“Paghahanap sa mga Unggoy,” Kaibigan, Marso 2025, 4–5.
Paghahanap sa mga Unggoy
“Tulad lang ito ng kung paano ko maririnig ang Espiritu Santo kapag nakikinig ako.”
Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Costa Rica.
“Wow!” sabi ni Ethan. “Nakita mo ba ang isang ‘yon?”
“Oo, tingnan mo ang cute ng maliit na buntot niya!” sabi ni Lily.
Tumingala si Boston, pero mga anino lang ang nakita niya.
“Tatlong unggoy na ang nakita natin ngayon!” sabi ni Ethan.
Pero wala pang nakita si Boston! Pumunta noon ang pamilya niya sa isang rainforest o kagubatan para makakita ng mga unggoy roon. Pero napakalayo ng mga unggoy para makita ni Boston.
Si Boston ay bulag. Ang nakikita lang niya ay mga bagay na napakalapit sa kanya. Karaniwan, wala siyang pakialam kung bulag siya. Marami pa rin siyang nagagawang magagandang bagay. Nakakabasa siya sa Braille gamit ang kanyang mga daliri at nakakalakad sa dilim gamit ang kanyang tungkod. At nahahanap niya ang mga tao sa pakikinig sa boses nila.
Pero kung minsan, ayaw ni Boston na maging bulag. Tulad ngayon.
Umupo si Boston sa lupa at bumuntong-hininga. Hindi tama ito! naisip niya.
Makalipas ang ilang minuto, nagkaroon siya ng ideya. Ama sa Langit, tulungan po sana Ninyo na makalapit ang isang unggoy nang sapat para makita ko, pagdarasal ni Boston sa kanyang isipan.
Wala pang nakikitang unggoy si Boston. Pagkatapos ay may narinig siyang ingay mula sa malayo.
“Narinig n’yo ba ‘yon?” tanong ni Boston. “Siguro unggoy ‘yon!”
“Wala akong narinig,” sabi ni Ethan.
“Ako rin,” sabi ni Itay. “Ang talas ng pandinig mo!”
Narinig ni Boston na tumatakbo ang isang unggoy sa mga palumpong sa tabi ng daan. Itinuro niya kung saan niya narinig ang tunog. “Doon!”
Pagkatapos ay nakarinig siya ng isa pa, at isa pa. Kung minsa’y nakikita ng pamilya niya ang mga unggoy sa sandaling ituro niya ang mga iyon. Pero walang isa man sa mga unggoy ang nakalapit nang sapat para makita niya iyon.
Pagkatapos ay oras na para umuwi.
“Pasensya na at wala kang nakitang unggoy,” sabi ni Inay habang naglalakad sila papunta sa kotse.
Nagkibit-balikat si Boston. “OK lang po. Gusto kong makakita ng isa, pero sa halip ay marami akong narinig sa kanila.” Pagkatapos ay naisip niya ang kanyang panalangin. “Parang naaalala ko ang Espiritu Santo.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ni Inay.
“Nang tumigil po ako para makinig, natanto ko na nasa paligid ko silang lahat. Naririnig ko sila kahit hindi ko sila nakikita. Katulad lang iyan ng kung paano ko naririnig ang Espiritu Santo kapag nakikinig ako.”
“Magandang aral iyan,” sabi ni Inay.
May narinig si Boston sa mga palumpong sa tabi niya. Pagkatapos ay may tumakbo papunta sa daan—sa harapan niya mismo! Mamula-mula ang buhok nito at mahaba ang buntot. Tumigil ito at tumingin nang diretso sa kanya. Pagkatapos ay tumakbo ulit ito sa mga puno.
Isang unggoy! Nakakita rin siya ng isa sa wakas!
Ngumiti si Boston. Mahirap maging bulag kung minsan. Pero ngayon, nakatulong ito para matuto siya tungkol sa Espiritu Santo. At ang galing niyon.
Mga larawang-guhit ni Alyssa Gonzalez