2025
Pananampalataya sa Paisa-isang Hakbang
Setyembre 2025


Mensahe Ng Area

Pananampalataya sa Paisa-isang Hakbang

“Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.” —Mga Kawikaan 3:5

Madalas nating marinig ang mga katagang “Magtiwala ka sa Panginoon,” pero ano ba talaga ang kahulugan noon kapag naging kumplikado na ang buhay? Para sa akin, nasubok iyon sa unang taon ko sa nursing school sa St. Paul University Dumaguete.

Inanyayahan akong maging bahagi ng health team para sa FSY 2022 sa Bacolod. Kahit estudyante pa lang ako, ikinarangal at ikinatuwa ko na makatulong. Pero dalawang linggo bago ang kaganapan, nalaman ko na magkasabay ang petsa ng opening day ng FSY at ng mga final exam ko. Hindi ko alam kung alin ang pipiliin. Gusto kong maglingkod, pero kailangan ko ring gawin ang mga responsibilidad ko sa pag-aaral.

Kaya nagdasal ako, hinihiling sa Panginoon na tulungan akong makahanap ng paraan. Dumating ang sagot nang mahina ngunit malinaw: Pumunta ka.

Tinanong ko ang mga coordinator ng FSY kung puwede akong bumiyahe nang solo papuntang Bacolod matapos ang aking mga exam. Nagulat ako nang sumagot sila ng oo. Iyan ang unang himala.

Sa araw ng exam, inihatid ako ng tatay ko sa paaralan. Nang madaanan namin ang mga bus ng FSY, pabiro kong sinabi, “Sana all!” Sumagot si Itay, “Gawin mo lang ang bahagi mo, at bahala na ang Diyos sa iba.” Karaniwan, ako ang huling natatapos sa mga exam, pero nang araw na iyon tapos na ako nang alas-10 ng umaga— pangalawang himala.

Pagkatapos ay may biglang pagbabago: nag-anunsyo ng karagdagang mga face-to-face exam sa hapon. Nadismaya ako. Pero pagkatapos ng isa pang panalangin, may sumunod na anunsyo—nalipat na nang online ang mga exam. Pangatlong himala.

Nagmamadali akong tumakbo papuntang gate habang nagdarasal na may masakyan ako. Maya-maya, isang walang laman na bus papuntang Bacolod ang huminto. Pang-apat na himala.

Habang nagbibiyahe sa kabundukan ng Mabinay, nakatanggap ako ng mensahe: magsisimula na ang online exam pagkalipas ng 30 minuto. Walang signal sa lugar. Nagdasal akong muli. Bigla kong nakitang buo ang 5G sa phone ko. Sumali ako sa tawag, tinapos ang exam, at isinumite ito. Matapos akong mag-log off, nawala na agad ang signal. Panglimang himala.

Dumating ako sa Bacolod nang ligtas at nasa oras. Pang-anim na himala.

Sa FSY, pitong kabataan ang nagkaroon ng mataas na lagnat. Magdamag namin silang binantayan ng health team—kinukuhanan sila ng mga vital sign, pinupunasan, at ipinagdarasal. Kinaumagahan, gumaling na silang lahat. Pampitong himala.

Sa pagbiyahe namin pauwi, tiningnan ko kung may signal sa mismong dakong iyon ng bundok. Wala. Kinumpirma ni Brother Romil, “Hindi kailanman nagkaroon ng signal sa lugar na iyan.” Pinatunayan sa akin ng sandaling iyon ang lahat-lahat. Totoo ngang namagitan ang Panginoon.

Itinuro sa akin ng karanasang ito na ang ibig sabihin ng pagtitiwala sa Panginoon ay ang magpatuloy kahit hindi malinaw ang daan. Ito ay pagpili na manampalataya sa halip na matakot, maglingkod sa halip na piliin ang kaginhawahan, at magdasal sa halip na mag-alala. Kapag ginawa natin ang ating bahagi, palaging gagawin ng Panginoon ang Kanyang bahagi.

Siya ang Diyos ng mga himala. At kung minsan, ang kailangan lang ay isang hakbang ng pananampalataya para makita ang Kanyang tulong.