Mensahe Ng Area
Festival 2025: Isang Pandiriwang ng Pananampalataya at Musika
“If you believe, you can move the highest mountains! Ang kinanta ng humigit- kumulang sa 2,500 na mga kabataan at young single adult nang pasimulan ni Xia Vigor ang Festival 2025: Isang Konsyerto ng mga Kabataan. Nang simulan ni Xia, isang popular na TV at movie teen actress, ang pagsayaw kasama ang kanyang mga backup performer, nagsigawan at nagpalakpakan nang malakas ang mga manonood.
“Narito tayong lahat dahil mahal natin ang Panginoon, mahal natin ang musika, at gusto nating ipahayag ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng musika!” Iyan ang sinabi ni Xia matapos batiin ang lahat sa kauna- unahang Strive to Be concert sa Pilipinas. Ginanap nong ika-2 ng Agosto 2025, sa Waterfront Insular Hotel Pavilion sa Davao City, ang konsyerto ay naka-live stream, na may tinatayang mahigit 15,000 kabataang Banal sa mga Huling Araw na nanonood sa kani-kanilang mga meetinghouse at mga tahanan sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Matapos ang pambungad na awitin, hinikayat ni Xia ang mga manonood na patuloy na kumanta at sumayaw bilang pagdiriwang ng pananampalataya kay Jesucristo. Pagkatapos ay ipinakilala niya sina Daniel Costales at Brandon Kyle Sorilla, na kumanta ng “Stronger” kasama ang mga mananayaw na kabataan at YSA. Sinundan ito ni Ysabelle Cuevas ng upbeat version ng kanyang orihinal na awiting “Beloved,” at maya-maya pa ay sinamahan na siya nina Xia, Daniel, at Brandon para tapusin ang segment.
Unti-unting pinatahimik ni Brandon ang paligid sa pagkanta niya ng “I Need Your Strength, na sinundan ng bilingual na rendisyon ni Noreen Nivera ng “Look Unto Christ.” Itinanghal din sa interfaith segment ang kampeon ng The Voice Kids 2024 na si Nevin Adam Garceniego at ang grupong Songspell na nakabase sa Davao, na madamdaming umawit ng “Fear Not.” Bumalik si Daniel para kantahin ang “His Work,” na nag-aanyaya sa kabataan na sumama sa batalyon ng Panginoon, samantalang ang “Never That Bad” na kinanta ni Sariah Gayola ay nagsilbing awit ng kapanatagan sa bawat isa. Magkasamang kinanta nina Brandon at Noreen ang “I Can Do All Things,” kasunod ng pagkanta ni Ysabelle ng “Disciple of Christ.”
Ang pinakatampok sa konsyerto ay ang Strive to Be Theme Song Medley—“I Will Go and Do,” “A Great Work,” “Trust in the Lord,” at “Peace in Christ”—na kinanta ng buong grupo. Para sa finale, pinangunahan ng K-pop idol na si Chanty Videla ang pagkanta ng manonood ng “Carry Me,” kasama ang 16 na mananayaw at 10 backup singer.
Nagkasakit man nang ilang araw bago ang konsiyerto, nakapagbigay si Noreen ng madamdaming pag-awit. “Inatake ako ng hika kaya nag-alala ako na baka hindi ako makakanta,” sabi niya. “Pero nagdasal at nagtiwala ako sa Panginoon. Ang tanging inaasam ko lang ay madama ng manonood ang Espiritu. Nagpapasalamat ako na nasagot ang panalangin ko—napakaganda ng kinalabasan ng konsyerto, tulad ng Kanyang pinlano.”
Naalala ni Brandon ang isang nakakaantig na sandali sa technical rehearsal. “Isang gabi bago ang konsiyerto, habang inaawit ang FSY medley, biglang namatay lahat ang ilaw. Pero tumutugtog pa rin ang musika at gumagana ang mga mikropono, kaya itinuloy lang namin ang pagkanta. Binuksan ng manonood ang mga ilaw ng kanilang telepono at isinabay ito sa musika. Kamangha-mangha ito. Naluha ako nang makita kong sinasabayan kami ng mga manonood sa pagkanta. Ipinaalala nito sa amin na sa panahon ng kadiliman, magtiwala lamang sa Panginoon—aakayin ka Niya sa liwanag.” Bumukas muli ang mga ilaw kasabay halos ng pagkanta nila ng huling linya: “We will trust in the Lord.”
Nang tanungin kung ano ang natutuhan niya sa kaganapan, sinabi ng 17-taong -gulang na mang-aawit na si Lian Villejo mula sa Buhangin Stake, “Kahit gaano kahirap ang sitwasyon, nagiging magaan basta’t kasama mo ang Panginoon.”
Para kay Sariah, ang pagiging kinatawan ng Davao at pagtatanghal kasama ng mga artist na taga-Manila ay pambihirang pagkakataon. “Napakaganda ng mga boses nila, at napakabait nila. Nadama ko ang Espiritu ng Panginoon sa pamamagitan ng kanilang mga talento.” Pinagnilayan ni Danielle Talaboc, 18, mula sa Mati Stake, ang pagkakaisang nadama niya. “Natanto ko na sa mga mata ng Diyos, pantay-pantay tayong lahat. Sa Kanyang gawain, walang pagtatangi—bawat isa ay may tungkulin sa Kanyang banal na layunin.”
Pinasalamatan nina Xia at Nevin, na parehong aktibo sa showbiz, ang mainit na pagtanggap at mga bagong kaibigan. Si Chanty, na pinalampas ang malaking kaganapan sa kanyang home network para makasama sa konsiyerto ay nagsabi, “Maraming beses na akong nagtanghal sa entablado, pero personal ang dating sa akin nito. Pinupuri natin ang Diyos at inaanyayahan ang Espiritu. Sa medley, parang nakikipag-usap sa akin ang Diyos sa pamamagitan ng mga titik ng awitin.”
Para sa mananayaw at choreographer ng Panabo Stake na si Eumeir—na ngayon ay Elder Mitaran na naglilingkod sa San Pablo Mission—tamang-tama ang konsiyerto bilang sendoff bago siya pumasok sa Missionary Training Center isang linggo kalaunan.
Parang missionary ang pakiramdam ng bawat participant, na ginagamit ang kanilang mga talento sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Ayon kay Cecille Serna, 19, mula sa Davao Stake, ang mga kaibigan niya na mula sa iba’t ibang relihiyon ay humanga sa Simbahan at sa mga makabuluhang aktibidad nito. “Napakagandang oportunidad ito para makapagbahagi pa ng tungkol sa Simbahan. Inimbita ko pa sila na bisitahin ang Davao Temple sa open house nito.”
Panoorin ang “Festival 2025: A Youth Concert” dito:
Facebook | https://www.facebook.com/ share/1C3uAe7Sgh/
YouTube | https://www.youtube.com/ watch?v=wGRsNHy2heY