ang lahat ng bagay na normal kong ginagawa. At nahirapan akong makipag-ugnayan sa ibang tao, kahit sa sarili kong pamilya. Kinailangan ko talaga ng tulong.”

Tumingala si Savannah. “Anong klaseng tulong po?”

“Ipinaliwanag ng doktor kung ano ang problema, at magkasama kaming gumawa ng plano para gumanda ang pakiramdam ko,” sabi ni Lola. “Pero kung minsa’y nalulungkot pa rin ako. Nag-ukol ako ng maraming oras sa pagdarasal. Kapag malungkot ako, iniisip ko na nakaupo sa tabi ko ang Tagapagligtas. Gumanda ang pakiramdam ko sa pag-iisip ng tungkol sa Kanya.”

Tumingin si Savannah sa niyebe sa labas at gininaw. “Madalas din po akong nalulungkot. Pinipilit ko pong maging masaya, pero kung minsan po ay hindi ko talaga kaya, tapos nagagalit ako sa sarili ko dahil gano’n ang pakiramdam ko.”

“Alam ko, mahal!” Niyakap ni Lola si Savannah. “Ganyan din ang nararamdaman ko kung minsan. Pero hindi ka nag-iisa. Mahal kita, mahal ka ng mga magulang mo, at mahal ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Naiintindihan nila ang sakit na nadarama mo at hindi ka nila iiwan kailanman.”

Tama siguro si Lola, naisip ni Savannah. Hindi ako nag-iisa. Hindi na kasimbigat ng dati ang tiyan ni Savannah.

“Palagay ko po dapat kong kausapin si Inay,” sabi ni Savannah. “Gusto rin po niya akong tulungan.”

“Magandang ideya iyan.” Hinawakan ni Lola ang kamay ni Savannah.

Ngumiti si Savannah at humilig sa balikat ni Lola. Hindi na siya gaanong giniginaw at nalulungkot.

Batang babae at lola na magkayakap
PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Marina Pessarrodona