2025
Ang mga Ordenansa sa Templo ay Pinag-iisa, Pinag-uugnay, at Pinagbubuklod ang mga Tao
Setyembre 2025


“Ang mga Ordenansa sa Templo ay Pinag-iisa, Pinag-uugnay, at Pinagbubuklod ang mga Tao,” Liahona, Set. 2025.

Mga Pananaw sa Kasaysayan tungkol sa Bahay ng Panginoon

Ang mga Ordenansa sa Templo ay Pinag-iisa, Pinag-uugnay, at Pinagbubuklod ang mga Tao

Ang kasaysayan ng gawain sa templo sa mga huling araw ay nagpapakita ng kasigasigan at paghahayag nang taludtod-sa-taludtod para sa mga binyag para sa mga patay.

paglalarawan sa pagbibinyag sa isang nagyeyelong ilog

Paglalarawan ni Dan Burr

Lumusong si Betsy King Duzette sa napakalamig na tubig ng Mississippi River. Ang 58-taong-gulang na biyuda at convert mula sa Connecticut ay bininyagan para sa kanyang mga tito, biyenan, at amain ng kanyang asawa.

Katuturo pa lamang ni Propetang Joseph Smith sa mga Banal, noong Agosto 1840, tungkol sa doktrina ng pagbibinyag para sa mga patay. Sa kanilang katuwaan, nagsagawa sila ng mga pagbibinyag sa ilog, dahil hindi pa tapos ang Nauvoo Temple. Bininyagan ang kababaihan para sa kalalakihan at ang kalalakihan para sa kababaihan. Gayunman, hindi nagtagal ay inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith na ang mga binyag para sa mga yumaong ninuno ay kailangang gawin sa inilaang mga templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:28–35). At noong 1845, ipinahayag ni Brigham Young na dapat magpabinyag ang kababaihan para sa kababaihan at ang kalalakihan para sa kalalakihan.

Anim na taon nang patay noon ang asawa ni Betsy na si Philemon Duzette. Naglakas-loob siyang lumusong sa malamig na tubig para magpabinyag para sa yumao niyang mga kamag-anak pati na rin para sa kanyang sariling pamilya. Kasama roon ang pagbibinyag sa amain ni Philemon na si Jesse Peas, na namatay 50 taon na ang nakararaan noong bata pa si Betsy. Maaaring hindi na niya ito nakilala nang personal ngunit malamang na nalaman niya ang tungkol dito at nalaman ang pangalan at relasyon nito kay Philemon at sa ina nito na si Martha Wing. Nakilala ni Betsy si Martha noong nabubuhay pa ito.

Kaagad na nagpabinyag si Betsy bilang proxy para kay Jesse pagkatapos ng mga paghahayag tungkol sa binyag para sa mga patay. At isinunod nila ng kanyang asawa sa pangalan ni Jesse ang isa sa kanilang mga anak. Ang tunay na ama ni Philemon, na nagngangalang Philemon, ay namatay noong sanggol pa siya, at naging amain niya si Jesse Peas noong tatlong taong gulang si Philemon at tinulungan si Martha na palakihin siya.

Ang pagiging amain ay karaniwan noong ikalabing-walo at ikalabing-siyam na siglo sa Amerika. Ang mataas na bilang ng namamatay at ng muling pagpapakasal ay nangangahulugan na maraming tao ang namuhay kasama ang mga stepfamily. Kaya, ang mga ugnayan ng pamilya Duzette at pamilya Peas ay dalawang beses na muling binuo: ang una ay noong ikasal ang ina ni Philemon kay Jesse Peas at ang pangalawa sa pamamagitan ng mga pagbibinyag para sa mga patay.

drowing ng bautismuhan sa Nauvoo Temple

Drowing ng bautismuhan sa orihinal na Nauvoo Temple

Pagtubos sa mga Mahal sa Buhay

Ang mga pagpapabinyag para sa mga patay ay pinagsama ang mga mortal na koneksyong iyon sa isang paraan na magtatagal hanggang sa kawalang-hanggan. Tulad ng isinulat ni Joseph Smith, ang pagpapabinyag para sa mga patay ay isang “pag-uugnay” na ibinubuklod ang mga buhay sa mga patay, “sapagkat tayo kung wala sila ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap” (Doktrina at mga Tipan 128:18).

Itinuro ni Joseph Smith na kung wala ang pag-uugnay na ito, ang mundo ay babagabagin ng isang sumpa, isang bagay na wawasak sa mundo, na nilikha nang walang layunin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:17–18). Ang matinding pahayag na ito ay sinundan ng maluwalhating paghahayag kay Joseph tungkol sa kapangyarihang bigkisin nang sama-sama ang lahat ng anak ng Diyos para sa kawalang-hanggan.

Bukod pa sa kahalagahan ng mga ordenansa sa pamamagitan ng proxy para sa mga yumaong kapamilya, binigyang-diin ni Joseph na makikinabang din ang mga buhay: “At ngayon, aking mga pinakamamahal na kapatid na lalaki at babae, hayaang aking tiyakin sa inyo na ang mga ito ay alituntuning may kinalaman sa mga patay at sa mga buhay na hindi maaaring ipagwalang-bahala nang gayun-gayon lamang, gaya ng nauukol sa ating kaligtasan” (Doktrina at mga Tipan 128:15).

Para kay Joseph Smith, ang mga paghahayag na ito ay lubos na personal. Namatay ang kanyang panganay na kapatid na si Alvin noong 1823, at nakadama si Joseph ng malaking kahungkagan sa kanyang buhay. Sa isang paghahayag noong 1836, si Joseph ay nagkaroon ng pangitain tungkol sa “kahariang selestiyal ng Diyos, at ang kaluwalhatian niyaon” at “ang kahanga-hangang kagandahan ng pasukan” at “ang magagandang daan ng kahariang yaon.” Sa gitna ng napakagandang pangitaing ito tungkol sa kahariang selestiyal, nakita rin niya ang mga indibiduwal na miyembro ng kanyang pamilya na kilala at minahal niya, kabilang na ang kanyang kapatid na si Alvin. “Namangha” siya na si Alvin, na hindi pa nabinyagan, ay isang tagapagmana ng “kahariang selestiyal ng Diyos.” (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 137:1–6.)

Bago Itinatag ang Mundo

Ang koneksyon ng mga buhay at ng yumaong mga mahal sa buhay ay nagpapakita ng maringal na antas ng kaligtasan ng tao, sapagkat ang mga “mamamatay na walang kaalaman sa ebanghelyo” (Doktrina at mga Tipan 128:5) ay kilala at isang landas para sa kanilang pagtubos ang inilaan bago sila pumarito sa lupa. Tunay ngang ang binyag para sa mga patay ay itinatag para sa ating “kaligtasan mula pa nang bago itatag ang daigdig” (Doktrina at mga Tipan 128:8). Ang mga paghahayag tungkol sa binyag para sa mga patay ay sinundan ng mga paghahayag kalaunan tungkol sa mga ordenansa ng pagbubuklod. Ang pagbubuklod ng mga anak sa mga magulang ay naging pinakasukdulang ordenansa na nag-ugnay para sa lahat ng nabuhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:47–48).

Sa isang magandang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2018, inilarawan ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kapangyarihan ng mga koneksyong iyon sa pagbubuklod:

“Ang Diyos, sa Kanyang walang hanggang kakayahan, ay ibinubuklod at pinagagaling ang mga indibiduwal at mga pamilya sa kabila ng trahedya, kawalan, at kahirapan. …

“… Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ibinibigay ni Jesucristo ang mga pagpapalang ito sa lahat, kapwa sa patay at sa buhay.”

Tulad ng pananalig at tiwala ni Betsy King Duzette nang lumusong siya sa Ilog Mississippi sa ngalan ng kanyang amaing biyenan, tayo, lahat tayo, ay maaaring magkakasamang maikonekta, mabuklod, mabigkis, at maidugtong nang walang hanggan.