“Kung May Simbahan ang Diyos sa Lupa,” Liahona, Set. 2025.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Kung May Simbahan ang Diyos sa Lupa
Sinabi ko sa mga missionary na huwag mag-aksaya ng kanilang oras, na may sarili na akong mga paniniwala. Pero nalaman ko na tugma ang kanilang mga turo sa aking mga paniniwala tungkol sa pamilya, sa isang mapagmahal na Ama sa Langit, at sa Simbahan ng Tagapagligtas.
Noong bata pa ako, dinala ako ng mga magulang ko sa iba’t ibang simbahan. Kalaunan, nang tinedyer na ako, nagsimula akong bumaling sa Diyos at magbasa ng Biblia. Ang sarap sa pakiramdam.
Habang iniisip ko ang Diyos at ang layunin ng buhay, natanto ko na mahalaga ang pagkakaroon ng pamilya. Naniwala ako na dapat magturo ang mga pinuno ng simbahan sa pamamagitan ng halimbawa, pero sa simbahang nadaluhan ko, walang asawa ang mga pari. Walang katuturan iyon para sa akin. Naniwala ako na mabuti ang pag-aasawa at pagkakaroon ng pamilya.
Ako ay 16 na taong gulang noon. May girlfriend ako na mahal na mahal ko, pero iniwan niya ako. Naging mahirap iyon para sa akin. Halos isang taon akong nagdusa. Dahil sa karanasang iyon, ginusto kong maunawaan kung saan ako nanggaling, bakit ako narito sa lupa, ano ang layunin ng buhay, at ano ang mangyayari pagkatapos mamatay. Ginusto kong hanaping mag-isa ang sagot sa mga tanong na ito. Pero pagkatapos ng mahabang panahon ng pag-iisip tungkol sa mga ito, muli akong bumaling sa Diyos at sinabi ko sa aking sarili, “Mas alam ng Lumikha ng buhay ang buhay kaysa sa akin. Dapat kong hanapin ang mga sagot mula sa Kanya.”
Sa pagbabasa ng Biblia, nalaman ko na si Jesus ay tumawag ng labindalawang Apostol. “Kung may simbahan ang Diyos ngayon,” naisip ko, “dapat ay may mga Apostol doon.” Mas lalo akong naakit sa relihiyon, at ginusto kong magpabinyag.
Nang mag-usap kami ng tatay ko tungkol sa Diyos, sinabi niya sa akin na ang Diyos ay makatarungan. Sinabi Niya na maaari siyang mabinyagan para maligtas, o isumpa sa impiyerno magpakailanman. Ayaw kong maniwala na masisiyahan ang isang mapagmahal na Ama sa Langit na ipadala ang Kanyang mga anak sa impiyerno magpakailanman dahil lamang sa hindi sila nabinyagan. Paano na ang mga tao na hindi nagkaroon ng pagkakataong mabinyagan?
Sa France, kakaunti ang mga mananampalataya. May mga kaibigan akong mababait, pero hindi sila nabinyagan. Naisip ko sa huli na hindi tamang ipalagay na mapupunta silang lahat sa impiyerno.
Kaya, nagpasiya akong bumuo ng sarili kong mga paniniwala. Naniwala ako sa isang Diyos na ang pag-ibig ay sakdal at gagawin ang lahat ng makakaya Niya para iligtas ang Kanyang mga anak. Kung ayaw tanggapin ng mga anak Niya ang Kanyang kaluwalhatian, nasa kanila na iyon. Pero bibigyan Niya sila ng pagkakataon.
Isang Paglihis Tungo sa Pagbabalik-loob
Isang araw dalawang full-time missionary na naglilingkod sa aming nayon ang nakahiwatig na lumihis ng daan pauwi. Sa kanilang daan pauwi, nakasalubong nila ang nanay ko. Pinahinto niya sila at gumawa ng appointment para makilala ko sila. Hindi ako nasiyahan doon. Ayaw ko silang kausapin. Akala ko sasabihin nila, “Kailangan mong makinig sa amin. Kailangan mong paniwalaan ang sasabihin namin sa iyo.”
Nang dumating ang mga missionary para magkakilala kami, sinabi ko sa kanila, “Huwag kayong mag-aksaya ng oras. May sarili akong mga paniniwala. Maganda ang ginagawa ninyo, pero naniniwala ako na napakahalaga ng pamilya. Naniniwala ako na ang mga pinuno ng simbahan ay dapat mag-asawa. Naniniwala ako na dapat ay may labindalawang Apostol ang isang simbahan. Naniniwala ako na ililigtas ng Diyos ang marami sa Kanyang mga anak hangga’t kaya Niya. At hindi ako naniniwala sa paninigarilyo at pag-inom ng alak.”
Nagulat akong malaman na tugma ang mga turo nila sa aking mga paniniwala. Binigyan nila ako ng Aklat ni Mormon at hiniling na ipagdasal ko ang tungkol doon. Nadama ko ang Espiritu nang basahin ko ang aklat, at nadama ko na nasa mga missionary ang Espiritu. Pero naisip ko, “Siguro kathang-isip ko lang ang mga positibong damdaming ito.”
Nagdasal ako at natanggap ko ang sagot sa isang panaginip. Sa aking panaginip, binuklat ko ang Biblia. Sa loob ng Biblia ay may mga tab na may iba’t ibang aklat ng Biblia. Ang nakasulat sa huling tab ay “Mormon.” Nakatulong sa akin ang mensaheng ito na maunawaan na ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng magkaparehong ebanghelyo (tingnan sa Ezekiel 37:15–19).
Lalo pang lumakas ang aking patotoo sa pamamagitan ng iba pang mga karanasan sa pagbabasa at pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Nang anyayahan ako ng mga missionary na magpabinyag, masaya kong tinanggap iyon. Nabinyagan ako eksaktong isang taon matapos akong iwan ng aking kasintahan. Ang aking binyag ay naging simula ng malaking pagbabago sa buhay ko. Nawalan ako ng ilang kaibigan nang sumapi ako sa Simbahan, pero nakahanap ako ng mga bagong kaibigan sa branch na dinaluhan ko.
“Ang ebanghelyo ay naghatid sa akin ng labis na kaliwanagan at kaligayahan,” sabi ni Nicolas. “Pinagpala ako ng Diyos. Nakilala ko ang isang mabuting babae, at mayroon kaming tatlong mabubuting anak na babae.”
Ang ebanghelyo ay naghatid sa akin ng labis na kaliwanagan at kaligayahan. Napuspos ako ng Espiritu at ng kagalakan. Naisip ko, “Dinala ako rito ng lahat ng napagdusahan ko noon.”
Pinagpala ako ng Diyos. Nakilala ko ang isang mabuting babae, at mayroon kaming tatlong mabubuting anak na babae. Dalawa sa kanila ang naglingkod sa misyon, at tumulong na maunawaan ng iba ang naunawaan ko maraming taon na ang nakararaan: “Ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang-hanggang tadhana ng Kanyang mga anak,” “ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 138:58), at ang Panginoon ay tumatawag ng mga apostol at propeta sa ating panahon para pamunuan ang Kanyang Simbahan (tingnan sa Efeso 2:20).