2025
Binigyan Ako ng Diyos ng Kapayapaan
Setyembre 2025


“Binigyan Ako ng Diyos ng Kapayapaan,” Liahona, Set. 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Binigyan Ako ng Diyos ng Kapayapaan

Ang tinamasa kong koneksyon sa Ama sa Langit ay nakatulong sa akin sa isang napakahirap na panahon.

Olivia Araya

Habang naghahanda kaming kumanta sa isang sesyon sa paglalaan ng Concepción Chile Temple noong 2018, iisa ang mithiin ng lahat ng miyembro ng young adult choir na pinamahalaan ko noon: gawin ang musikal at espirituwal na gawaing kinakailangan para maibigay sa Diyos ang pinakamainam naming handog.

Kasama ang mga miyembro ng choir, mula sa dalawang stake sa lungsod ng Chillán, inalay ko ang aking sarili sa pagiging dalisay hangga’t kaya ko. Ginusto kong magningning ang Liwanag ni Cristo sa buhay ko. Ginusto kong maging perpekto hangga’t maaari ang handog na inalay namin sa Diyos sa Kanyang banal na bahay. Alam ko na kung gagawin namin ang aming bahagi, tutulungan kami ng Ama sa Langit, at aawit kami ayon sa nais Niya.

Sa oras ng paglalaan, kumanta kami nang madamdamin at buong puso. Sa palagay ko sinabayan kami ng mga anghel sa pagkanta. Perpekto ang himig ng choir. Nadama namin na sumaamin ang biyaya ng Diyos at na nalugod Siya sa aming handog. Matagal kong nadama iyon.

Matapos ang paglalaan ng templo, nadama ko na espirituwal akong pinangalagaan at kaisa ng Ama sa Langit. Nakaramdam ako ng mas malakas na koneksyon sa Kanya na hindi ko pa naranasan kailanman. Napakalakas ng koneksyong iyon kaya nadama ko na espirituwal akong ginabayan sa nararapat kong hilingin nang manalangin ako (tingnan sa 3 Nephi 19:24).

Nang oras na ng paglalaan ng templo, limang linggo na akong nagdadalantao. Makalipas ang ilang buwan, nalaglag ang sanggol na nasa aking sinapupunan. Napakahirap ng panahong iyon. Lungkot na lungkot ako, lalo na nang malaman ko na baka hindi na ako magkaanak pa.

Pero naganap ang mahirap na karanasang ito sa isang panahon na napakatindi ng aking espirituwal na lakas. Naunawaan ko na naihanda ako para sa sandaling ito sa pamamagitan ng handog na inalay namin sa templo. Ang espirituwal na lakas na naranasan ko ay nakatulong sa akin na malampasan ang pagsubok na ito dahil kasama ko ang Ama sa Langit at binigyan Niya ako ng kapayapaan.

Hindi nagtagal, kaming mag-asawa ay biniyayaan ng Diyos ng isang himala. Tuwang-tuwa kami nang ang anak naming si Arturo ay magkaroon ng isang munting kapatid na babae, si Daniela.

Hindi ko sana nalampasan ang karanasang iyon kung hindi sa naranasan kong malapit na koneksyon sa Ama sa Langit. Batid ko na lahat ay magiging OK at alinsunod sa Kanyang kalooban. Sa pag-alaala sa mga bagay na ito ay napupuspos pa rin ang puso ko ng kagalakan at pasasalamat.