2025
Pagkanta Hanggang sa Maglaho ang mga Anino
Marso 2025


“Pagkanta Hanggang sa Maglaho ang mga Anino,” Kaibigan, Marso 2025, 16–17.

Pagkanta Hanggang sa Maglaho ang mga Anino

Bigla niyang naisip ang mga titik ng paborito niyang awitin sa Primary.

Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Mexico.

Isang batang lalaking nakaupo sa kama na mukhang takot sa hugis ng halimaw na nasa itaas ng ulo niya

“Oras na para matulog,” nakangiting sabi ni Mamá.

Pumasok si Logan sa kanyang silid. Nagdasal siya at humiga na sa kama. Pagkatapos ay binasahan siya ni Mamá ng kuwento. Dahan-dahan siyang pumikit. Di-nagtagal ay nakatulog siya.

Pero nakakatakot ang panaginip ni Logan. Nag-iisa raw siya sa isang madilim na lugar. Nakakita siya ng isang malaking halimaw na may mga tulis sa katawan at malalaking ngipin. Inangilan siya nito. Pagkatapos ay nagsimula itong tumakbo papunta sa kanya!

Tinangka ni Logan na tumakbo palayo. Pero nadulas siya at natumba! Ang halimaw ay papalapit na at palaki nang palaki hanggang—

Nagising si Logan at naupo sa kama. Pinunasan niya ang luha sa kanyang mga mata at nakita niya na madilim pa rin sa labas.

Gusto niyang kausapin ang kanyang mga magulang tungkol sa panaginip. Pero ayaw niyang umalis sa kama niya. Pakiramdam niya ay may halimaw na nakatago sa kung saan dahil madilim. Bawat anino ay mukhang nakakatakot. May asong tumatahol sa labas na parang halimaw na umaangil.

Hinila ni Logan ang kumot hanggang sa kanyang ilong. Takot na takot siyang gumalaw.

Gusto niyang makatulog muli. Pero sa tuwing pipikit siya, nakikita niya ang galit na mukha at matatalim na ngipin ng halimaw. Hindi niya mapigilang tumingin sa nakakatakot na mga anino.

Pagkatapos ay nakita niya ang isang larawan sa ibabaw ng mesa sa tabi ng kama niya. Ito ay larawan niya, ng dalawang kapatid niyang lalaki, ni Papá, at ni Mamá sa labas ng templo sa Monterrey, Mexico. Mukhang masayang-masaya sila.

Bigla niyang naisip ang mga titik ng paborito niyang awitin sa Primary. “Templo’y ibig makita,” nagsimulang kumanta si Logan nang mahina. “Doon ay pupunta. Espiritu’y daramhin, Alay ko’y dalangin.”*

Habang kumakanta siya, naisip ni Logan ang araw na iyon sa templo kasama ang kanyang pamilya. Napakapayapa niya roon. Dahil sa templo, maaari niyang makapiling ang kanyang pamilya magpakailanman.

Batang lalaki na nakaupo sa kama at kumakanta na may larawan ng templo sa ibabaw ng mesa sa tabi niya

Hindi na marinig ni Logan ang pagtahol ng aso sa pagkanta niya. Pumikit siya at patuloy na kumanta. “Bilang anak N’ya’y aking alam, Pamilya’y walang hanggan.” Nakaramdam siya ng kapayapaan sa kanyang puso kaya napangiti siya. Alam niya na walang halimaw.

Madilim at nakakatakot ang silid. Pero ngayon ay isa na itong tahimik at ligtas na lugar. Sumandal si Logan sa unan niya at payapang nakatulog.

Nang magising siya, maaraw na sa labas. Bumangon siya at tumingin sa sikat ng araw na tumatama sa kanyang larawan ng templo. Hinimig niya ang paborito niyang kanta habang naghahanda siya para magsimba.

Habang papunta sa simbahan, ikinuwento niya sa kanyang pamilya ang masamang panaginip niya at ang awiting kinanta niya. Nakinig siya sa mga mensahe at kumanta ng mga himno sa chapel. Pagkatapos ay oras na para magpunta sa Primary.

Gustung-gusto ni Logan na makinig sa piyano. At alam na niya ngayon na sapat ang kapangyarihan ng ilang kanta para maitaboy kahit ang nakakatakot na mga halimaw.

“Welcome sa oras ng pagkanta,” sabi ng Primary leader. “Anong kanta ang dapat nating unahin?”

“Alam ko po!” sabi ni Logan, habang nakataas ang kamay. “Kantahin po natin ang ‘Templo’y Ibig Makita.’”

PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Carolina Farías

  • “Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99.