2025
Mga Aral na Natutuhan sa Pag-anyaya kay Cristo na Maging May-akda ng Aking Kuwento
Setyembre 2025


“Mga Aral na Natutuhan sa Pag-anyaya kay Cristo na Maging May-akda ng Aking Kuwento,” Liahona, Set. 2025.

Mga Babaeng Nakipagtipan

Mga Aral na Natutuhan sa Pag-anyaya kay Cristo na Maging May-akda ng Aking Kuwento

Lahat tayo ay may iba’t ibang karanasan, ngunit kung hahayaan nating manaig ang Diyos sa ating buhay, isasakatuparan natin ang layunin ng paglikha sa atin sa mga paraang hindi natin maiisip.

inang may kargang bagong silang na sanggol

Detalye mula sa Protector by Day and by Night [Tagapagtanggol sa Araw at Gabi], ni Caitlin Connolly, hindi maaaring kopyahin

Noong 2016—sa gitna ng halos tatlong dekada ng pagsasama naming mag-asawa, pagsisilang at pag-aalaga at pagmamahal sa aming tatlong anak na lalaki, pagiging full-time na abogado, paglilingkod sa mga tungkulin sa Simbahan, at pagtugon sa mga kailangan ng aming mga kamag-anak—tinawag kami ng asawang kong si Doug na maglingkod sa loob ng tatlong taon bilang mga mission leader sa Arequipa, Peru. Umalis kami noong kasisilang pa lamang ng aming unang apong lalaki.

Umuwi kami noong 2019 na may dalawang bagong apong babae. Ang dalawang panganay na anak naming lalaki ay may asawa na, at ang bunso ay may nobya na at malapit nang ikasal. Bumalik ako sa pagiging abogado, at ang paborito kong calling ay bilang Nanay at Lola.

At pagkatapos ay tinawag akong maglingkod bilang Primary General President. Ang komportableng salaysay na naisulat ko para sa aking sarili ay ang paggugol ng oras sa aking pamilya, isa pang dekada ng pagiging abogado para matiyak ang seguridad sa pananalapi, at paglilingkod sa aking ward o sa templo.

Paano kung hindi ako natinag sa komportableng salaysay na ito?

Nasiyahan siguro ako sa paggugol ng mas maraming oras sa piling ng aking mga apo at nakatiyak ng kaunting seguridad sa pananalapi. At hindi rin siguro ako nakaranas ng buhay na puno ng pagsubok, pagsusuri sa sarili, at pagpapalakas ng pananampalataya. Mahirap? Oo. Sulit ba? Oo naman!

Pinatototohanan ko na “dahil ganap na alam [ng Tagapagligtas] ang ating potensyal nang lubusan, dadalhin Niya tayo sa mga lugar na hindi natin naisip kailanman.” Tiwala ako na dadalhin Niya kayo sa mga lugar na hindi ninyo inisip kailanman, at ang inyong paglilingkod ay magiging panahon ng pagsusuri sa sarili. Hayaang gabayan kayo ng Diyos na umalalay sa isang taong nangangailangan sa inyo.

Maaari ninyong matagpuan ang inyong sarili na tinuturuang magbasa ang matatanda. O marahil ay naglilingkod sa mga imigrante. Mamumuno siguro kayo sa isang grupo sa komunidad na imentena at panatilihing ligtas ang mga parke para sa mga pamilya. Kapag hinayaan nating manaig ang Diyos, dadalhin Niya tayo kung saan Niya tayo kailangan at sa mga lugar na hindi natin inisip kailanman.

Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na tayo ay “[tumatanggap] ng higit pang pananampalataya sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay na nangangailangan ng higit na pananampalataya.”

Alam kong iyan ay totoo. Dahil sa pagpapahintulot sa Diyos na manaig sa aking buhay, sa pagpapahintulot sa Kanya na maging may-akda ng aking kuwento, nag-ibayo ang pananampalataya ko kay Jesucristo.

Kung gayon, paano ninyo Siya hahayaang manaig?

Ano ang kahulugan nito sa isang kabataang nag-aaral at nais mag-asawa at magkaroon ng pamilya? Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang pagpili ay hindi sa pagitan ng pamilya o edukasyon o trabaho. Sabi niya: “Ang tamang panahon ang kailangan nating piliin, at naghahangad tayo ng inspirasyon sa Panginoon at ng mga turo ng Kanyang mga lingkod sa paggawa niyan.”

Sa pagtalakay sa paksang ito, nais kong maging sensitibo sa mga tao na may taos-puso at walang-maliw na pagnanais na makapag-asawa at magkaanak sa buhay na ito at wala pang asawa. Kinikilala ko na marami ang mag-isang nagpapalaki ng mga anak dahil sa pagkamatay o pakikipagdiborsyo ng asawa. Alam ko na napakaraming mag-asawang kasal at gustong magkaanak at nagdurusa dahil walang kakayahang magkaanak at nakunan. Alam kong nagdurusa kayo. Nais ninyong magbago ang tamang panahon. Hindi ito ang salaysay na isinulat ninyo para sa inyong sarili. Nasasaktan ang puso ko para sa inyo.

Magkakaiba ang Kuwento ng Bawat Isa

Nag-aral ako, kapwa ng undergraduate at ng isang degree sa abogasya. Ikinasal ako sa kalagitnaan ng pag-aaral ko ng abogasya. Ipinanganak ko ang aking panganay na lalaki sa taon matapos akong pumasa sa bar. Nagkaroon ako ng mga anak, at sila ay minahal at inalagaan naming mag-asawa habang pareho kaming nagtatrabaho. Abala kami, kung minsa’y abalang-abala; hirap kami at kung minsa’y pagod-na-pagod. Sinuportahan ko siya, at sinuportahan niya ako. Mula noon, at hanggang ngayon, pamilya ang unang prayoridad namin. Naghangad kaming mag-asawa ng inspirasyon sa mga pasiyang ito at sa tamang panahon. Iyon ang impresyon na nadama naming gawin. Nagsikap kami noon na hayaang manaig ang Diyos.

Mula sa isang pananaw tungkol sa pananalapi at propesyon, makabubuti sigurong ipagpaliban muna ang pagkakaroon ng mga anak hanggang sa mas matatag na ako sa aking propesyon. Ngunit sa pagpapahintulot namin sa Panginoon na maging may-akda ng aming mga kuwento, kung minsa’y gumagawa kami ng mga bagay na hindi maunawaan ng mundo. Kinaya kong magbuntis, manganak, mag-alaga ng mga bata, mag-carpool, makihalo sa maliit na liga, mga responsibilidad sa Simbahan, suportahan ang asawa ko, at pagbutihin ang aking propesyon. Isang masayang karanasan ito na hindi ko babaguhin. Tiwala kami sa landas na aming tinahak dahil hinayaan naming manaig ang Diyos.

Huwag sana kayong magkamali sa pag-unawa. Hindi ko iminumungkahi na tularan ng lahat ang ginawa ko. Hindi magkakapareho ang ating mga kuwento. Ibinabahagi ko ang aking kuwento dahil ito ang alam ko. Gayunman, ang isang bagay na magkapareho sa atin ay ang ating motibasyon: na hayaang manaig ang Diyos.

Pagiging ina ang pinakamataas na prayoridad ko. Ito ang lubos na nagpapasaya sa akin. Binasbasan ng Diyos ng ating unang mga magulang at inutusan silang “magkaroon ng mga anak, at magpakarami, at [kalatan] ang lupa” (Genesis 1:28). Ang unang utos na ibinigay kina Adan at Eva ay “tungkol sa kanilang potensyal na maging magulang.”

Ang aking pangunahing oryentasyon ay tungo sa pagiging ina. Hindi naging salungat ang oryentasyong iyon sa masigasig kong paghahangad na makapag-aral. Inuutusan tayong maghangad na matuto—ang ilan sa mga ito ay natatamo sa pagsisikap nating makapag-aral. Nagmumula rin ito sa pagiging magulang, kung saan natututo tayong maging katulad ng Diyos habang nililinang natin ang mga katangian ng pagmamahal, awa, at pagtitiyaga.

Bahagi ng pagpapahintulot sa Diyos na manaig ang anyayahan Siya na maging bahagi ng ating mga pagpapasiya sa tamang panahon.

Walang hanggan ang pasasalamat ko na nakatanggap ako ng inspirasyon mula sa Panginoon at ng patnubay mula sa mga propeta na tulungan kaming mag-asawa sa aming pagpapasiya sa tamang panahon na mag-anyaya ng mga anak sa aming pamilya nang gawin namin iyon. Lubos akong nagpapasalamat na kumilos ako ayon sa mga pahiwatig at hindi ko hinayaang humadlang ang mga impluwensya ng mundo, kaginhawahan, karangalan, o pera sa pagpapasiya kong tuparin ang aking banal na potensyal na magsilang at magpalaki ng mga anak.

kababaihang mayroon at walang mga anak

Women with and without Children [Kababaihang Mayroon at Walang mga Anak], ni Caitlin Connolly, hindi maaaring kopyahin

Ang Layunin ng Paglikha sa Atin

Kung tumigil ang kalalakihan at kababaihan sa pagkakaroon at pag-aalaga ng mga anak, magwawakas ang mortal na karanasang ito. Napakahalaga, kung gayon, na hindi natin kaligtaan o balewalain ang sagradong responsibilidad ng pagiging magulang.

Ipinapakita ng napakaraming datos ng agham panlipunan ang tiyak at negatibong epekto sa mga bansa at sibilisasyon na tumitigil sa pagkakaroon ng mga anak. Sa maraming bahagi ng mundo, wala pang dalawa ang karaniwang buhay na isinisilang ng bawat babae. Nangangahulugan iyan na hindi natin napapalitan ang ating sarili.

Bilang mga lider ng Simbahan, nag-aalala tayo sa mga huling kalakaran sa pag-aasawa at pag-aanak. Sa Estados Unidos, sa nakalipas na 30 taon, nakakita tayo ng walo hanggang siyam na porsiyentong pagbaba sa mga mamamayang nakapag-asawa. Ang mga numerong ito ay “kumakatawan sa isang pandaigdigang problema.” Kapag hindi nag-asawa ang mga tao, mas kakaunti ang mga batang isinisilang.

Nalagpasan kamakailan ng Estados Unidos ang “punto kung saan, sa mga adult na edad 18–55, mas malaki na ngayon ang bilang ng mga single adult na walang mga anak kaysa may asawang mga adult na may mga anak.”

Mahalaga ang mga bata sa pagpapanatili ng sibilisasyon. Mahalaga sila sa maluwalhating plano ng kaligayahan. Ang utos sa atin na magpakarami at kalatan ang lupa ay “nananatiling may bisa.”

paglalarawan sa isang pamilyang sama-samang nakatayo

Detalye mula sa Us with Them and Them with Us [Tayo na Kasama Sila at Sila na Kasama Tayo], ni Caitlin Connolly, hindi maaaring kopyahin

Hayaang Isulat ng Panginoon ang Inyong Kuwento

Alam ko na maaaring ang taos-pusong hangarin ng marami ay ang makapag-asawa at magpalaki ng mga anak. Subalit marami ang walang asawa o hindi magkaanak. Ang aking pinakamamahal na kaibigan, na hindi kailanman nakapag-asawa at nagkaroon ng sariling mga anak, ay minahal at inaruga ang aking mga anak. Hindi ito pamalit sa sarili niyang mga anak. Patunay ito na hindi nagbabago ang kanyang oryentasyon patungkol sa pagiging ina.

Ang aking anak na lalaki at manugang na babae ay naharap sa mga hamon ng paulit-ulit na pagkalaglag ng sanggol na dinadala. Ang kanilang nais ay matwid. Hinahangad nilang hayaang manaig ang Diyos sa kanilang buhay. Tandaan, kapag humihiling tayo nang may pananampalataya na hayaan si Jesucristo na maging may-akda at tagapagtapos ng ating kuwento, kailangang maging handa tayong gumanap sa isang di-matiwasay na salaysay sa pag-asang magkaroon ng isa, bagama’t masakit, na sa huli ay mas dakila at mas makalangit kaysa sa inaasahan natin.

Kabilang sa mga mahal kong kaibigan ang isang mag-asawang walang anak na may edad na nang magpakasal at hindi nagkaanak. Nagtanong sila nang may pananampalataya kung dapat ba silang mag-ampon. Sa halip na isang sanggol, nagkaroon sila ng impresyon na mag-ampon ng apat na magkakapatid na babae—edad 5 hanggang 17. Tiyak at walang duda na hindi ito ang salaysay na naisulat nila para sa kanilang sarili. Ngunit napakaganda ng kuwentong isinulat Niya para sa kanila.

Anuman ang ating mga personal na sitwasyon, lahat tayo ay bahagi ng pamilya ng Diyos, mga miyembro ng isang pamilya dito sa lupa, at naghahandang maging mga walang-hanggang magulang. Ang mga pagpapala ng kadakilaan ay ipinagkakaloob sa atin sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo, kabilang na ang mga inapo. Kaya naman, nabubuklod man tayo at nagkakaanak sa buhay na ito o sa kabilang-buhay, ang layunin natin ay kadakilaan—na maaaring mapasaatin kung gagawa at tutupad tayo ng mga tipan. Kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, nakabigkis tayo sa Kanya sa langit, at hindi tayo kailanman nag-iisa. Binibiyayaan Niya tayo ng “karagdagang pagmamahal at awa.”

Bilang mga taong nakipagtipan, nagpaplano at naghahanda tayong makapag-asawa at magkaroon at mag-alaga ng mga anak. Napakasagrado at napakabanal ng tungkuling ito! Nagmamahal at namumuno at naglilingkod at nagiging magulang tayo para ipakita ang ating pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak—dahil gusto nating manaig Siya sa ating buhay.

Isang maluwalhating panahon ito upang mabuhay at gumawa ng mga tipan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang pag-unawa sa ating tungkulin, layunin, at responsibilidad sa plano ng kaligayahan ay nagdudulot ng karangalan, kasiguruhan, at kagalakan. Ang malaman na mayroon tayong buhay na propeta na naghahanda sa atin para sa mga mangyayari sa hinaharap ay naghahatid sa akin ng kapayapaan at maging ng malaking pag-asa sa gitna ng kawalang-katiyakan. Ang aking pakikipagtipan sa Diyos ay nagbibigay sa akin ng tiwala sa sarili. Ang aking tiwala sa tipan ay na kay Jesucristo.

Pinatototohanan ko na Siya ay buhay, na madarama natin ang Kanyang pagmamahal sa Kanyang kahandaang ialay ang Kanyang buhay at Pagbabayad-sala para sa bawat isa sa atin.