“Para sa Ating Panahon,” Liahona, Set. 2025.
Para sa Ating Panahon
Tatlumpung taon matapos ipabatid sa mundo ang pagpapahayag tungkol sa pamilya, mas lalo pang luminaw at napatunayan ang mga banal na alituntunin nito.
Si Pangulong Gordon B. Hinckley na nagsasalita sa isang kongregasyon sa Santiago, Chile
Noong Setyembre 23, 1995, nagsalita si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) sa isang pagtitipon ng kababaihan ng Relief Society at ipinahayag ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ang mga sumusunod ay ilan sa kanyang mga pahayag sa okasyong iyon:
“Naniniwala ako na dapat maging pagpapala sa bawat bata ang maisilang sa isang tahanan kung saan ang batang iyon ay tinatanggap, inaalagaan, minamahal, at biniyayaan ng mga magulang, isang ama at isang ina, na namumuhay nang tapat sa isa’t isa at sa kanilang mga anak. …
“Kapag mas tinitiyak ninyo na mapapalaki ninyo ang inyong mga anak ayon sa mga paraan ng ebanghelyo ni Jesucristo, nang may pagmamahal at mataas ang inaasahan, mas malamang na magiging payapa ang kanilang buhay. …
“Dahil sa dami ng tusong pangangatwiran na ipinapasa bilang katotohanan, sa dami ng panlilinlang na may kinalaman sa mga pamantayan at pinahahalagahan, sa dami ng pang-aakit at panggaganyak na gawin ang mga kasalanang unti-unting lumalaganap sa mundo, nadama namin na kailangan kayong bigyang-babala. Bilang karagdagan dito, kami sa Unang Panguluhan at sa Konseho ng Labindalawang Apostol ay maglalabas ngayon ng isang pagpapahayag sa Simbahan at sa daigdig bilang pahayag at muling pagpapatibay ng mga pamantayan, doktrina, at gawaing nauugnay sa pamilya na paulit-ulit na binabanggit ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ng simbahang ito sa buong kasaysayan nito. …
“Iminumungkahi namin sa lahat na basahing mabuti, pakaisipin, at ipanalangin ang pagpapahayag na ito. Ang lakas ng alinmang bansa ay nag-uugat sa loob ng mga tahanan nito. Hinihimok namin ang ating mga tao saanman na patatagin ang kanilang pamilya alinsunod sa matagal nang kinaugaliang mga pinahahalagahang ito.”