2025
Pagbuo ng Walang Hanggang Pamilya: Pagkapit kay Cristo sa Gitna ng ‘Di Mailarawang mga Pagsubok
Setyembre 2025


Mensahe Ng Area

Pagbuo ng Walang Hanggang Pamilya: Pagkapit kay Cristo sa Gitna ng ‘Di Mailarawang mga Pagsubok

Nang una kong marinig ang awitin ng Primary na “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,” parang simple at nakapapanatag na katotohanan lang ang tingin ko rito. Pero matapos ang matinding pinagdaanan namin kasama ang aming panganay na anak na si Eliza Annrie, ang mga salitang iyon ay naging angkla sa aming mga kaluluwa—isang sandigan sa unos ng ‘di mailarawang pagdurusa.

Noong Oktubre 2024, si Eliza ay nasuring may Stage 3 Parapharyngeal Synovial Sarcoma— isang hindi pangkaraniwan at agresibong kanser. Ang mismong diyagnosis niya ay isa nang himala, na nakumpirma lamang matapos ang halos dalawang taon ng imposibleng mga operasyon para sa biopsy. Hindi siya pwedeng operahan dahil sa lokasyon ng tumor, tanging chemotherapy at radiation lamang ang mga treatment na maaaring gawin sa kanya. Kahit nakumpleto na niya ang pitong cycle ng mataas na dosage ng chemotherapy at 36 na radiation session, kumalat pa rin ang kanser sa kanyang mga buto at sa kanyang utak kalaunan. Sumailalim siyang muli sa 10 round ng radiation at sa mas pinatinding pangangalaga para maibsan man lang ang sakit na kanyang nararamdaman. Sa lahat ng naranasan niyang ito, nagpakita si Eliza ng pambihirang katapangan at hindi natitinag na pananampalataya, hinarap maging ang mga huling sandali ng kanyang buhay nang mapayapa at may tiwala sa Tagapagligtas.

Ang pananampalataya ni Eliza ay pinatatag sa maraming paraan. Gustung-gusto niya ang Strive to Be music, na nakatulong sa kanya na mapalapit sa Tagapagligtas. Inasam niya ang mga pagbisita sa templo at pagsisimba hangga’t maaari. Ang pagdalo niya sa FSY 2025 ay nagpalakas ng kanyang patotoo at nagpalalim ng kanyang pagmamahal sa Tagapagligtas. Nagpatotoo siya mula sa pulpito—hindi mula sa wheelchair—tuwing Testimony Sunday. Kahit nasa ospital na at hindi makakita o makagalaw, nagpadala siya ng voice recording sa kanyang bishop. Ang kanyang patriarchal blessing ay nagpaalala sa kanya ng kanyang banal na identidad at nagbigay sa kanya ng kapanatagan, maging sa mga sandali na labis ang sakit na kanyang nararamdaman. Sa mga huling linggo ng kanyang buhay, nanatili siyang gising upang makasama kami nang lubos, nagpapakita ng pagmamahal at tapang nang hindi umaasa sa matitinding gamot.

Sa kanyang buong paglalakbay, nakasaksi kami ng maraming himala. Ang aming batang anak na si Daniel ay may mga sagradong pangitain tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na nagbabantay kay Eliza, kasama ang mga anghel. Ang mga pangitaing ito ay nagbigay sa akin ng kapanatagan, nalalamang siya ay pinangangalagaan.

Noong ika-18 ng Hunyo, 2025, bumalik na si Eliza sa ating Ama sa Langit. Nang araw na iyon nadurog ang aming mga puso, pero sa gitna ng dalamhati, ibinulong ng Espiritu na ang misyon ni Eliza sa mundo ay natapos na—at na hindi pa rito nagtatapos ang aming kuwento kasama siya.

Makalipas ang ilang linggo, noong ika- 2 ng Agosto, isinagawa ng aking asawang si Anna Marie ang mga ordenansa ng initiatory at endowment para kay Eliza. Ito ang naging katuparan ng pinakaninanais ni Eliza at ipinaalala nito sa amin na sa pamamagitan ng mga tipan sa Diyos, ang mga pamilya ay maaaring mabigkis ng walang hanggang pagmamahal.

Ang mga tipan sa templo ay naging napakalaking mapagkukunan ng pag-asa. Dahil alam naming nabuklod ang aming pamilya nang walang hanggan, napanatag kami sa paraang hindi kayang ilarawan ng mga salita. Hindi namin mapapawi ang aming kalungkutan, pero dahil kay Jesucristo, hindi kailanman mawawala sa amin ang pagmamahal—o ang pangako na muli kaming magkakasama.

Bilang pamilya, pinipili naming kumapit nang mahigpit kay Cristo. Sinimulan naming muli ang aming pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, magkasamang nagdasal gabi-gabi, at ginawang kanlungan ang templo. Pinanghahawakan namin ang paboritong talata sa banal na kasulatan ni Eliza, ang Doktrina at mga Tipan 6:36: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”

Hindi ibig sabihin na sa pagbuo ng walang hanggang pamilya ay wala ng pasakit sa buhay. Ang ibig sabihin nito ay pagbaling sa Tagapagligtas para sa lakas kapag dumating ang mga pagsubok. Ang ibig sabihin nito ay magtiwala na ang plano ng Ama sa Langit ay higit sa kaya nating maunawaan. Bagama’t maikli lamang ang buhay ni Eliza, ito ay puno ng liwanag, pananalig, at pagmamahal. Dahil kay Jesucristo, ang liwanag na iyon ay patuloy na magliliwanag sa aming pamilya—at sa kawalang-hanggan. Tulad ng ipinangako ng Tagapagligtas: “Sapagkat ako’y nabubuhay ay mabubuhay rin kayo” (Juan 14:19).