“Gusto kong Maging Katulad Ninyo,” Liahona, Set. 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Gusto Kong Maging Katulad Ninyo
Labis akong nabalisa sa pangamba na baka hindi sapat ang kakayahan ko—hanggang sa manalangin ako.
Paglalarawan ni David Malan
Pagkaraan ng mahaba at mahirap na araw na puno ng problemang dulot ng pag-aalaga sa tatlong batang musmos, ang gusto ko lang gawin ay maligo at matulog.
Napabuntong-hininga ako at pumasok na ng kuwarto ko para magpahinga. Noon pumasok ang aming limang-taong-gulang na anak na babae at ipinaalala sa akin na siya na ang nakatoka sa buwanang personal na interbyu na pinasimulan naming gawing mag-asawa sa kanya at sa tatlong-taong-gulang na anak naming lalaki. Tinatanong namin sila tungkol sa mga paborito nilang bagay at kung ano ang nagustuhan nila sa kindergarten o sa simbahan. Pagkatapos ay ipinapaalala namin sa kanila na sila ay mga anak ng Diyos at na mahal namin sila.
Nasiyahan ako sa mga pag-uusap na ito, pero pagod na pagod ang katawan ko’t isipan para gawin ito. Sasabihin ko na sana sa anak ko na bukas ng gabi na lang kami mag-usap, pero natanto ko kung gaano kahalaga ang mga pag-uusap namin para sa kanya.
“Sige,” pagod na sabi ko, “tawagin natin si Itay.”
Umupo kaming tatlo sa kama at nagsimulang mag-usap. Nang lumabas sandali ng kuwarto ang asawa ko, tinanong ko ang anak namin, “Ano ang gusto mong kahinatnan paglaki mo?”
Hindi ako naging handa sa sagot niya: “Katulad po ninyo.”
Tumulo ang luha sa aking mga mata, at napuno ng damdamin ang puso ko. Naantig ako sa tingin sa akin ng anak ko, pero nakadama ako ng labis na pagkabalisa sa takot na baka hindi sapat ang kakayahan ko. Naisip ko ang lahat ng dahilan kaya hindi ako isang magandang huwaran para sa mga anak ko, at alam na alam ko ang aking mga pagkukulang.
Nang gabing iyon habang nagdarasal ako, taimtim kong hiniling sa Ama sa Langit na tulungan akong maging mas mabuting halimbawa para sa aking anak at maging mas karapat-dapat sa kanyang paghanga. Kagyat akong nakadama ng kapanatagan, pag-asa, at pagmamahal. Nadama ko ang pasasalamat ng aking Ama sa Langit at ng Tagapagligtas para sa akin sa simpleng pagiging ina na nagsisikap na magpakahusay pa. Kinilala Nila ang aking mga pagsisikap at nariyan Sila para tulungan akong maging ina at anak na nakikita Nila sa akin.
Alam ko nang buong puso na kilala at mahal tayo ng Diyos at na sa pamamagitan ng “nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas,” maaari tayong maging katulad ng inaasam nating kahinatnan.