2025
Ang Binyag ni Inay
Pebrero 2025


“Ang Binyag ni Inay,” Kaibigan, Pebrero 2025, 30–31.

Ang Binyag ni Inay

Masaya si Scott na nagawa nilang magkasamang ibahagi ang espesyal na araw na ito.

Isang tunay na kuwento mula sa USA.

Umikot ang tubig sa mga binti ni Scott habang lumulusong siya sa bautismuhan. Ang kuya niyang si Sandy ay nakatayo na sa tubig. Ngumiti ito at hinawakan ang kamay ni Scott.

Ngumiti rin si Scott sa kanya at tumingin sa mga taong nanonood. Naroroon si Itay. Mukhang masayang-masaya siya! At naroroon si Inay. Kumaway ito sa kanya. Nakasuot din ito ng puting damit na pangbinyag. Ang isa pang kapatid na lalaki ni Scott na si Gerrie ang magbibinyag sa kanya.

Nang sinabi ni Inay kay Scott na magpapabinyag siya sa kaparehong araw, tuwang-tuwa siya. Hindi lumaki si Inay na nagsisimba na tulad ni Scott. Nagsimula na siyang magsimba matapos niyang makilala si Itay.

Noon pa man ay alam ni Scott na mahal ni Inay si Jesucristo, at halos linggu-linggo itong sumasama sa kanila sa simbahan. Madalas ding pumunta sa bahay nila ang mga misyonero. Pero ilang taon ang lumipas bago nadama ni Inay na handa na siyang mabinyagan. Napakasaya niya dahil magagawa nilang magkasamang ibahagi ang espesyal na araw na ito!

Si Inay ang nagturo sa kanya tungkol sa binyag at kumpirmasyon noong tumuntong siya ng walong taong gulang.

“Gagawa ka ng napakahalagang pangako sa Ama sa Langit na laging susunod sa Kanya at kay Jesucristo,” sabi niya. “Bilang kapalit, laging sasaiyo ang Espiritu Santo.”

Batang lalaki at babae na nakatayo suot ang mga puting jumper na para sa binyag

At ngayon ay oras na para mabinyagan! Pinisil ni Scott ang kanyang ilong nang inilubog na siya ni Sandy sa tubig. Nang umahon si Scott, kumurap siya para alisin ang tubig mula sa kanyang mga mata at ngumiti. Napakalinis ng pakiramdam niya! May mainit na damdamin sa kanyang puso nang umahon siya mula sa bautismuhan.

Pagkatapos niyang magpalit ng tuyong damit, umupo si Scott at pinanood si Gerrie na binyagan si Inay. Mukhang napakasaya niya nang lumusong siya sa tubig at umahon palabas. Tumingin siya agad kay Scott at binigyan ito ng isang malaking ngiti.

Kinabukasan sa simbahan, kapwa sila nakumpirma bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pumikit si Scott nang ipatong ni Itay at ng iba pang maytaglay ng priesthood ang kanilang mga kamay sa kanyang ulo. Pagkatapos ay iginawad nila sa kanya ang kaloob na Espiritu Santo. Pagkatapos ay may pagpipitagan siyang nakinig habang kinukumpirma si Inay. Nakaramdam siya ng init, ligaya, at kaligtasan. Alam ni Scott na ang Espiritu Santo ang nadarama niya.

Kasunod nito ay muli silang umupo upang makinig sa mga nagsasalita. Pagkatapos ay nakarinig ng pagsinghot si Scott. Laking gulat niya nang tumingin at nakitang may luhang dumadaloy sa pisngi ni Inay.

Napakunot ang noo ni Scott. “OK lang po ba kayo Inay?” bulong niya. “Bakit po kayo malungkot?”

Pinunasan ni Inay ang pisngi nito at ngumiti. “Hindi ako malungkot,” pabulong nitong sagot. Inakbayan nito si Scott at niyakap siya nang mahigpit. “Minsan ay umiiyak ang mga tao kapag masaya sila. At sobrang saya ko ngayon.”

Niyakap din ni Scott si Inay. “Ako rin po.”

Batang lalaki at babae na nakaupo sa mga bangko ng simbahan habang pinupunasan ng babae ang mga luha mula sa kanyang mga mata
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Raquel Martín