2025
Pinagpala ng Awtoridad at Kapangyarihan ng Priesthood
Setyembre 2025


“Pinagpala ng Awtoridad at Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Set. 2025.

Pinagpala ng Awtoridad at Kapangyarihan ng Priesthood

Ginagamit ng mga miyembro ng Simbahan ang kapangyarihan ng Diyos para paglingkuran at pagpalain ang iba sa Simbahan, sa tahanan, at sa iba’t ibang panig ng mundo.

Elder D. Todd Christofferson

Ang ating patotoo sa sanlibutan ay na mahalaga ang banal na priesthood ng Diyos sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan, na ipinanumbalik Niya ang priesthood sa mundo para sa layuning iyan, at na ito ay pinangangasiwaan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang Pangangailangan sa Awtoridad at Kapangyarihan ng Priesthood

Si Jesucristo ang pinuno ng Simbahan. Ang Simbahan ang kasangkapang nilikha Niya upang isakatuparan ang mahalagang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan sa huling dispensasyong ito ng ebanghelyo tulad noong dispensasyon nang Siya ay nabuhay sa mundo. Sa pamamagitan ng Simbahan:

  • Maaari Niyang ipahayag ang Kanyang ebanghelyo sa buong mundo.

  • Maaari Niyang ialok ang binyag at lahat ng iba pang tipan—maging ang isang landas ng tipan patungo sa Kanyang kahariang selestiyal.

  • Maaari Niyang ibuklod ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan.

  • Maaari Niyang ialok ang mga kaloob ng kaligtasan, kahit sa mga taong pumanaw nang hindi natatanggap ang mga ito.

  • Maaari Siyang maglingkod sa mga pisikal na pangangailangan ng mga anak ng Diyos sa kasalukuyan.

Para maisakatuparan ang mga dakilang layuning ito, at makapaghanda para sa pagbabalik ng Tagapagligtas, kailangan ng Simbahan ang patuloy na patnubay, awtoridad, at kapangyarihan ng Diyos. Ang Simbahan ang “tunay at buhay na simbahan” (Doktrina at mga Tipan 1:30) dahil ipinagkaloob ni Cristo rito ang Kanyang pamumuno at kapangyarihan sa pamamagitan ng Kanyang priesthood, “ang Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 107:3).

Ngunit kung wala ang banal na priesthood na ito, ang Simbahan ay magiging isang sekular na organisasyon lamang, na gumagawa ng kabutihan sa mundo ngunit walang kapangyarihang makamit ang pinakalayunin na ihanda ang mga anak na lalaki at babae ng Diyos para sa kagalakan ng buhay na walang hanggan sa Kanyang kinaroroonan. Sa pamamagitan ng priesthood na ito, at sa mga susi para pamahalaan ang gawain ng priesthood na ito, may awtoridad at kaayusan sa Simbahan.

“Sa Simbahan, ang lahat ng awtoridad ng priesthood ay ginagamit sa ilalim ng pamamahala ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood.

“Ang mga karapat-dapat na lalaking miyembro ng Simbahan ay tumatanggap ng awtoridad ng priesthood sa pamamagitan ng paggawad ng priesthood at ordinasyon sa mga katungkulan sa priesthood. Ang lahat ng miyembro ay maaaring gumamit ng itinalagang awtoridad kapag sila ay na-set apart o naatasang tumulong na isakatuparan ang gawain ng Diyos.”

Sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood, laging mananaig ang mga prayoridad ng Panginoon. Walang sinumang maaaring magpanatili ng personal na agenda na hindi naaayon sa Kanyang patnubay. Walang sinumang maaaring magtagumpay sa huwad na pagkasaserdote, na naghahangad ng personal na pakinabang at interes.

May mahalaga ring papel ang priesthood sa tahanan ng mga miyembro ng Simbahan. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang alituntunin na magagamit lamang ang awtoridad ng priesthood sa ilalim ng pamamahala ng isang mayhawak ng mga susi para sa tungkuling iyon ay kinakailangan sa Simbahan, ngunit hindi ito [sumasaklaw] sa pamilya.” Ang mga ama ay namumuno at ginagamit ang priesthood sa kanilang pamilya—nagpapayo, nagdaraos ng mga miting ng pamilya, nagbibigay ng mga basbas ng priesthood o pagpapagaling sa mga kapamilya o sa ibang tao, at marami pang iba—nang walang tagubilin o pahintulot ng isang taong mayhawak ng mga susi ng priesthood.

“Ginagamit ang ganito ring alituntunin kapag wala ang ama at ang namumuno sa pamilya ay ang ina. Siya ang nangungulo sa kanyang tahanan at kasangkapan sa pagdadala ng kapangyarihan at mga pagpapala ng priesthood sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng kanyang endowment at pagbubuklod sa templo.”

Ang Pagpapanumbalik ng Priesthood sa Ating Panahon

Si Juan Bautista na ipinapanumbalik ang Aaronic Presthood kina Joseph Smith Jr. at Oliver Cowdery

Mayo 15, 1829

Ang pagpapanumbalik ng awtoridad ng priesthood sa huling dispensasyong ito ay nagpatuloy sa maayos at paisa-isang hakbang na pag-usad. Nang isalin noong 1829 ang saligang banal na kasulatan para sa ating dispensasyon, ang Aklat ni Mormon, sinimulan ng Panginoon ang pagbuo ng istruktura ng Kanyang priesthood. Bilang tugon sa tanong sa panalangin nina Joseph Smith at Oliver Cowdery tungkol sa binyag, ang nabuhay na muling si Juan Bautista ay nagpakita at iginawad sa kanila ang Aaronic Priesthood, ang priesthood na “may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan” (Doktrina at mga Tipan 13:1). Gamit ang awtoridad na iyon, bininyagan nina Joseph at Oliver ang isa’t isa at kalaunan ay ang iba pa nang pormal na itatag ang Simbahan.

pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood

Kasunod ng Mayo 15, 1829

Hindi nagtagal matapos magpakita si Juan Bautista, nagpakita ang mga sinaunang Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan at iginawad ang nakatataas, o ang Melchizedek, priesthood, pati na “ang mga susi ng aking kaharian, at dispensasyon ng ebanghelyo para sa … kaganapan ng [mga] panahon” (Doktrina at mga Tipan 27:13; tingnan din sa 128:20).

pulpito sa Kirtland Temple

Abril 3, 1836

Sumunod na dumating ang karagdagang awtoridad ng priesthood na kinakailangan, sa Kirtland Temple, nang magpakita ang tatlong sinaunang propeta na sina Moises, Elias, at Elijah kina Joseph at Oliver at ipinagkatiwala sa kanila ang mga susi ng pagtitipon ng Israel at ng gawaing nauukol sa mga templo ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16).

si Joseph Smith Jr. na nananawagan sa mga Banal noong unang panahon na sang-ayunan ang mga miyembro na tinawag sa mga bagong tungkulin

Tag-init ng 1829–Abril 1835

Pinagbilinan sa mga paghahayag na kanonisado na ngayon sa Doktrina at mga Tipan si Propetang Joseph Smith tungkol sa ordenasyon ng kalalakihan sa mga katungkulan ng mas mataas (Melchizedek) at ng panimulang (Aaronic) priesthood; paghirang ng mga opisyal ng priesthood, tulad ng mga bishop; at pag-organisa ng mga priesthood quorum at council.

mga pioneer na tumatawid sa kapatagan

1835–1973

Patuloy na ginagabayan ng patnubay ng propeta ang organisasyon at tungkulin ng priesthood sa Simbahan. Halimbawa, inorganisa ang mga korum ng Pitumpu noong panahon ng Kirtland para tulungan ang Korum ng Labindalawa. Pagkatapos ng malawakang paglikas papuntang Kanluran at ng pagkalat ng mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo, itinalaga ang mga korum na ito na mangasiwa sa mga stake ng Simbahan.

koro na umaawit sa pangkalahatang kumperensya

1973–Kasalukuyan

Sa ilalim ng mga pamamahala nina Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), Ezra Taft Benson (1899–1994), at Gordon B. Hinckley (1910–2008), nagsimulang direktang maglingkod ang mga Pitumpu at ang kanilang mga korum sa ilalim ng Korum ng Labindalawa sa buong Simbahan at sa mga area ng Simbahan. Pagkatapos ay hindi na ipinagpatuloy ang mga korum sa bawat stake. Ngayon, labindalawang korum ng General Authority at mga Area Seventy ang tumutulong sa mga Apostol “sa pagtatayo ng simbahan at pamamahala sa lahat ng gawain ng nabanggit sa lahat ng bansa” (Doktrina at mga Tipan 107:34). Maaaring lumikha ng karagdagang mga korum ng Pitumpu habang lumalawak ang Simbahan.

si Elder Christofferson na bumabati sa mga miyembro ng Simbahan sa Gambia

Binati ni Elder Christofferson ang magkapatid na sina Sampson at Daniel Amako sa Gambia, West Africa, noong Pebrero 2022.

Priesthood: Ang Kapangyarihang Magbasbas

Sa madaling salita, ang layunin ng awtoridad at kapangyarihan ng priesthood na ipinanumbalik ni Jesucristo ay upang magbasbas. Binibigyan nito ng karapatan ang mga miyembro ng Simbahan na gamitin ang kapangyarihan ng Diyos para mapaglingkuran at mabasbasan ang ibang mga tao sa Simbahan, sa tahanan, at sa iba’t ibang panig ng mundo. Nakikiisa ang mga miyembro sa Tagapagligtas sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan, na gumagamit ng mga banal na kaloob at kapangyarihan na higit pa sa sarili nilang kakayahan para tumulong na palaguin ang kaharian ng Diyos at punuin ang mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 65:2, 5–6).

Ipinaliwanag ng Panginoon na “ang nakatataas na [Melchizedek priesthood] na ito ang nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.

“Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.

“At kung wala ang mga ordenansa nito, at ang kapangyarihan ng [priesthood], ang kapangyarihan ng kabanalan ay hindi makikita ng mga tao sa laman” (Doktrina at mga Tipan 84:19–21).

Siyempre pa, ang mga ordenansa ay mga seremonya o sakramento na pinangangasiwaan ng priesthood kung saan nakikipagtipan tayo sa Diyos, simula sa binyag at nagpapatuloy hanggang sa mga tipan na tinatanggap natin sa bahay ng Panginoon. Sa pagtupad sa mga tipang ito tayo nababago mula sa “likas” na kalalakihan at kababaihan tungo sa pagiging mga banal (tingnan sa Mosias 3:19) sa pamamagitan ng nagbabayad-salang biyaya ni Cristo at nagiging kapwa binigyang-katwiran at pinabanal—walang kasalanan at walang bahid-dungis—sa harapan ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:29–31; 3 Nephi 27:16–20).

Ang siping ito mula sa “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo Para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” ng Unang Panguluhan at Kapulungan ng Labindalawang Apostol, ay nagpapahayag ng angkop na pagbubuod:

“Ipinapahayag namin na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na itinatag noong ika-6 ng Abril 1830, ang ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo na nakatala sa Bagong Tipan. Nakasalig ang Simbahang ito sa sakdal na buhay ng pangunahing batong-panulok nito, na si Jesucristo, at sa Kanyang walang katapusang Pagbabayad-sala at literal na Pagkabuhay na Mag-uli. Muling tumawag si Jesucristo ng mga Apostol at pinagkalooban sila ng awtoridad ng priesthood. Inaanyayahan Niya tayong lahat na lumapit sa Kanya at sa Kanyang Simbahan, upang tumanggap ng Espiritu Santo, ng mga ordenansa ng kaligtasan, at magkamit ng walang-maliw na kagalakan.”