“Ang Awitin ni Sundae,” Kaibigan, Pebrero 2025, 4–5.
Madaling Mambabasa
Ang Awitin ni Sundae
May ideya si Sundae! “Gusto mo bang pumunta sa binyag ko?”
Isang tunay na kuwento mula sa Pilipinas.
Buong araw naglaro si Sundae at ang kaibigan niyang si Amy. Nagpraktis sila ng mga cartwheel sa labas at naglaro ng mga stuffed toy. Masaya ito, pero kailangan nang umuwi ni Sundae.
“Pwede ka bang makipaglaro uli bukas?” tanong ni Amy.
Hindi alam ni Sundae kung ano ang sasabihin. Bukas ay magpapabinyag na siya! Hindi miyembro ng Simbahan si Amy. Paano sasabihin ni Sundae sa kanya ang tungkol sa binyag?
Pero kaibigan ni Sundae si Amy. Siguro ay OK lang iyon.
“Hindi ako makakapaglaro bukas dahil bibinyagan ako,” sabi ni Sundae.
“Ano ang ibig sabihin niyan?” tanong ni Amy.
“Ito ay isang bagay na ginagawa namin sa simbahan,” sabi ni Sundae. “Si Jesucristo ay nabinyagan, at gusto kong mabinyagan para makasunod ako sa Kanya.”
Pagkatapos ay nagkaroon ng ideya si Sundae! “Gusto mo bang sumama? Kakanta rin ako ng isang awitin.”
Ngumiti si Amy. “Sige ba, gusto ko!”
Kinabukasan, minasdan ni Sundae ang mga taong dumarating para dumalo sa kanyang binyag. Pagkatapos ay nakita niya si Amy! Kumaway si Amy sa kanya. Ngumiti si Sundae at kumaway pabalik.
Hindi nagtagal ay oras na para magsimula. Nagbigay ng maikling mensahe si Inay. Sinabi niya na kapag nabinyagan si Sundae, mangangako siyang susundin si Jesucristo at susundin ang mga kautusan. Pagkatapos ay makukumpirma siya. Ibig sabihin nito ay tatanggapin niya ang kaloob na Espiritu Santo.
“Nadarama nating lahat ang Espiritu Santo,” sabi ni Inay. “Pero kapag nakumpirma na tayo, ang Espiritu Santo ay makakasama natin palagi.”
Pagkatapos ay oras na para sa awitin ni Sundae. Naglakad siya papunta sa harap ng silid at huminga nang malalim. Pagkatapos ay sinimulan niyang kantahin ang “Sa Aking Pagkabinyag.”
Buhay ko sana’y tulad ng mundong nalinisan.
Magpapakabait upang Diyos ay makasama.
Nang matapos siya, sobrang saya ni Sundae. Alam niya na ang nadarama niya ay ang Espiritu Santo. Nakita niya si Amy na naluluhang nakangiti.
Sa palagay ko ay nadarama rin ni Amy ang Espiritu Santo, naisip niya.
Matapos mabinyagan at makumpirma ni Sundae, natagpuan niya si Amy.
“Salamat sa pag-imbita sa akin,” sabi ni Amy. “Ang ganda talaga ng pakiramdam ko. Masaya ako para sa iyo.”
Ngumiti sa kanya si Sundae. “Salamat sa pagiging kaibigan ko,” sabi nito. Masaya siya na ngayon ay mayroon na siyang dalawang matalik na kaibigan—sina Amy at ang Espiritu Santo.
Mga paglalarawan ni Nathaniel Eckstrom