Mensahe Ng Area
Paghugot ng Lakas mula sa Aklat ni Mormon sa Ating Buhay sa Araw-araw
Bilang forester na nagtatrabaho sa Mount Makiling noong 1990s at mga unang taon ng 2000s, natutuhan ko ang kahalagahan ng paggamit ng mapa at kompas sa pagplano at pagsasagawa ng mga ekspedisyon. Nakatulong sa akin ang mga kagamitang ito para matuklasan at maprotektahan ang kagubatan. Sa gayunding paraan, umaasa ako sa paggabay ng Aklat ni Mormon sa aking espirituwal na paglalakbay at mga hamon sa buhay.
Nagsimula ang paglalakbay na iyan nang maging instrumento ang Aklat ni Mormon sa pagpapabinyag ng aking mga magulang sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Pagadian City, Mindanao, noong ika-7 ng Hunyo, 1970. Apat na taong gulang lamang ako noon. Nang magwalong-taong-gulang na ako, bininyagan ako ng aking ama, at ang binyag na iyon ang simula ng sarili kong paglakad sa landas ng tipan. Mula pagkabata, ang aking paglalakbay ay nakaugnay sa paglalakbay ng aking mga magulang, dahil pinalaki nila kami sa ebanghelyo. Itinuro nila sa amin—sa pamamagitan ng salita at halimbawa—ang kahalagahan ng Sabbath, sakramento, ikapu, mga basbas ng priesthood, at regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Bilang batang estudyante ng seminary, may mahalagang aral akong natutuhan: hindi lubos na malalaman ng isang tao ang lasa ng asin kung hindi pa niya ito natitikman, tulad rin ng hindi niya mauunawaan nang lubos ang Aklat ni Mormon nang hindi ito binabasa, pinagninilayan, at ipinagdarasal. Nang natapos kong basahin ang Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon, napaisip ako sa paulit-ulit na siklo ng kabutihan at kasamaan ng mga tao at ang pagkalipol ng mga Nephita sa bandang huli. Kaya’t nagpasiya akong sikaping magpakabait at matutong magsisi habang ako’y bata pa.
Ang aking patotoo sa Diyos at pagmamahal sa Aklat ni Mormon ay lumalim nang matanggap ko ang aking patriarchal blessing sa edad na 15. Kahit noong araw na iyon ko pa lang nakilala ang patriarch, pakiramdam ko ay parang matagal na niya akong kilala. Ang kanyang inspiradong payo ay nagbigay sa akin ng malinaw na landas na susundan at nagpatunay sa akin na personal akong kilala ng Diyos. Kabilang sa landas na iyon ang pagtutulot na tumimo sa aking puso ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga banal na kasulatan.
Ang payong ito ay naging espirituwal na angkla ko nang sa edad na 16 ay nilisan ko ang aming tahanan para mag-aral sa kolehiyo sa Los Baños, Laguna. Sa pagtira nang malayo sa pamilya at iilang miyembro lamang ng Simbahan ang kahalubilo, nakahanap ako ng lakas sa araw-araw na pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Pinatatag nito ang aking patotoo, tinulungan akong humusay sa aking pag-aaral, at pinalakas ang pagnanais ko na magmisyon pagkatapos ng kolehiyo.
Sa simula pa lang sa misyon, natanto ko na lahat ng itinuturo at pinaniniwalaan natin bilang mga Banal sa mga Huling Araw ay nakaugat sa Aklat ni Mormon. Mula noon, ipinasiya ko na ipagtanggol ito sa bawat pagkakataon.
Dumating ang gayong pagkakataon nang hindi inaasahan. Minsan kami ng kompanyon ko ay “nakulong” sa isang silid kasama ang mga ministrong mula sa ibang simbahan na pilit na pinabubulaanan ang mga itinuturo namin. Tumanggi kaming makipagtalo sa kanila at tahimik na ipinagdasal na makahanap kami ng paraan para makaiwas. Maya-maya, naisip ko ang isang lesson sa seminary. Tinanong ko sila, “Paano ninyo mailalarawan ang lasa ng asin sa isang taong hindi pa nakatikim nito?” May ilang mga nagtangkang sagutin ito, pero hindi nila nagawa, hanggang sa may isang nagsabi, simple lang—tikman ito!” Pagkatapos ay ipinakita ko ang aking kopya ng Aklat ni Mormon at itinanong, ‘Ilan sa inyo ang nakabasa na ng aklat na ito?” Walang nagtaas ng kamay o sumagot ng oo. Tahimik lang ang lahat. Iyon ang nagbigay sa amin ng pagkakataon na magpatotoo at anyahahan sila na basahin nila mismo ito. Natapos nang mapayapa ang pag-uusap, at nabalita ito sa komunidad, na naging daan para mabuksan ang mga pintuang dating isinara sa amin.
Mahal ko ang Aklat ni Mormon. Ito ang pundasyon at saligang-bato ng aking patotoo sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa katotohanan ng Kanyang ebanghelyo. Personal kong pinatototohanan na si Propetang Joseph Smith ay tunay na tinawag ng Diyos at na ang Simbahan ni Jesucristo ay naipanumbalik sa mga huling araw na ito. Sa mahigit 40 taon na ngayon, patuloy kong sinisikap na basahin ang Aklat ni Mormon sa araw-araw. Ang pagsasabuhay ng mga turo nito ay mas naglapit sa akin sa Diyos at nagpalakas sa akin bilang asawa, ama, lider ng Simbahan, at disipulo ni Cristo.
Inaanyayahan ko ang lahat na humugot ng lakas sa Aklat ni Mormon upang ganap na magkaroon ng kaibhan ang ating buhay sa araw-araw. Masaya nating basahin at pag- aralan ito sa bawat araw. Gusto kong ulitin ang pangako ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Sa mapanalanging pag-aaral [natin] ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa [tayo] ng mas maiinam na desisyon—sa araw- araw. . . . Habang pinagninilayan [natin] ang [ating] pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at tatanggap [tayo] ng mga sagot sa [ating] sariling mga tanong at patnubay sa [ating] buhay.”
Sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon, halina’t “magpakabusog [tayo] sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa [atin] ng lahat ng bagay na dapat [nating] gawin” (2 Nephi 32:3). At “kung [tayo] ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: [Tayo] ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).