“Mahahalagang Puno ng Bonsai at Mahahalagang Patotoo,” Liahona, Setyembre 2025.
Mahahalagang Puno ng Bonsai at Mahahalagang Patotoo
Bawat patotoo ay isang kaloob na walang katumbas na nangangailangan ng matinding personal na katapatan at pananampalataya para mapanatili itong maganda at nakakagalak.
Larawang-kuha sa kagandahang-loob ng awtor
Sa sentro ng Tokyo, Japan, may nakita ako sa isang magandang garden park na hinangaan ko. Sa tabi ng isang daanan sa parke ay may nakataling mahigit sa isang dosenang maliliit na paso, na bawat isa ay may nakatanim na puno ng bonsai. Bawat isa sa punong kakaiba ang ganda ay may maliit na karatulang nagpapakita ng edad nito. Karamihan ay mahigit 100 taon na.
Ang isa, na 390 taon na, ay namumunga pa rin. Ang isa pa ay may dalawang punong nakapilipit sa isa’t isa—ang isa ay patay, ang isa ay buhay. Kamangha-mangha na 590 taon na iyon.
Inisip ko kung paano napayabong at napungusan noong una ang bawat puno ng bonsai nang buong pagmamalaki at kagalakan. Kalaunan, malamang na naging iniingatang mga pamana ng pamilya ang mga puno. Inisip ko ang tumatandang mga magulang na ipinagbibilin sa kanilang mga anak ang responsibilidad na magiliw na alagaan ang puno ng bonsai ng pamilya, ilayo ito sa pinsala at ingatan ito para sa mga susunod na henerasyon.
Ang maliliit na punong ito sa Tokyo ay nakaligtas sa gitna ng kakila-kilabot na mga digmaan at mga panahon ng kapayapaan, sa gitna ng malalakas na bagyo at mga panahong kalmado ang lagay ng panahon. Ang mga ito ay isang pambihirang testamento ng katapatan, tradisyon, at mapagkalingang pagmamahal.
Isang Mahalagang Kaloob
Mula nang makita ko ang mga puno ng bonsai na ito, naintriga na ako sa pag-iisip kung paano nagsisimula ang mga pamilyang may maraming henerasyon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isang pioneer na miyembro ng pamilya na nagkaroon ng mahalagang patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Ang patotoo ng bawat bagong miyembro ng Simbahan ay nagsisimula kapag kanilang “binibigyangpuwang” o itinatanim ang salita ng Diyos sa kanilang puso at pagkatapos ay inaalagaan ito (tingnan sa Alma 32:28). Habang lumalago ang patotoo, ang mga kilos ng bagong miyembrong iyon ay hinuhubog at pinupungusan sa ibang paraan ng pamumuhay.
Sa gitna ng maraming pagsubok at unos ng buhay, lalong lumalakas ang isang pinangalagaang patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan. Tulad ng puno ng bonsai, ang patotoo ay ibinabahagi at ipinapasa bilang isang mahalagang kaloob para mapayabong at mapangalagaan din ang mga susunod na henerasyon.
Bawat henerasyon ay may malaking responsibilidad na maangkin ang patotoong iyon. Ito ay isang kaloob na walang katumbas pero maselan. Para ito magtagal bilang isang bagay na maganda at nakakagalak, kailangan ang matinding personal na katapatan at pananampalataya.
Hindi natin alam kung gaano kalaki ang punong nakita ni Lehi sa kanyang panaginip. Pero alam natin na napakaganda nito at na hindi na siya makapaghintay na ibahagi ang bunga nito sa kanyang pamilya (tingnan sa 1 Nephi 8). Ang pamilya ni Lehi ay naging malinaw na halimbawa ng isang pamilyang may maraming henerasyon—kung minsa’y nagtatagumpay sa pagpapasa ng mabubuting tradisyon, at kung minsan, ang malungkot ay ang makita na naluluoy at namamatay ang mga patotoo sa harap ng paghihirap, pagsuway, at mga pagsubok.
Nagagalak tayo sa mga tao na inaalagaan, bilang mga unang Banal sa mga Huling Araw sa kanilang pamilya, ang mga bago pa nilang patotoo sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan. At pinasasalamatan namin ang pioneer na mga Banal na iyon sa paraan ng pagpapasa nila ng kanilang pagmamahal sa Diyos sa mga darating na henerasyon.
Ang mga magulang, guro, kabataan, at young adult na inuuna ang mga miting sa araw ng Linggo, paglilingkod sa templo, at pagdalo sa seminary, institute, at mga kumperensya para sa mga kabataan at young adult—inuuna ang Tagapagligtas sa kanilang buhay—ay naglalaan ng espirituwal na lupa at pangangalaga para lumakas ang mga bago pang patotoo.
Tulad ng mga puno ng bonsai na nakita ko sa Tokyo, ang ating mga patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ay walang katumbas na mga pag-aari na magpapala sa mga mahal natin sa buhay. Maaaring maging pamana natin ang mga iyon kapag maingat nating inaalagaan, pinahahalagahan, at ibinabahagi ang mga iyon sa bawat henerasyon.