“Paglakad Papunta sa Simbahan,” Kaibigan, Pebrero 2025, 16–18.
Paglakad Papunta sa Simbahan
Gustong-gusto ni Kupa ang mga araw ng Linggo.
Isang tunay na kuwento mula sa Zimbabwe.
“Momma, gising na po,” bulong ni Kupa.
“Hindi pa sumisikat ang araw.” Inaantok na sinabi ni Momma. “Hindi ka ba pwedeng matulog pa?”
“Masyado po akong excited” sabi ni Kupa. “Linggo na po, at maaari po tayong magsimba!”
“OK. Panalo ka na,” sabi ni Momma. “Pero kakailanganin ko ang tulong mo para maihanda ang mga kapatid mo.”
Gusto ni Kupa na tulungan si Momma. Nagsimula siya sa pagpapakulo ng cornmeal para makapagluto ng sadza para sa kanyang mga mas batang kapatid na sina Agnes at Sheila. Pagkatapos nilang kumain, tumulong si Kupa sa pagliligpit.
Isinuot ni Kupa ang paborito niyang damit at pumili ng damit para sa kanyang mga kapatid. Puno ng mga hagikgik ang silid habang tinutulungan niya silang magbihis. Sabik na sabik siya!
“Mahusay kang tumulong, Kupa,” sabi ni Momma.
“Salamat po!” sabi ni Kupa.
Sa paglabas nila ng pinto, itinali ni Momma si Sheila sa likod niya gamit ang balot na tela. “Masaya ako at malaki na kayo para maglakad,” sabi niya kina Kupa at Agnes.
Hinawakan ni Momma ang kamay ni Kupa, at nagsimula na silang maglakad sa malikabok na daan. Sa malayo, nakikita ni Kupa ang templong itinatayo sa Harare. “Gustung-gusto ko pong makita ang templo,” sabi ni Kupa.
“Ako rin,” sabi ni Momma. “Mapalad tayong manirahan sa lugar kung saan nakikita nating itinatayo ito.”
Dumaan sila sa mas maikling daan sa gitna ng mga taniman ng mais. Minsan, tumitigil sila para magpahinga at hinahayaan si Sheila na kumawag-kawag at mag-unat. Nag-usap sila, umawit ng mga kanta, at nakinig sa mga ibon. Matapos ang paglalakad ng isa’t kalahating oras, tuwang-tuwa si Kupa nang makita niya ang simbahan.
Binasa ni Kupa ang karatulang: “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”
“Nakarating din tayo,” sabi ni Momma. Inalis niya ang balot kay Sheila.
“At maaga na naman po tayo!” sabik na sinabi ni Kupa.
Hindi nagtagal ay masayang binabati nina Kupa at Momma ang iba pang pumapasok sa gusali. Gusto ni Kupa na makasama ang mga tao sa simbahan. Nadama niyang mahal siya roon.
Naghanap si Kupa at ang kanyang pamilya ng mauupuan. Masarap sa pakiramdam ang ipahinga ang kanyang mga binti. Nang tumanggap siya ng sakramento, naisip niya si Jesucristo. Pagkatapos ay nakinig siyang mabuti habang ipinapaliwanag ng bishop na Linggo ng pag-aayuno noon at inanyayahan ang mga tao na magbahagi ng kanilang patotoo.
Nagmasid at nakinig si Kupa habang pumupunta ang iba sa harap ng kapilya upang ibahagi ang kanilang pinaniniwalaan. Gusto niyang malaman nilang lahat na may patotoo rin siya. Lumakad si Kupa papunta sa harapan ng silid. Medyo kinakabahan siya, pero alam niya ang nais niyang sabihin.
Huminga siya nang malalim, tumayo nang tuwid, at sinabing, “Gusto kong makita ang templo. Alam ko pong ito ay isang espesyal na lugar upang malaman ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit. Ang ating buhay ay espesyal na regalo mula sa Kanya. Alam ko na ang mga banal na kasulatan ay totoo. Alam kong mahal ako ng Ama sa Langit at ni Jesus. Sinisikap kong maging mabait at matulunging gaya ni Jesus. Alam ko na ang Simbahan ay totoo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”
Tumingin si Kupa sa mga tao sa loob ng silid. Nakangiti sila sa kanya. Malaki ang ngiti ni Kupa at naglakad pabalik sa kanyang kinauupuan. Niyakap siya ni Momma pagkaupo niya. Natutuwa si Kupa na nagkaroon siya ng lakas-ng-loob na ibahagi ang kanyang patotoo. Gustong-gusto ni Kupa ang mga araw ng Linggo.
Mga larawang guhit ni Fotini Tikkou