2025
Pinasaya Mo ang Lola Mo
Setyembre 2025


“Pinasaya Mo ang Lola Mo,” Liahona, Set. 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pinasaya Mo ang Lola Mo

Hindi alam ng pinsan ng lola ko kung gaano kahalaga sa akin ang kanyang regalo at mensahe.

larawan ng kasal ng lola ng awtor

Larawan ng kasal ng lola ng awtor

Lumaki sa piling ng mga magulang na bingi, alam na alam ko na naiiba ang aking pamilya. Noong bata pa ako, walang sinumang makapag-interpret para sa mga magulang ko sa mga miting o aktibidad ng Simbahan, kaya madalas ay hindi kami dumadalo.

Pakiramdam ko palagi ay isa akong tagalabas na nakasilip sa loob, at gustong magkaroon kung ano ang mayroon ang iba sa ward namin—isang pamilyang sama-samang nagdarasal at nag-aaral.

Gayunman, nang patapos na ako sa aking senior year sa high school, naging mas aktibo kami sa Simbahan. Nabuklod ang aking mga magulang sa Mesa Arizona Temple, at kami ng dalawa sa apat na kapatid ko ay nabuklod sa kanila.

Pagkaraan ng limang taon, naghahanda akong para sa endowment at makasal sa templo. Noong gabi bago ang pagbubuklod ko sa templo, nagpunta ang kapatid ko at kanyang asawa sa templo para mag-proxy para sa mga magulang ng nanay ko bilang paghahanda sa kanilang pagbubuklod kinabukasan. Halos 20 taon nang nabinyagan ang nanay ko noon, at sabik na siyang magsimulang gawin ang kanyang family history at gawain sa templo.

Kinabukasan, nabuklod ang lolo’t lola namin sa isa’t isa, at muling tumayong proxy ang kapatid ko at kanyang asawa. Araw iyon ng kasal ko, oo, pero nagkaroon ng dagdag na kahalagahan iyon para sa akin. Ang lolo’t lola ko, na hindi ko pa nakita kailanman, ay kabahagi ko sa espesyal na araw na ito.

Makalipas ang ilang araw, nang buksan naming mag-asawa ang mga regalo sa aming kasal, binuksan namin ang isang napakaespesyal na regalo mula sa pinsang-buo ng lola ko. Isa siyang relihiyosong babae na naging malapit sa lola ko. Ang regalo ay isang larawan ng lola ko sa araw ng kanyang kasal. Nakasulat sa nakalakip na card, “Napakasaya ng lola mo para sa iyo at nakamasid siya sa iyo.”

Hindi alam ng pinsang ito ng lola ko kung gaano kahalaga sa akin ang kanyang mensahe. Ni hindi niya alam ang gawain sa templo na naisagawa kamakailan para sa lola ko. Alam ko sa puso ko nang sandaling iyon na nasiyahan ang lola ko sa akin at masaya na nagsimula na ang aming pamilya sa mahalagang paglalakbay sa family history at gawain sa templo.

Isa na kaming walang-hanggang pamilya ngayon, na nasa landas ng pagtitipon sa aming mga ninuno at nangunguna ang nanay ko sa pagpapala sa aming pamilya sa kabilang panig ng tabing.