“Natanggap ni Joseph Smith ang mga Laminang Ginto,” Kaibigan, Pebrero 2025, 26–28.
Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Natanggap ni Joseph Smith ang mga Laminang Ginto
Mababasa mo ang kuwentong ito sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:28–60.
Tatlong taon matapos ang Unang Pangitain, nalungkot si Joseph Smith dahil sa ilang pagkakamaling nagawa niya. Ipinagdasal niya ito sa Ama sa Langit.
Habang nagdarasal si Joseph, napuno ng liwanag ang silid. Nakita niya ang isang anghel na nakatayo sa hangin. Ang pangalan ng anghel ay Moroni.
Sinabi ni Moroni na may aklat na gawa sa mga pahinang ginto, o mga lamina. Ibinaon ito sa isang burol malapit sa tahanan ni Joseph. Ang aklat ay tungkol sa mga taong nanirahan sa Amerika noong unang panahon. Sinabi ni Moroni na tutulungan ng Diyos si Joseph na isalin ang aklat.
Pumunta si Joseph sa burol at natagpuan ang mga lamina sa ilalim ng mabigat na bato. Dumating si Moroni at sinabing hindi pa handa si Joseph na kunin ang mga ito.
Nang lumaki na si Joseph, sinalubong siya ni Moroni sa burol at ibinigay sa kanya ang mga lamina. Sinabi ni Moroni kay Joseph na panatilihing ligtas ang mga ito.
Sinimulang isalin ni Joseph ang mga lamina sa wikang Ingles. Gumamit siya ng mga espesyal na kasangkapan mula sa Diyos para matulungan siya. Inilathala ang aklat noong 1830 bilang Aklat ni Mormon. Itinuturo nito ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.