“Isa Nang Misyonero,” Kaibigan, Pebrero 2025, 44–45.
Isa Nang Misyonero
Isang tunay na kuwento mula sa USA.
Tinulungan ni Thad si Inay na maghain para sa hapunan. “Maaari ko po bang isuot ang damit pansimba ngayong gabi?” tanong ni Thad. “Dahil ba darating ang mga misyonero para maghapunan sa atin?”
Ngumiti si Inay. “Palagay ko magandang ideya iyan.”
Bago maghapunan, umakyat si Thad para isuot ang kanyang puting polo at kurbata.
“Bakit ka nakakurbata ngayon?” tanong ng ate niyang si Mindy. “Hindi naman Linggo.”
“Papunta ang mga misyonero,” sabi niya. “Gusto kong maging katulad nila!”
Tumunog ang doorbell, at tumakbo pababa sina Thad at Mindy. Nakita nila ang dalawang misyonerong nakasuot ng puting polo na pumasok sa loob. Naupo sila, binasbasan ang pagkain, at nagsimulang kumain. Maingat si Thad na hindi makatapon ng spaghetti sa kanyang malinis na puting polo.
“Gusto ko ang kurbata mo,” sabi ni Elder Cowley. “Para kang missionary.”
Ngumiti nang malaki si Thad. “Magmimisyon po ako paglaki ko.”
“Magandang mithiin iyan!” sabi ni Elder Wakefield. “Maaari ka pa ngang magsimulang maging misyonero ngayon.”
Umupo si Thad na mas tuwid sa kanyang upuan. “Paano po?”
“Maaari kang maging isang mabuting halimbawa sa iba. Maaari mong paglingkuran ang iyong pamilya. At maaari kang maging isang mabuting kaibigan.”
Pinag-isipan iyon ni Thad. “Kaya ko pong gawin iyon.”
Kinabukasan, nagsikap pang lalo si Thad para maging mabait kay Mindy. Tinulungan niya si Inay sa mga gawaing-bahay. Ibinahiram niya ang kanyang mga laruan nang dumalaw ang isang kaibigan para makipaglaro.
Pagkatapos ng maghapon, niyakap siya ni Inay. “Magiging mahusay kang misyonero balang-araw.”
Malaki ang ngiti ni Thad. “Isa na nga po akong misyonero!”
Mga larawang-guhit ni Melissa Manwill Kashiwagi