2025
Ang Matapang na si Anika
Marso 2025


“Ang Matapang na si Anika,” Kaibigan, Marso 2025, 44–45.

Ang Matapang na si Anika

Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa USA.

Babaeng nakaluhod sa harap ng munting batang babae

“Handa ka na ba?” tanong ni Mami.

Tumango si Anika at niyakap ang kanyang teddy bear. Dadalhin niya iyon sa simbahan. Inaasahan niya na palalakasin nito ang kanyang loob.

May bahaging sasabihin si Anika sa programa ng Primary ngayon. Pero baguhan siya sa bansang ito. Hindi siya gaanong marunong ng Ingles. Sa halip ay sasabihin niya iyon sa wikang Espanyol. May makaintindi kaya sa kanya?

Babaeng yakap ang munting batang babae

Niyakap siya ni Mami. “Alam kong kinakabahan ka. Pero tandaan mo, sasamahan ka ng Espiritu Santo! Hindi ka nag-iisa.”

Medyo gumanda ang pakiramdam ni Anika dahil doon. Nginitian niya ang kanyang teddy bear. Tatlo pala kami, naisip niya. Ako, ang teddy bear ko, at ang Espiritu Santo!

Mga batang nakaupo sa pulpito

Sa programa ng Primary, nagsalita ang klase ni Anika tungkol sa natutuhan nila noong taon na iyon. Isa-isa silang tumayo sa harapan. Hindi nagtagal ay si Anika na ang magsasalita.

Niyakap niya ang teddy bear niya. Maaari siyang maging matapang!

Munting batang babae na nakatayo sa pulpito

“Pinag-aaralan ng pamilya ko ang mga banal na kasulatan kasama ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin gabi-gabi,” sabi ni Anika sa wikang Espanyol. Huminga siya nang malalim. “Nalaman namin kung paano pinatawad ni Joseph Smith ang mga taong nanakit sa kanya. Mapapatawad ko rin ang iba. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Bumalik si Anika sa kanyang upuan. Ngumiti ang titser niya sa kanya at sa kanyang teddy bear. “Magaling,” bulong nito. “Pareho kayong napakatapang!”

Sumigla ang pakiramdam ni Anika. Naging matapang siya! At alam niyang kasama niya ang Espiritu Santo.

Primary teacher na kausap ang munting batang babae
PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Katie Rewse