2025
Inakay Ako ng Panginoon Pauwi
Setyembre 2025


“Inakay Ako ng Panginoon Pauwi,” Liahona, Set. 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Inakay Ako ng Panginoon Pauwi

Nang sundin ko ang espirituwal na pahiwatig na bumalik sa Bolivia, inakay ako ng Panginoon sa mga walang-hanggang pagpapala ng pamilya.

larawang-guhit ng isang eroplanong umiikot sa mundo

Paglalarawan ni David Malan

Habang nagsisikap ako para sa aking doctoral degree at nagtuturo ng musika sa Estados Unidos, sinikap kong ipamuhay ang ebanghelyo at damhin ang impluwensya ng Diyos sa buhay ko. Malayo ako sa aming tahanan at kung minsa’y nalulungkot ako, pero nadama ko ang Kanyang pagmamahal at tinig na gumagabay sa mga desisyon ko.

Isang araw ay nadama ko na dapat akong bumalik sa Bolivia na aking bayang tinubuan. Hindi naging madali ang desisyong bumalik. Maayos ang takbo ng mga bagay-bagay. Pero pagkatapos manalangin, matindi kong nadama na dapat akong bumalik dahil may mahalagang bagay na naghihintay sa akin.

Nang makabalik ako, isang bachelor’s program sa musika ang binuksan sa isa sa mga nangungunang unibersidad sa Bolivia, kung saan nakahanap ako ng trabaho bilang propesor.

Sa aking home ward, hindi nagtagal ay nakilala ko ang isang dalaga na noon ko lang nakita. Nagbalik-loob ang mga magulang nito sa Simbahan habang naghahanda akong umalis papuntang Estados Unidos ilang taon na ang nakararaan. Nagsimula kaming magdeyt at nagpakasal, na naging malaking pagpapala sa buhay ko.

Dalawang taon na ang nakararaan, nasuring may kanser ang lola ko. Napakalapit namin sa isa’t isa. Noong bata pa ako, sasabihin niya sa akin, “Lagi tayong magkakasama, at alam ko na aalagaan mo ako.”

Dahil nakauwi na ako, naroon ako noong kailangan niya ako, at gumugol ako ng panahon sa piling niya araw-araw sa mga huling buwan ng kanyang buhay. Hindi siya sumapi sa Simbahan bago siya namatay, pero gustung-gusto niya ang magasing Liahona, ang Aklat ni Mormon, at ang pangkalahatang kumperensya. “Naniniwala ako sa lahat ng iyan,” sabi niya.

Kalaunan, pinagpala akong makasama ang aking mga magulang sa Cochabamba Bolivia Temple nang ibuklod ang lola ko sa kanyang asawa, na bata pa nang mamatay. Hindi na siya muling nag-asawa pa. Nadama ko na kasama namin sila sa templo, masaya at muling nagkasama. Napakagandang tingnan ng aking mga magulang sa sealing room na tumayong proxy para sa kanila.

Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa ating buhay, pero alam ng Panginoon kung saan tayo nararapat na maparoon. Alam din Niya kung paano tayo pagpapalain, at aakayin Niya tayong kumilos para sa Kanya para pagpalain ang iba. Kung magtitiwala tayo sa Kanyang karunungan at patnubay, alam ko na mas malaki ang magagawa Niya sa ating buhay kaysa sa magagawa nating mag-isa.