2025
Muntik nang Masira ng COVID ang Pangarap Niyang Makasali sa Tabernacle Choir
Setyembre 2025


“Muntik nang Masira ng COVID ang Pangarap Niyang Makasali sa Tabernacle Choir,” Liahona, Set. 2025.

Muntik nang Masira ng COVID ang Pangarap Niyang Makasali sa Tabernacle Choir

Ang maibukod ng quarantine ay nagturo ng napakalaking aral: Ang pag-ibig na tulad ng kay Cristo para sa mga nalulumbay.

Laura Echarri Hermoso

Noong taglagas ng 2024, hindi pa natatagalang matawag na maging area organization adviser sa Europe Central Area, naglakbay si Laura Echarri Hermoso nang mahigit 5,000 milya (8,047 km) mula sa kanyang tahanan sa Pamplona, Spain, para kumanta bilang panauhing miyembro ng The Tabernacle Choir at Temple Square.

Tatlong araw pa lang siya sa Salt Lake City, Utah, USA, nang magpositibo siya sa COVID-19 at kusang mag-quarantine. Tila hindi niya makakamtan ang oportunidad na kumanta sa choir sa nalalapit na pangkalahatang kumperensya.

Nalulumbay at nakabukod sa kanyang silid sa hotel, lumuhod siya at nagdasal. Hiniling niyang gumaling siya. Matagal na niyang gustong kumanta. Patuloy siyang nanalig.

Isang Taon Bago Iyon

Sa isang mahirap na panahon ng kawalan noong hindi naging tagumpay ang panggagamot para magkaanak at nahihirapan ang kanyang ina sa Alzheimer’s, hindi makakanta si Sister Echarri na tulad ng dati. Mahirap ito dahil noon pa man ay mahalagang bahagi na ng kanyang buhay ang musika. “Bata pa ako ay napakahalaga na nito sa akin,” sabi niya.

Si Sister Echarri kasama ang kanyang ina

Si Sister Echarri (kaliwa) kasama ang kanyang inang si María.

Habang nagdarasal, naisip niya na kailangan niyang kumanta na kasama ng mas maraming tao. Makalipas ang isang linggo, kinontak siya ng isang awtoridad ng Simbahan na nag-interbyu sa kanya. “Binanggit niya ang tungkol sa isang proyektong musikal na sinisimulan noon ng Simbahan at naghahanap sila ng mga mang-aawit,” sabi ni Sister Echarri.

Hindi niya sinabi ang partikular na layunin, pero matapos ang pangalawang interbyu, inihayag ng awtoridad na nais ng Simbahan na kumanta sa pangkalahatang kumperensya ang mga panauhing mang-aawit para sa Global Participant Program ng The Tabernacle Choir.

“At nagsimula akong umiyak dahil hindi ko alam kung ano ang mangyayari, pero nadama ko na naroon ang Panginoon at alam ng Panginoon ang nangyayari sa akin, at isang bagay ito na hindi ko kailanman inasahan,” sabi niya.

Ang Landas Patungo sa Pangkalahatang Kumperensya

Pauna lamang ang interbyu at sinundan iyon ng pangalawang interbyu na kasama ang iba. Kinailangan din ni Sister Echarri na magrekord ng sarili niyang pagkanta at magsumite ng ilang recording. Pagkatapos ay nagkaroon siya ng panghuling virtual na interbyu ng Tabernacle Choir associate music director na si Ryan Murphy. “Kabadong-kabado ako,” sabi niya.

Sa huli, napili siya na kasama ng 13 iba pa sa buong mundo na kakanta sa pangkalahatang kumperensya, at noong Setyembre 2024, sumakay siya ng eroplano papuntang Estados Unidos. Pagdating niya, nasuri siya na may COVID-19 at iyon ang simula ng pag-quarantine niya.

Ang mabukod na malayo sa pamilya ay nagturo ng napakalaking aral: Papanatagin siya ng Tagapagligtas sa kanyang pinakamalulungkot na sandali (tingnan sa Juan 14:26–27). “Akala ko hindi na ako makakasali,” sabi niya. “Medyo nalungkot ako, pero nanalig ako. Kasabay nito, hindi maganda ang pakiramdam ko. Ngayon ang isa sa mga pangunahing layunin ko ay hanapin ang mga taong maaaring nakakaramdam ng pag-iisa at subukang panatagin sila.”

Pagkaraan ng walong araw na pagkabukod, gumaling siya at bumalik ang boses niya, at nagpraktis siya kasama ng choir. Isinama niya ang kanyang boses sa daan-daang nakatayo sa harapan ng Conference Center at kumanta sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2024.

Larawan ng grupo ng Tabernacle Choir

“Ang Diyos ay buhay. Alam niya ang nangyayari sa atin, sa bawat isa sa atin,” sabi niya. “Ang musika ay nagpapagaling, may kapangyarihang magpagaling, at kailangan nating punuin ng musika ang ating buhay. Napakahalaga niyan. Pakiramdam ko ay isang bagay iyan na sinisikap na sabihin sa akin ng Panginoon: Punuin ng musika ang buhay mo.”