2025
Ang Sagot kay Cole
Pebrero 2025


“Ang Sagot kay Cole,” Kaibigan, Pebrero 2025, 36–37.

Ang Sagot kay Cole

Mahirap magsimba kung wala si Itay.

Isang tunay na kuwento mula sa USA.

Batang lalaking nakatingin sa salamin sa banyo sa isang repleksyon ng alaala ng kanyang sarili at ng kanyang ama na suot ang puting jumpsuit na pambinyag

“Ako ay anak ng Diyos, Dito’y isinilang; Handog sa ‘kin ay tahana’t mabuting magulang. …”

Napuno ng luha ang mga mata ni Cole, at tumigil siya sa pagkanta. Tinanong niya sa kanyang guro sa Primary kung maaari siyang pumunta sa banyo.

Sa loob ng banyo, nakatitig si Cole sa salamin. Nakatayo siya dito mismo kasama ang kanyang itay isang taon na ang nakalipas, bago mismo ang binyag ni Cole. Kapwa sila nakasuot ng puti.

“Malapit ka nang gumawa ng napakahalagang tipan,” sabi noon ni Itay. “Ngayon ay mangangako ka na lagi mong susundin si Jesucristo at sisikaping tularan Siya.”

Labis na kagalakan at magaan na pakiramdam ang nadama ni Cole nang umahon siya sa tubig. Alam niyang tama na pinili niyang magpabinyag.

Pero ngayon, iba na ang lahat. Hindi niya kasama si Itay ngayong araw. Hindi na ito nagsisimba.

Napasinghap si Cole at pinunasan ang kanyang mga mata. Noong una, kapag hindi nakapagsimba si Itay, akala ni Cole ay maysakit ito. O baka naman kailangan nitong magtrabaho. Pagkatapos ay unti-unti nang dumalang ang pagpunta ni Itay. Hindi nagtagal, hindi na ito sumasama sa kanila.

Naalala ni Cole ang araw na sa wakas ay nakaramdam siya ng lakas-ng-loob na tanungin ang kanyang ina tungkol kay Itay. Napabuntong hininga si Inay at sinabing, “Hindi na sigurado si Itay na totoo nga ang Simbahan. Sinusubukan niyang magpasiya kung ano ang kanyang pinaniniwalaan.” Mukhang malungkot si Inay, at alam ni Cole na mahirap din ito para sa kanya.

Napuno ng mga nakakatakot na tanong ang isipan ni Cole. Paano nawawala ng isang tao ang patotoo niya? Mawawala ba kay Cole ang sa kanya? Ano ang kahulugan ng lahat ng ito para sa kanilang pamilya?

Niyakap ni Cole si Inay. “Ano po ang puwede nating gawin? Paano po natin matutulungan si Itay na mahanap ang kanyang patotoo?”

“Tanging ang Ama sa Langit ang makatutulong kay Itay na muling mahanap ang kanyang patotoo,” sabi ni Inay. “Pero maaari tayong manalangin para sa kanya.”

Simula noon, araw-araw na ipinagdarasal ni Cole si Itay. Pero lumipas ang ilang buwan, at walang nagbago. Natakot si Cole. Lagi siyang nag-aalala. Mahirap magsimba kung wala si Itay. Mahirap paniwalaan na ang kanyang pamilya ay magkakasama-sama pa magpakailanman.

Pinunasan ni Cole ang natitirang luha niya at muling umusal ng tahimik na dasal. Pagkatapos ay naglakad siya pabalik sa Primary. Nang pumasok siya, ipinapaalala ni Sister Snow sa lahat ang tungkol sa pangkalahatang kumperensya sa susunod na katapusan ng linggo.

Nang sumunod na Linggo, naupo si Cole kasama si Inay at nanood ng kumperensya. Nasa itaas si Itay at nanonood ng basketball. Nakinig si Cole sa propeta na nagsasalita tungkol sa buhay nito noong bata pa siya. Naggulat siya nang malaman na hindi rin nagsisimba ang mga magulang ni Pangulong Nelson noong bata pa ito.

Batang lalaki at ina na magkatabing nakaupo sa sofa habang nanonood ng TV

Pagkatapos ay ikinuwento ni Pangulong Nelson kung paano nito hinangad na mabuklod sa mga magulang nito sa templo. Nabigla si Cole, nakikinig nang mabuti. Kinailangang maghintay ni Pangulong Nelson ng maraming taon, kahit na lampas na ng 80 anyos ang kanyang mga magulang! Ngunit sa wakas ay nabuklod rin sila bilang walang-hanggang pamilya.

Nadama ni Cole na ibinulong sa kanya ng Espiritu Santo na magiging OK din ang sitwasyon ni Itay. Kailangan lang na pasensyosong maghintay si Cole. Pero tutulungan ng Ama sa Langit ang kanyang pamilya, tulad ng pagtulong Niya sa pamilya ni Pangulong Nelson.

Kahit na ang sagot ay hindi ang gusto ni Cole, alam niya na dininig at sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin. Mahal ng Ama sa Langit ang kanyang ama, at mahal din Niya si Cole.

PDF ng Kuwento

Mga paglalarawan ni Brenna Vaughan