“Hindi Mahusay sa Badminton,” Kaibigan, Abril 2026, 38–39.
Hindi Mahusay sa Badminton
“Pero gusto ko pong maging mas mahusay na rito ngayon,” sabi ni Shia.
Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Pilipinas.
Huminga siya nang malalim at sinikap na magpokus. Magagawa niya ito. Hinayaan niyang mahulog ang shuttlecock mula sa kanyang kamay, at hinampas ito ng kanyang raketa, at …
Plonk!
Bumagsak ang shuttlecock sa sahig sa harapan mismo ng kanyang mga daliri.
Si Shia ay napabuntong-hininga at sumimangot. Nagmintis siya. Ulit.
Tumakbo palapit si Itay mula sa gilid ng badminton court. “Ayos lang ‘yan! Siguro mas ibaluktot mo ang iyong wrist sa susunod na magse-serve ka.”
“Napakahirap mag-serve!” sabi ni Shia. Tiningnan niya ang ibang court kung saan naglalaro ang kanyang mga pinsan na sina Analyn at Jovan. Lumipad ang shuttlecock sa ibabaw ng net habang salitan nilang hinahampas ito ng kanilang mga raketa. Parang madali lang ito sa kanila!
Inakbayan siya ni Itay. “Huhusay ka rin sa badminton. Kailangan lang ng kaunting praktis.”
“Pero gusto ko pong maging mahusay na ngayon,” sabi ni Shia.
Ngumiti si Itay. “Siguro magiging mas maayos ang praktis ng team ninyo bukas.”
Ngunit kinabukasan, hindi naging mas maayos ang praktis ng team. Mas maraming mintis si Shia kaysa sa tamaan ang shuttlecock. Hindi niya ito ma-serve para makalampas sa net. At sa oras ng pahinga, natapilok siya at natapon ang tubig sa kanyang uniporme.
Si Layla, ang kapitan ng team, ay itinuro ang kanyang basang kamiseta at tumawa. “Masyado kang malamya, Shia!”
Nag-init ang mukha ni Shia. Pagkatapos ay tinawag ng kanyang coach ang lahat papunta sa court.
“Okay, mga bata, ilang linggo na lang at tournament na. Mag-partner-partner kayo!”
Tinapik ni Analyn si Shia sa balikat. “Puwede tayong mag-partner. Tutulungan kitang magpraktis.”
Tumawa si Layla. “Si Shia ang pinakamahina sa team! Hindi ka mananalo kahit kailan kung siya ang ka-partner mo.”
Napayuko si Shia. Tama si Layla. Siya ang pinakamahina sa team, at hindi siya sigurado kung mas huhusay pa siya.
Pag-uwi ni Shia, nagluluto si Inay ng adobong manok. Ang kanyang nakababatang kapatid na si Tolome ay umiiyak at hawak ang binti ni Inay.
Tila naginhawahan si Inay nang makita si Shia. “Buti nakauwi ka na! Puwede bang kunin mo si Tolome at makipaglaro ka sa kanya habang tinatapos ko ang niluluto ko?”
Walang ganang maglaro si Shia sa oras na iyon. Pero mukhang napakalungkot ni Tolome! Kinarga siya ni Shia. Umiiyak pa rin si Tolome.
Inilagay siya ni Shia sa sahig at inilabas ang ilang papel mula sa kabinet. Tahimik na nagsimula siyang gumawa ng origami na pusa.
Pinanood siya ni Tolome, at unti-unti, kumalma ito. Natapos ni Shia ang pusa at itinaas ito. “Meow!”
Humagikgik si Tolome. Ibinigay sa kanya ni Shia ang origami na pusa at sinimulang gawin ang mga papel na ibon, kuneho, at pagong para malaro nila.
“Napakahusay mo sa pagtulong!”
Lumingon si Shia at nakitang nakangiti si Inay. “Salamat sa pagtulong mo sa akin ngayon. Ang ginawa mo ay katulad ng kay Cristo,” sabi ni Inay.
“Masaya po ako na makatulong.” Tiningnan ni Shia ang napakasayang si Tolome at masaya ang pakiramdam niya. Kahit hindi siya mahusay sa pag-serve ng shuttlecock sa badminton, siguro talagang pagsisikapan niya na maging pinakamahusay sa paglilingkod sa kanyang pamilya.
Nang sumunod na ilang linggo, nagsikap si Shia na mas mahusay sa pag-serve—sa court at sa bahay. Nagpraktis siya araw-araw sa badminton court pagkatapos ng eskuwela. Pagkatapos magpraktis, tinulungan niya si Inay kay Tolome sa bahay. At ipinagdasal niya na tulungan siya ng Ama sa Langit na maghanda para sa kanyang tournament.
Nang dumating ang araw ng tournament, kabadung-kabado si Shia! Naglakad sila ni Analyn papunta sa court. Kumaway si Inay, Itay, at Tolome mula sa mga upuan. Nang siya na ang magse-serve, huminga nang malalim si Shia. Magagawa niya ito.
Hinayaan ni Shia na mahulog ang shuttlecock mula sa kanyang kamay, at hinampas ito ng kanyang raketa, at …
Whack!
Lumipad ito sa ibabaw ng net! Narinig niyang masayang pumalakpak at humiyaw si Itay. Nagawa niya!
Siguro, hindi naman talaga mahirap ang mag-serve.
Mga paglalarawan ni Beatrice Costamagna. Maaari lamang kopyahin para sa mga gawain sa Simbahan.